February 14—ang panahon ng paghuhukom. Ang panahong malalaman mo kung mahal ka ba o assumera ka lang.
Pag may ka-date, may karapatan kang mag#feelingloved. Pag wala, talon na. Literal, tulad ni Samantha.
"Walang forever! Akala niyo lang meron, pero wala, wala wala! Hayup ka." Nilunok ni Sam ang laway kasabay ng pagpahid ng matang lumuluha ng mascara at eyeliner. Desidido na siyang tumalon. February 14, birthday niya at anniversary nila ng irog niya, pero siya lang ang mag-isa. Ano pa bang hinihintay niya para masampal ng katotohanan na siya ang tunay na forever alone? Wala na siyang halaga, kaya para saan pa ang presensiya niya?
Tumingala siya sa alapaap. Tanghaling tapat pero makulimlim, tila sumasabay ang kalangitan sa kasawian niya. Pumikit siya't lumunok. Pag bilang ko ng tatlo, tatalon. Tatalon, wala nang atrasan!
"Miss, 'wag!" sigaw ni kuyang driver sa ibaba. Napalingon rin si ateng nag-iihaw ng barbecue at nagsumamo ring wag siyang tumalon. "Masarap mabuhay, 'day!"
Nahinto ang mga sasakyan, ang mga nagbibilyaran at kumakain sa kalapit na carinderia, ang mga nagtatawanang kolehiyala—lahat nang nilalang sa Salawag intersection ay nagtipon-tipon at tiningala na parang talang walang ningning ang babaeng mukha namang maganda na nasa dulo ng rooftop ng condominium na may sampung palapag.
"Umalis kayo diyan!" sigaw ni Samsa mga taong sa ibaba. "Sanay naman akong iniiwan."
"Ate, Valentine's ngayon," sigaw nang babaeng may hawak na bouquet.
"Sige, ipamukha mo pa. Oo, alam ko! Valentine's, alam ko! Valentine's at iniwan niya ko, alam mo ba?"
"Miss, please," pakiusap ng babaeng morenang naka-Maxi dress habang naka-hawak sa braso ng boypreng Kano. "If you are doing this just for love, or for the lack of it, calm down. Go down. I mean—"
"Sinasabi mo lang yan kasi mahal ka niya! Try mong mahalin si Jacob, tignan natin kung saan ka dadalhin ng paa mo. Dito rin, tatalon ka rin!"
Humagulgol siya.
"Marami pang iba diyan!"sigaw ng naglalako ng gulay, natuon pa si Sam sa mga ampalaya, di nabenta ngayong araw.
"Ate, alas dose pa lang, malay mo may makilala ka ngayong araw. Wait ka lang, na-late lang 'yon," singit ng isa pa.
"Ayoko nang umasa. Ayoko na..." sabi ni Sam kasabay nang paghampas sa mga binti niyang nanginginig. "Ayoko na!" sumigaw siya't biglang tumalon.
Pero sa millisecond na nawalay ang mga paa ni Sam sa tinutuntungan, may humatak sa kanang kamay niya. Nakabitin siya sa ere, lalo lang siyang nalula nang makita ang mga taong nakanganga, pigil ang hininga at bukas ang mga palad na nagtatangkang sagipin ang sawing tulad niya.
"Hayup ka, bitawan mo 'ko!" sigaw ni Sam sa lalaking nakahawak sa kamay niya. Lalo lang hinigpitan ng lalaki ang paghawak sa kamay niya, sing-higpit ng paghawak niya kay Jacob para pigilan itong huwag lumayo. "Mas gusto ko pang mamatay kesa mabuhay na bali ang kamay! Bitaw!"
"Kung bibitiwan kita ngayon—" hirap na sabi ng lalaki "—mabubuhay ka pa rin na lasug-lasog ang katawan. At wala nang magmamahal sa basag na tulad mo."
"Pinigilan mo ba ko para ipaalala 'yan? Matagal na 'kong basag, buwiset ka!" sigaw ni Sam habang nakakapit ang kaliwa sa isang nakausling bakal at ang kanan ay hawak ng estranghero. "Bitaw!"
"Hahanapan kita!" sabi ng lalaki.
Feelingero. Sa inis ay nagpahatak na rin si Sam sa lalaki at sa oras na makabalik siya sa rooftop ay tinulak niya ito at inundayan ng paghampas sa dibdib. "Bakit mo pa ko binuhay?! Buwisit ka! Hayup ka!" Paulit-ulit niyang sinabi ang buwisit ka-hayup ka, salit-salitan hanggang sa maubos na rin ang hininga at madapa na lang siya sa sobrang pagod.
YOU ARE READING
Sana Happy Ending
ChickLitMay kuwentong true-to-life. May kuwentong sana totoo na lang. Kwentong ikaw lang ang may alam. May kuwentong matagal ng tapos. At kuwentong dinugtungan para lang masaktan ulit. May kwentong tinapos bago magsimula. May kuwentong sana wala ng katapusa...