"Sa kanila, proven, pero sa 'kin, hindi pa. Hindi pa 'ko kumbinsido," pagpapatuloy ng babaeng estranghero.
"Unfair 'yon. Inosente ako para madamay sa sumpa-sumpang 'yan. Kaya sumubok akong magmahal, para lang masaktan. Pero wala namang perpekto di ba? Hindi ako perpekto, hindi rin si Jacob. Kaya sinubukan ko ulit. Paulit-ulit kaming nag-away, nag-break, nag-cool-off, nag-MU...Paulit-ulit, paiko-ikot lang kami, parang Snake-N-Ladders. Pero hindi ako napagod. Kasi mahal ko siya. Hindi ako natakot na masaktan ulit, kasi mas masakit at mas nakakatakot pag tuluyan na siyang mawala. Ang tanga no? Majority nagsasabing tanga 'ko, baka totoo. Pero tuwing luluhod siya't magmamakaawa, feeling ko, ang tanga ko 'pag hindi ko siya pinatawad. Kasi kung hindi niya 'ko mahal, hindi naman niya 'ko babalik-balikan, di ba? Parang ako lang. Mahal ko kaya kahit anong mangyari, kahit anong takas ko, hinihila pa rin ako ng puso ko pabalik sa kanya."
Napabuntung-hininga na lang si Travis sa lahat ng sinapit ng mga karakter sa kuwentong true-to-life ng babaeng estranghero.
Nakilala na niya si Estrella, ang mga Sawi, pero hindi niya pa rin kilala ang babaeng mahal na mahal si Jacob.
Kasi pag nagkuwento ito, sa First Person point of view, "Ako" ang sinasabi imbes na banggitin ang mismong pangalan. Pero bago niya pa tanungin kung anong pangalan, hindi na lang. Tutal, ihahatid na niya ito pauwi at gigising siya kinabukasan na para bang walang nangyari. Mahirap mahalin ang pusong sawi. Siguro nga naaawa siya sa babaeng 'to, pero wala naman siyang magagawa. Si Jacob lang ang solusyon—isang taong wala rin siyang pake.
Mabuti nang makinig lang siya sa kuwento at magpaalam nang hindi inaalam ang ngalan ng babaeng estranghero. Ayaw niyang gumising isang araw na pangalan nito ang isinisigaw.
"Iwan mo na lang ako diyan," sabi ng babae. Nakatuon pa rin si Travis sa tinatahak na daan.
"Umuulan," sabi niya. "At alas-nuebe na. Wala nang matinong tao na sasagip sa 'yo sa daan."
"Ayoko pang umuwi."
"Matulog ka na sa bahay," sabi ni Travis, nakatuon pa rin ito sa daan, desididong umuwi. "Magpahinga ka na. Puso lang 'yan."
"Please. Hanggang dito na lang."
Red light.
"Bababa na 'ko," sabi ulit ng babaeng estranghero. "Salamat sa lahat. Bilog ang mundo. Maliit lang ang Cavite. Alam kong magkikita ulit tayo. Hindi pa rin kita mapapasalamatan sa naudlot kong pagpapakamatay, pero salamat dahil...dahil nandiyan ka."
Tinapik siya ng babae sa ulo, parang tuta, bilang pagpapaalala kung paano niya rin ito tinapik-tapik kaninang naglulupasay ito sa talahiban. "Kahit ngayon lang, salamat dahil nandiyan ka."
Sa ngiti, sa kamay nito sa ulo niya, sa mga katagang nagmula sa isang estranghero, ang ulan, stoplight, nakahintong sasakyan, buwan na nagmamasid sa kanilang kapalaran—lahat tila bumalot kay Travis na parang isang ipo-ipo at sa isang iglap, nakaramdam siya ng ekstraordinaryo—bagay na tila hindi niya pa naranasan o naramdaman, o bagay na hindi niya maaming minsan, naisip niya kung kailan niya matatagpuan.
Pero habang iniisip niya kung bakit bigla siyang naging melodramatic, romantic, OA, corny o makatalinghaga sa sandaling iyon, tuluyan nang nakaalis ang estranghero. Tuloy-tuloy itong pumasok sa The Music Bar sa gawing kanan ng Emilio Aguinaldo Highway.
Mag-move on na daw sabi ng green light.
Umarangkada si Travis, tuluy-tuloy sa pagmamaneho. Wala ng ulan kaya binuksan ang bintana para makapasok ang hangin. Pakiramdam kasi niya kanina'y paikot-ikot pa rin ang babae sa kulob na sasakyan—ang pabango nito, ang pagtawa at paghikbi sa bawat kinukwentong alaala at karanasan, ang pang-aasar habang nasa biyahe, ang sumpa na hindi ito makakaranas ng totoong pag-ibig. Bawat hibla ng estrangherong iyon ay tila dala niya pa rin sa kulob na sasakyan.
Kaya binuksan niya ang bintana. Pero ang naramdaman lang niya'y malamig na hangin, bumubulong na balikan ang taong baka hanggang ngayon, naghihintay lang na sagipin...ulit.

YOU ARE READING
Sana Happy Ending
Chick-LitMay kuwentong true-to-life. May kuwentong sana totoo na lang. Kwentong ikaw lang ang may alam. May kuwentong matagal ng tapos. At kuwentong dinugtungan para lang masaktan ulit. May kwentong tinapos bago magsimula. May kuwentong sana wala ng katapusa...