Kabanata XIV

46 4 0
                                    

[[ J o s h ]]

"Tao po?"

Nagising na lang ako dahil sa malakas na pagkatok sa pinutan ng aming munting kubo. Napakadilim pa rin, pero may bakas na ng liwanag na tumatagos sa mga malilit na butas ng bahay. Pawis na pawis na kami. Napakainit at halos walang preskong hangin ang nakakapasok dahil nga sinara ko ang bintana.

Hindi ko alam kung anong oras na ko dinalaw ng antok kahapon. Ang alam ko lang, lumipas ang gabi na takot na takot kaming tatlo. Kaliwa't kanan ang putukan ng mga baril. Nasa pinakasulok kami ng kubo at nangangatog sapagkat may ilang mga bala rin ang tumagos sa aming bahay.

"May tao po ba diyan?" Tanong muli ng mga nasa labas.

Gising na rin sila Aling Emelita. Si Rosario ay nilalagnat pa rin ngayon kaya hindi siya maiwanan ni Aling Emelita. Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo upang tignan ang sitwasyon sa labas. Papunta na sana ako sa pinutuan nang biglang hawakan ni Aling Emelita ang aking binti.

"Mag-iingat ka, anak." Mahinang wika nito. Hindi ko man makita nang maayos pero alam kong bakas na naman ang pag-aalala sa kaniyang mukha bilang isang ina.

"Opo." Maikling tugon ko.

Dahan-dahan kong sinubukang buksan ang maliit na pintong gawa sa kahoy. Ayun nga lang, tila nakatali ito mula sa labas. Ayaw niya magbukas kahit anong hila o tulak ko!

"May tao ba diyan? Sandali, umatras po kayo at gigibain namin ang pinto." Sabi nung tao sa labas.

Agad naman akong tumabi sa daanan. Ilang minuto pa, nawarak nila ang pinto at halos masilaw ako sa liwanag na biglang nagpawi sa dilim. Kung tama ang hinala ko, malapit nang magtanghali.

"Ayos lang ba kayo, hijo?" Tanong ng isang buff na lalaki. May mga kasamahan ito sa likod at ang unang napansin ko ay iyong armas na nakasabit sa likod niya. Mahaba ito at matulis sa dulo. Isa itong riffle na madalas ginagamit sa pakikipaglaban.

Napahakbang ako paatras.

"A-ah hindi niyo po kailangang matakot. Napag-utusan lang po kami ng aming kapitan na balikan ang lugar na ito dahil wala sa planong dito dalhin ng mga kaaway ang labanan." Paliwanag ng lalaki.

Part daw sila nung giyera na nangyari kahapon. Kung ganon...edi mga sundalo pala sila? Napagtanto ko na pare-parehas nga pala sila ng mga suot. Mga naka asul na uniporme ang mga ito. Lahat sila ay nakabota at pansin ko rin na mayroon silang suot na mga sumbrerong may emblem. Palagay ko ito ang sumisimbolo na bahagi sila ng hukbong militar ng Pilipinas.

"May napahamak ba sa inyo rito? May sugatan ba? Mayroon kaming kasamang mediko sakaling may nangangailangan ng paggamot." Wika muli nito.

Si Rosario. Agad kong naalala ang nakakabatang kapatid ni Jose na si Rosario. Hindi pa ito nakakakain at hindi pa rin mabuti ang kaniyang lagay. "M-maari niyo po bang tignan ang aking kapatid? Kahapon pa po siya nanlalamig at ngayo'y nilalagnat naman." Sabi ko.

Tumango naman yung sundalo bilang pagpayag. Ilang sandali pa, tinulungan nilang mailabas si Rosario na ngayon ay namumutla at walang malay. Hindi siya pinabayaan at iniwan ni Aling Emelita. Hanggang sa pagpapagamot sa kaniya, naroon ang kaniyang ina na nagbabantay sa kaniya.

"Tatlo lang kayong mag-ina rito, hijo?" Tanong nung sundalong tumulong sa amin kanina. Tumabi siya sa akin at nagsindi ng sigarilyo.

"H-hindi po." Tugon ko at agad ko namang naisip si Mang Pedro! "Wala po ba kayong nakasalubong o nakitang matandang lalaki? L-lumabas po siya saglit kahapon upang kumuha ng mga tuyot na kahoy sa likod ng aming kubo ngunit... hindi na siya bumalik." Paliwanag ko.

Kumunit ang noo ng lalaki. "Tatay mo? Hmm. Wala naman kaming nakasalubong na iba. Naikot rin namin ang inyong palayan at... wala namang kaming ibang nakasalamuha. Wala rin kaming bangkay na natagpuan." Sagot nito.

Phew! Kahit papaano nakahinga naman ako nang maluwag. Maaaring buhay si Mang Pedro! Sa totoo lang, nawala sa isip ko na hindi na nga pala siya nakabalik kahapon. Nang maalala ko kanina, bigla akong kinabahan dahil baka kung ano nang nangyari sa kaniya. Sa palitan ba naman ng pamamaril kahapon, baka kako nadawit siya o ano!

Sandali... kung siya'y buhay, nasaan siya ngayon? Bakit bigla siyang nawala? Bakit hindi pa siya bumabalik sa amin?

Lumapit yung sundalo sa bukanan ng aming kubo. Sa tabi ng mga warak-warak na kahoy, pinulot niya ang makapal na lubid mula sa lupa. "Hula ko sinadyang itali ng iyong ama ang pinto ninyo." Sabi ng niya habang nakatingin sa hawak niyang lubid. "Ayaw niya sigurong makapasok rito ang mga kaaway. At kung tama ang hinala ko... maaaring ginamit niya ang sarili niya bilang pain (bait) upang hindi na lalong lumapit sa inyo ang giyera."

Naalala ko tuloy ang mga matang nangungusap kahapon ni Mang Pedro. Hindi ko naman inaasahan na may ganito pala siyang pinaplano. Hindi ko naisip na maaaring iyon na pala ang huling beses na makikita ko siya dahil ibu-buwis niya ang kaniyang buhay para sa kaniyang pamilya.

Biglang bumigat ang aking dibdib. Saglit ko lang nakilala si Mang Pedro pero batid ko na isa siyang mabuting tao. Mabuti siyang asawa kay Aling Emelita. Mabuti rin siyang ama kina Rosario at Jose. Ano na lang kaya ang mararamdaman nila Rosario pag nalaman nilang nawawala si Mang Pedro? At ang malala pa, huwag naman sana, maaaring wala na rin itong buhay pag natagpuan namin siya.

"Jose!" Rinig kong may tumawag sa akin. Lumingon ako sa likod at nakita ko si Tomas na inaalalayan ang kaniyang ama.

"K-kamusta kayo?" Tanong ko nang makalapit sila sa amin. Saglit akong napasulyap sa kaniyang ama. Naalala kong nabanggit ni Mang Pedro ang kaniyang pangalan kahapon. Siya si Mang Oskar. Natatandaan ko siya. Isa siya sa mga tumawag sa akin noong nagtatatakbo ako sa palayan noong unang araw ko rito.

"Ayos lang. Nagkaroon lang ng hiwa si ama dahil hindi niya napansin ang nakausling pako sa kubo." Paliwanag ni Tomas.

Kaya pala may bandage sa binti yung tatay niya. Unang pumunto siguro sa kanila ang oangkat ng nga sundalong ito dahil mukhang nagamot naman na yung sugat ni Mang Oskar. Humiwalay si Mang Oskar sa kaniya. Aalalayan pa muli sana siya ni Tomas pero sumenyas ito na kaya niya na atsaka pumunta kina Aling Emelita para kamustahin din ang lagay nito.

"Jose." Muling tawag sa akin ni Tomas nang makalayo na ang kaniyang ama. Nabaling naman sa kaniya ang aking atensyon. "Nakita mo naman yung nangyari kahapon hindi ba? Hindi na tayo ligtas dito. Karamihan sa ating mga kapitbahay ay umalis na. Tayo na lang ang natitira dito." Sabi niya.

"Kahapon sa bayan, patawarin mo ako dahil palihim kong isinumite ang mga pangalan natin upang mabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa hacienda. Kasama na sina Aling Emelita, Mang Pedro at Rosario. Alam kong ang lupang ito ay pinamana pa sa inyo ng inyong mga ninuno subalit... wala tayong proteksyon dito. Tila hinihintay lang natin ang kamatayan na sumundo sa atin." Paliwanag ni Tomas.

Napayuko ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Pakiramdam ko wala naman ako sa posisyon na magdesisyon dahil dayo lang naman ako dito. Hindi naman ako ang totoong Jose. Tsaka isa pa, paano kung biglang bumalik si Mang Pedro dito at makita niyang wala na kami?

"Sandali, nasaan nga ba si Mang Pedro?" Tanong niya.

Ilang segundo akong nanahimik. "Sa totoo lang hindi ko alam. Lumabas siya kahapon ngunit hindi na namin siya nakita pa. Sabi ng mga sundalo, maaaring inialay niya raw ang kaniyang sarili upang ilayo ang digmaan dito." Kwento ko.

"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyong ama." Malumanay na sabi ni Jose at kasunod non, katahimikan ay muling pumagitna sa amin.

Napatingin ako kina Aling Emelita at Rosario. Hindi ko man sila totoong pamilya pero may bahagi sa akin ang gusto silang protektahan. Hindi ko rin alam kung tama ba ang magiging desisyon ko basta, kailangan nilang mabuhay. Kung ang paglayo dito ay isang paraan upang mangyari iyon, dapat ko nang kunin ang pagkakataong ito. Ito rin naman ang magiging desisyon ng totoong Jose, di ba?

"Sige, pumapayag na ako."

Mas Fuerte Que La Sangre [SB19]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon