Simula

270K 4.3K 411
                                    

LEI

MULA SA PAGIGING singkit ay biglang namilog ang kanyang mga mata habang nakaawang pa ang mapupula niyang mga labi. Nakaguhit din mula sa kanyang maamong mukha ang kakaibang tuwa na siyang tumutunaw sa aking puso.

"Nagustuhan mo ba?" masigla kong tanong. Nanatiling nakaukit sa kanyang mukha ang isang matamis na ngiti habang paulit-ulit na tumatango bilang tugon sa tanong ko. Napatayo pa siyang nagtatalon sa kama at hindi mapakali sa kaiikot habang sinusundan ng tingin ang paglipad ng bago niyang laruan.

"Thank you for this, Mama. You're the best mama talaga!"

Para siyang kinikiliting bulate na napahalik sa pisngi ko at panay pa rin ang pagpapalipad sa bago niyang drone. Alam kong iyon ang gusto niyang matanggap ngayong ika-limang taon niya. Hindi rin naman mahirap sa akin na ibigay ang ano mang magustuhan niyang bagay. Kahit gaano iyon kamahal ay hindi naging problema ang pera, doon na lang din kasi ako nakakabawi sa kaniya—ang ibigay ang lahat ng materyal na naisin niya.

Habang tuwang-tuwa siya sa paglalaro ng bago niyang drone

ay sininop ko na ang lahat ng kalat mula sa mga binuksan niyang regalo.

"Evo, tama na 'yan, gabi na. Halika na at maglinis ka na ng katawan," aya ko sa kanya nang matapos kong ligpitin ang lahat ng kalat. Maghapon na kasi siyang naglalaro kasama ang mga bisita pero mukhang walang kapaguran at panay pa rin sa paglalaro.

"Mama, gabi na, bakit wala pa kaya si Dada?"

Natigilan ako sa pagkuha ng tuwalya at tila nabato ang buo kong katawan sa naging tanong niya. Tila bumagal na rin ang paghinga ko at hindi ko alam kung ano ang isasagot sa kaniya.

"A-ah, ba-baka may—mee-meeting pa sila. Halika na, maglinis ka na para pagdating niya amoy baby ka na." Pilit akong ngumiti nang lingunin ko si Evo na nakatitig sa orasan. Biglang naglaho ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi at nanlalambot niyang ibinagsak ang kamay sa magkabilang gilid.

Kita ko kung paano sundan ng mga mata niya ang pagpitik ng orasan at alam ko . . . nararamdaman ko . . . na umaasa siyang darating ang Dada niya tulad ng madalas nitong ipangako sa kanya.

Hindi ko mapigilang masaktan habang pinagmamasdan ang anak kong umaasa at naghihintay sa pagdating ng kanyang ama gayong alam kong malabo 'yong mangyari. Panlimang taon na nito 'yong ginagawa, palagi na lang itong nangangako na darating sa espesyal na araw ni Evo, pero kahit minsan, hindi ito nakauwi sa tamang oras, na mas pinapalipas niya ang araw at oras bago pa man niya magawang batiin ang anak, na alam kong ako ang siyang tunay na dahilan.

"Ang totoong birthday wish ko, sana dumating si Dada bago matapos ang araw na 'to. Kahit saktong eleven fifty-nine, gusto ko lang na batiin niya ako ng happy birthday, Evo."

Nalukot ang mga labi niya at kita ko kung paano pumatak ang luha sa mga mata niya na agad din niyang pinahid ng braso. May kung anong kirot ang dumurog sa puso ko habang nakatitig sa kaniya.

Higit akong nasasaktan sa tuwing nakikita ko siyang umiiyak. Pakiramdam ko ay napakawala kong kwentang ina dahil wala man lang akong magawa para ibigay sa kaniya ang nag-iisa niyang hiling kada-taon.

Bagay na kahit anong gawin ko, hindi kayang bilhin ng pera. Kahit pa ubusin ko ang yaman ng pamilyang 'to, hinding-hindi ko maibibigay kay Evo ang regalong hinahangad niya mula pa noon.

"And they lived happily ever after . . ."

Nakangiti kong isinarado ang libro at hindi ko napigilang mapatingin sa maamo at mapayapang mukha ni Evo, sumiksik ito sa akin at mahigpit ang yakap sa bago niyang laruan.

Napangiti akong hinagod ang natutulog na mukha ni Evo at hindi ko maiwasang halikan ang noo niya. Kinumutan ko rin siya at napatitig sa kaniya. Ang laki-laki na niya, hindi ko kailan man naisip na magkakaroon ako ng isang anghel sa buhay ko.

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon