TREVOR
NAPALUHOD AKONG NAPAYUKO at pilit na tinitiis ang bawat hagupit ng tungkod na tumatama sa kung saang parte ng katawan ko. Damang-dama ko ang sakit na alam kong ikamamaga ng buo kong katawan, pero wala akong magawa kundi ikuyumos sa sahig ang kamao ko.
"Ikaw ang pinakawalangkwentang lahi ng angkan na ito!"
Mahina akong napaungol nang muli niya akong hagupitin ng tungkod niya at kulang na lang ay ikasubsob ko iyon sa sahig.
"Tama na, Señor," narinig kong pigil ni Mom sa isa sa pinakamatandang lahi ng Del Valle, nasa walumpong taon na ito pero hindi pa rin mababakasan ng panghihina at katandaan ang katawan niya at nagagawa niya pa rin akong paluhurin.
"Sinasabi ko sa 'yo, Trevor. Kapag hindi mo nagawa ang trabaho mo sa pamilyang ito, ikaw ang susunod na bibitayin. Hindi kawalan at nababagay ang mga katulad mong mangmang sa angkan na ito."
"Señor!" sigaw ni Mom at kasabay no'n ay bumaliktad ako mula sa pagkakaluhod ng tadyakan nito ang mukha ko at nalasahan ko mismo ang sarili kong dugo. Natanawan ko itong umalis kasama ang mga tauhan niya.
Nag-uumapaw ako sa galit at gusto ko siyang sugurin pero hindi pwede, hindi ko siya pwedeng kalabanin bilang parte ng black code ng pamilyang ito.
"Trevor!" Nag-aalalang lumapit sa akin si Mom pero tinabig ko lang ito. Sana lang talaga ay hindi na ako naging parte ng pamilyang ito. Maraming bagay ang hindi magugustuhan sa amin, bagay na hindi kayang sakupin ng batas dahil iyon mismo ang batas ng pamilyang ito.
Pilit akong tumayo kahit iniinda ko pa ang sakit ng katawan ko. Wala akong balak na sumunod sa kanila, mas marami akong dapat unahin para ayusin ang buhay ko, ang pamilya ko, ang tungkol sa amin ni Lei kaysa sa lintik na mga utos nila.
"Trevor, makinig ka sa 'kin. Huwag mong pairalin 'yang katigasan ng ulo mo."
"Pwede ba, tigilan n'yo na 'ko. Pagod na pagod na ako sa mga pinapagawa n'yo! Tanggap ko na, hindi ko kayang maging isang Del Val—" Sa muling pagkakataon ay muli akong nasampal nito at masama ang tingin niya sa akin.
"Del Valle ka kaya kumilos ka ayon sa pagkatao mo. Huwag mong kalimutan ang lahat ng ginawa mo para makarating dito," ani Mom at maamo niyang hinaplos ang mukha ko.
"Anak, ikaw ang naghirap sa lahat ng meron ngayon ang pamilya natin. Hahayaan mo ba na mabalewala lang lahat ng sinakripisyo mo? Please, Trevor, wake up and don't wait to lose everything you have." Mahigpit na namilog ang kamao ko habang nanunumbalik sa akin ang lahat ng alaala ng mga pinagdaanan ko simula noong bata ako.
"D-Dad ta-tama na po! Tama na—aray! Hi-hindi ko na po uulitin! Pa-pangako po!" Nakikiusap akong umiiyak habang walang sawa nitong hinahagupit ang binti ko ng latigo at nakapiring ang mga mata ko. Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak at makiusap sa kaniya.
"Hindi mo na talaga uulitin dahil hindi na kita palalakarin!"
"D-Da—aray!" Wala akong humpay sa pagngawa at pagsinghot sa sobrang hapdi ng mga binti ko na ikinaluhod ko na sa lapag.
"Kung hindi mo kayang panatilihin ang grado mo habang naglalaro ng basketball, mabuti pang lumpuhin na lang kita nang itigil mo na 'yang walang kwenta mong ginagawa."
Tumigil ito sa paghampas sa akin kaya gumagapang akong sumiksik sa isang sulok habang yakap-yakap ang tuhod ko. Inalis ko rin ang piring sa mga mata ko at tanaw ko ang nagdidilim na tingin sa akin ni Dad.
Bumaba ng dalawa ang marka ko sa math at ang sinisisi nito ay ang paglalaro ko ng basketball sa kabilang subdivision, pero hindi man lang niya naisip na sadyang mahirap lang ang naging exam at nagkasakit din ako nang isang linggo kaya hindi ako nakapasok at maraming akong na-miss na quiz.

BINABASA MO ANG
His Bad Ways
General FictionLife has its own way to show what life means to us. We see and appreciate things in good ways, but we learned and reflect most of the time because of its bad ways. *** One night, one mistake imprisoned Lei and Trevor into an unwanted marriage. They...