Biyaheng Dasmarinas, Cavite. Evergreen Residences.
Nang magpatugtog si Travis ng radyo sa kotse, Kunin Mo Na Ang Lahat sa Akin ang bumulaga. "Lipat mo," sabi ng estrangherong sakay niya. Nang ilipat, Maging Sino Ka Man. Nang ilipat sa ibang istasyon, isang teenager ang problemado sa lovelife ang pinapayuhan ng DJ. Pinalipat pa rin ng babae, lalo daw siyang nase-stress. Pinatay na lang ni Travis ang radyo at kapwa sila nakinig sa katahimikan.
"Ano kaya kung...hindi mo ko hinatak?" tanong ng babae.
"E di...patay ka na."
"Patay nga, pero masaya."
"Paanong masaya? Pag patay ka na, wala ka nang pakiramdam. Wala ka ng buhay."
"Kung iyon lang ang paraan para makalimot, para wag na 'kong masaktan, ok lang," naluluhang sabi nito. "Sana pinatay mo na lang ako."
"Miss," napahalukipkip si Travis , "yung buhay na pinipilit mong wakasan, maraming nakikipaglaban para diyan."
"Lahat naman tayo mamamatay rin. Pinaaga 'ko lang yung akin," sagot naman ng babae.
"Talaga bang kaya mong magpakamatay dahil lang sa kanya?"
Buntung-hininga lang ang sinagot ng babae, sabay tingin sa dinaraanang talahiban na hanggang bewang ang taas. Hindi na rin nagtanong si Travis; hindi naman sila close. Ihahatid niya lang ito pauwi at siya naman, dideretso sa publishing para sa naghihintay na book project na idi-discuss ng editor. Malapit-lapit na sa Evergreen.
"Ibaba mo na 'ko," pambabasag ng babae sa katahimikan.
"Saan?" salubong ang kilay na tanong ni Travis. "Sa talahiban?"
"Oo, diyan sa tabi."
"Anong gagawi—"
"Basta iwan mo 'ko diyan sa tabi!" sigaw ng babae kasabay ng paglingon sa kanya. Doon lang niya napansing lumuluha na ito. Hinahabol ang hininga. Parang sasabog pag hindi niya pa ito palalabasin ng sasakyan.
Huminto ang sasakyan. Nanatili lang si Travis sa kinauupuan, pinagmasdan ang babaeng umalis sa tabi nito't lumabas papunta sa talahiban. Sumasayaw ang mga ito sa pag-ihip ng hangin at bawat damo ay yumayakap sa bewang nga babae tuwing madadaanan.
Sa kanang bahagi ng kanyang kinauupuan, natanaw ni Travis ang mga sasakyang tumatakbo ng mabilis, pasulong. Pinapaalala sa kanyang dapat na rin siyang umalis dahil wala nang dahilan para manatili pa. Mag-U-uturn siya imbes na dumiretso sa Evergreen. Pupuntang publishing house at magsisimula ulit gumuhit na paulit-ulit naman niyang ginagawa at kakalimutang minsang sa buhay niya ay may nahulog na babae sa kanyang sasakyan.
Pero paglingon sa kaliwa, natanaw niya ang talahiban at...wala na ang babae.
Dali-daling lumabas ng sasakyan si Travis, dilat ang mga mata't sinusuri ang malawak na talahiban, hinahanap ang babaeng kanina'y iniwan niya't hinayaang lumayo. Dito sa spot niya 'to huling nakita, pero wala na.
May humikbi.
Dahan-dahan siyang humakbang, at doon nakita ni Travis itong nakaupo—yakap ang dalawang tuhod. Parang batang tuloy-tuloy na umiiyak, naghihintay ng magpapatahan sa kanya, ng taong uunawa sa kanya.
Ang porselanang mukha nito ay nadungisan na ng luhang itim, dahil siguro sa mga palamuting pinaglalagay sa mata na dapat sana'y tumatawa, pero kinusot lang ng kinusot dahil sa hindi mapigilang pag-agos ng luha.
Sinabunutan ng babae ang buhok nito at sumisigaw sa bawa't paghikbi. Tapos ibinaon ang mukha sa palad na nadungisan na rin ng luha at lupa. Patuloy pa rin ito sa pagsigaw at pagiyak. Lahat ng salita'y nanatili lang sa kaloob-looban nito; palakas ng palakas ang pagsigaw at paghikbi—tila gustong makaalpas sa mundong kanina'y pinilit niyang takasan. Gustong makaalis sa buhay na tinangka niyang wakasan.
Lumapit si Travis sa babae. Paano ba magpakalma? Yayakapin? Feeling close. Kakaladkarin papasok ng kotse at ihatid pauwi at bahala na ang pamilya nitong buhusan ito ng malamig na tubig? Hihintaying matapos mag-emote hanggang abutin sila ng umaga sa talahiban? Aalukin ng tissue at tubig? Hahagurin ang likod?
Tinapik-tapik niya ang ulo ng babae. Parang tuta niya itong tinapik-tapik.

YOU ARE READING
Sana Happy Ending
ChickLitMay kuwentong true-to-life. May kuwentong sana totoo na lang. Kwentong ikaw lang ang may alam. May kuwentong matagal ng tapos. At kuwentong dinugtungan para lang masaktan ulit. May kwentong tinapos bago magsimula. May kuwentong sana wala ng katapusa...