6| Makeover

13 1 0
                                    

Sinundan lang ni Travis ang babaeng hanggang ngayon hindi niya pa rin kilala. Kilala, pero hindi alam ang pangalan. Nagtungo sila sa isang pink boutique sa SM Dasmarinas. Anong gagawin ng lalaking tulad niya sa pink boutique? Puro damit, sapatos pambabae. Binati pa sila ng salesgirl. Mukhang laging nagagawi dito ang estrangherong kasama niya. Kilalang-kilala na nga mga tao sa boutique.

"Bagong boyfriend niyo po?" tanong ng isa, nakaturo kay Travis.

"Ay hindi. Kaibigan ko lang," tugon ng estranghero, abala sa pagpili ng damit. Kung makakuha ito ng mga damit parang mga tuyong damit lang sa sampayan. Kuha dito, kuha doon.

"Ah, sabi ko nga," mahinang sabi ng sales lady, dinig pa rin ni Travis. "Kita naman sa mukha."

Natigilan ang babaeng estranghero sa pagpili ng damit. "Anong ibig mong sabihin?"

"Siyempre po, tignan niyo naman, make up guru kayo. At napaka-metikulosa pagdating sa mukha, tapos, siya, tignan niyo," paliwanag ng sales lady. "Kung magboboyfriend man kayo ng bago, siyempre yung someone better."

Sanay na si Travis sa ganoon. May mga taong judgemental—tipong mga bumibili ng libro depende sa cover o sa uso, pero wala naman balak basahin, o kung basahin man, di makaintindi. Pag pangit ka sa paningin nila, para kang basura. Pag gwapo ka o maganda at parang binabasura mo sila, bubulong sa gilid ng "Sus, maganda nga, sama naman ng ugali." Di man lang naisip na madalas, gano'n din naman nila pakitunguhan yung mga mas "pangit" sa kanila.

Sila yung mga taong sinasamba ang itsura. Nagmamahal sa itsura. Para bang hindi sila kukulubot. Stupida. Pinagmasdan lang ni Travis mag-usap ang dalawang babae. Tapos ay nagtama ang paningin nila ng estrangherong kasama niya kanina. Tila makahiyang tumiklop, umiwas ng tingin si Travis. "Pag naging gwapo 'yan, Hu u kayo sa kanya," narinig niyang biro ng estranghero.

Muling tumingin si Travis sa narinig—nagtungo na ang estranghero sa dressing room.

Mamumuti na ang mata niya'y hindi pa rin lumalabas ang babae. Ilang damit ba sinukat no'n?

"I'm done!" sabi ng babae paglabas ng dressing room—ang mga mata'y nagniningning, ang pustura'y ayos na ayos na para bang hindi ito nagwala at naghinagpis kanina sa talahiban. Nagtungo ito sa cashier para bayaran ang damit na suot-suot. Sa gabundok na damit na binitbit at sinukat, isa lang ang binili nito. Pero kahit ano naman yata ang suotin, bagay pa rin sa babaeng 'to—sigurado si Travis. Nakangiti ang babae habang kausap ang cashier, masaya na ulit. Parang kaninang tanghali lang, tulala ito o di kaya nakakatakot ang tingin, parang takas ng rehab. Pero ngayon, ang ngiting iyon ang nagbigay ng liwanag sa kinatatayuan ni Travis.

Ano kayang nangyari sa babaeng 'to? Bakit nagtangkang magpakamatay? Gaano ba kawasak ang puso niya? Gaano niya ba kamahal ang lalaking iyon para isiping hindi na siya makakanap ng bago? Gwapo ba 'to? Sweet? Galante? Magaling kumanta?

Pero kahit ano pang klaseng lalake, o kahit sino pa 'to—artista, pulitiko, boksingero, DJ, singer, rising star, childhood friend, friend of friend—isa itong malaking tanga para saktan ang babaeng kaharap niya ngayon.

Sayang ang babaeng 'to. Kelangan nito ng taong hindi siya iiwan; ng karamay sa hirap at ginhawa; ng magsasabing siya ang pinakamaganda kahit kumulubot na ang balat niya. Kelangan nito ng taong magmamaha---

"Huy!"

Nagising si Travis sa realidad.

"Kanina pa 'ko nasa harap mo," sabi ng babaeng estranghero. "Nakanganga ka lang."

Napabuntunghininga siya. Gising Travis!

"Masyado kang nagpapa-ganda. Mahihirapan kang makahanap ng magmamahal sa 'yo nang totoo, yung hindi lang dahil sa maganda ka."

"Whatever. At least sinabi mong maganda 'ko," sabi nito kasabay ng pag-irap.

"O, puwede na ba tayong umuwi? Alas-kwatro na," sabi niya.

"Ano ka ba gurl, I mean--- teka, kanina pa tayo magkasama. Ano bang pangalan mo? Para naman hindi kita tinatawag na gurl o hoy. A horse with no name."

"Travis."

"Traaaviiis," pagbigkas nito. "Napaka-gwapong pangalan. Hindi bagay sa isang tulad mo," nakangising sabi nito, taas din ang isang kilay. "Pero wag kang mag-alala. Sa bawat problema, may solusyon. Tara!"

-♥-

"Wag na wag mong gugupitin ang buhok k---"

"Basta umupo ka diyan," sabi ni ano sabay tulak sa kanya sa upuan. Pinagmamasdan lang sila ng barbero. "Para kang bata. Wag ka ngang makulit. Ayaw mo bang magmukhang tao?"

Napabuntung-hininga na lang siya.

"Manong," sabi ni ano sa matandang barbero, "Gupitan mo siya tulad ng nasa poster na 'to. Yung Zayn Malik style. Undercut."

Masyadong mabilis ang araw na ito para kay Travis. Hindi niya ma-drawing. Kanina'y ginugupitan lang siya, sunod ay sa dermatologist naman siya dinala ni ano. Magpapa-facial daw. Tapos pinahiga siya't pinahiran ang mukha, sabay hagod at masahe rin dito. Relaxing.

Pagkalabas ng clinic, nakita na lang ni Travis ang sarili sa hile-hilerang damit sa Men's section. Para siyang batang back-to-school.

"Ayan, mas bagay!" pumapalakpak na sabi ni ano paglabas ni Travis ng dressing room. "From now on, ang bibilhin mo ay ¾ sleeve na polo shirt. At kung t-shirt naman, siguraduhin mong naka-align yung tahi ng sleeves sa shoulders. Wag na wag kang magsusuot ng maluwag."

Naka pila na sila para magbayad nang mapaisip si Travis. "Teka, ang daming pantalon at damit. Wala kong balak bilhin lahat ng pinapabitbit mo sa 'kin."

"Relax. Libreng makeover 'to, ayaw mo pa," nakangiting sabi ni ano. "Babaguhin kita, mula ulo hanggang paa. Hanggang sa hindi ka na magmukhang paa."

"Pati tong mouthwash, toothbrush at deodorant? Meron na 'ko nito."

"Isinama ko na, para sakaling maubos, may bago kang magagamit. Feeling ko kasi pag tinatamad kang bumili, okay lang na hindi ka magtoothbrush ng isang linggo eh."

Bago sila umuwi, tinignan ni Travis ang sarili sa full-length mirror. Pasimple niyang hinangaan ang sarili. Para siyang bagong tasang lapis. Bagong paligong sasakyan. Bagong biling libro. Bagong likha ng aburidong ilustrador. At lahat ng ito, kung anuman siya mula ulo hanggang paa, ipinagpapasalamat niya sa isang bagong kakilala. Na hanggang ngayon, hindi niya alam ang ngalan. 

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now