12| Alaala

21 1 0
                                    

Isang araw, binitbit ni Sharon ang panganay na si Sam sa park. 5 years old ito noon. 

Nakaupo silang mag-ina sa bench, ang sanggol naman ay nananahimik sa stroller. "Anak, laro tayo," sabi nito sa anak. Pinagmasdan ng anak ang nanay ng may buong pagmamahal—sa wakas, bati na sila ni nanay. Sa wakas, hindi na siya masisigawan nito ng "Bigaon ka, bigaon ka!" (Subtitle in Tagalog: Malandi ka! Malandi ka!)

Sa wakas, mahal na siya ulit ni nanay. Sa wakas, hindi na galit si nanay sa mundo at sa mga lalaking binabanggit nito tuwing nag-aalburuto. Sa wakas, kahit wala siyang tatay, meron siyang matatawag na nanay.

"Nanay..."

"Laro tayo," nakangiting sabi ni Nanay kay Sam. Malaki na ang eyebags nito—sing bigat ng problema sa buhay. Gulo-gulo ang buhok, napabayaan na ang sarili. Pero para kay Sam, ang nanay niya ang pinakamaganda sa buong mundo.

"Sige po. Yung paborito nating laruin Nay—yung tagu-taguan."

"Oo,tama. Matagal na tayong di naglalaro. Na-miss ko 'yun anak," sabi ni Sharon habang hinahaplos ang buhok ng anak na nakalimutang paliguan, dalawang araw na. "Ipikit mo ang mga mata mo at bumilang ka ng sampu. Hanapin mo 'ko sa paligid. May bitbit akong lobo at candy. Di ba gusto mo yun?"

"Sige! Walang bawian Nay ah. Lobo at candy yung premyo."

"Sige, pumikit ka na," sabi ni Sharon.

Sabik na pumikit ang anak. Sabik na makalaro ang nanay. Sabik makita ang nanay na nangakong may dalang lobo at candy. "...anim...pito...walo...siyam...sampo!"

Dumilat ang anak. Gaya ng inaasahan, wala si Nanay. Pero nasa paligid lang ito, sigurado siya. Object permanence daw ang tawag dun sabi ni nanay. Hindi porket hindi nakikita, ibig sabihin, wala na. Alam niyang nagmamasid lang si nanay, naghihintay na makita ng anak.

Pero wala si nanay sa likod ng bench na inuupuan. Wala rin sa likod ng punong abot ng kanyang tanaw. Mukhang kelangang lumayo at galugarin ang buong park.

"Ang layo naman ng pinagtaguan ni nanay." Kaya tinulak niya ang stroller, kalmado lang ang mag-iisang taong gulang niyang kapatid.

HInanap niya yung babaeng gulo-gulo ang buhok. Punit ang damit na parang isang linggo nang di nagpalit. Yung babaeng malaki ang eyebags, yung may matang umiikot-ikot na parang may hinahanap.

Gustong iwan ni Samantha ang kapatid para mas mapabilis ang paghahanap kay nanay. Baka naligaw si nanay. Baka nawili sa tsismisan. Baka nakalimutan niyang may anak siyang babalikan. Gusto niyang bitiwan ang stroller at galugarin ng mabilisan ang kasuluk-sulukan ng park. Saglit lang niyang iiwan ang kapatid.

Pero nang talkuran niya ang kapatid, natigilan siya. Kawawa si baby. Mahirap mapag-iwanan. Nakakalungkot maghintay sa taong hindi sigurado kung kailan babalik—o kung babalik pa ba. At kung iiwan niya si baby, baka makalimutan na rin niya kung paano bumalik. Tulad ni nanay.

"NANAAAAAAAAAAAAAAAAAAYYYYYYY!!!!!!" sigaw ni Samantha, sing lakas ng boses ni nanay nang manganganak na ito at tinatawag si tatay. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin dumating si tatay. Sumigaw siya hanggang sa dagsain siya ng mga tao—maraming nanay. Pati nagtitinda ng balot, lobo at kendi.

Sa dinami-rami ng mukhang nakapalibot sa kaniya, wala roon ang taong hinihintay niyang sumagip sa kanya.

-♥-

"I feel so lost, Nay. Pakiramdam ko, ako yung kontrabidang kahit kailan, hindi sasaya."

Nakasalampak sa damuhan, hinahaplos ang lapida; kinausap ni Samantha ang nanay. "May magmamahal pa ba sa 'kin? May tao pa bang hindi ako iiwan? Kahit kayo iniwan ako. Nung bago ka tumalon sa plaza, naisip mo ba 'ko? Naisip mo bang paano kaming mga anak mo pag wala ka?"

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now