7| Sumpa

19 1 0
                                    

"Magaling ka talaga mag-drawing no?" tanong ni Samantha habang tinitignan ang mga sketches sa sketchpad na nakita niya sa kotse ni Travis. Kanina pa ito tahimik na nagmamaneho. "Ano'ng work mo?"

"Illustrator ako ng children's book, minsan romance novels. O minsan, kahit anong klaseng gustong ipagawa sa kin ng indie author," sabi nito. "Meron din kaming shop sa SM Molino, yung pinuntahan natin kanina, yung Art for the Heart. Business namin ng mga ilang kasamahan ko sa publishing house. Kung interesado ka ring bumili, meron akong sariling libro."

"Talaga? Love story?"

"Hindi. Kuwentong pambata na kapupulutan ng aral."

"Bakit, may aral din naman sa mga pocketbook at mga romance novels ah."

"Wala ko sinabing wala," labas sa ilong na sabi nito.

"Well, kung kuwentong pambata 'yan, I'll recommend it to my sister. Teacher siya e."

"Puwede rin," sabi nito. "Ikaw, anong ginagawa mo sa buhay?"

"Basically, isa akong make up guru," panimula ni Sam. "Alam mo yun?"

Umiling si Travis.

"Gumagawa ako ng mga make up tutorials at inuupload ko sa Youtube. Nagtuturo ako kung paano mag-make up sa iba't ibang okasyon, at nagfe-feature ng mga beauty products. Doon na ko nakilala ng mga taong nasa ganoong larangan—beautician, mga bakla sa salon, mga 13 year olds na nagmamadaling magdalaga, mga matandang gustong magmukhang 10 years younger, mga magpo-prom, magdedebut. Kahit ano pa yan, meron akong solusyon."

"Kumikita ka 'don?"

"Oo. That was 6 years ago. Hanggang sa nakilala ako ng iba't ibang beauty companies. BInabayaran nila 'ko para gumawa ng videos na ife-feature yung mga products nila—lipstick, eyeshadows, wax sa kilikili, pampaputi ng singit. Lahat nang produktong nangangakong magpapaganda sa 'yo at sa buhay mo. Siyempre nakaipon ako. And eventually, nakapagpatayo ako ng beauty salon. Isa sa subdivision namin, isa sa District mall diyan sa Salawag."

Tumango-tango si Travis. "Kaya pala. Salamat."

"Salamat saan?"

"Dito—" sabi nito, sabay turo sa mukhang pina-facial.

Natuon si Sam sa sketchpad. Lobo sa ulap, paruparo sa kulot na buhok ng emoterang babae, usok ng mainit na kape at tinapay, patak ng luha na naging dagat, bahaghari sa ibabaw ng tila abandonadong bahay—nabibighani si Samantha. Somehow, narealize din niyang may ka-arte-arte at kadrama-drama din ang lalaking 'to. Siguro nakabaon sa kasuluk-sulukan ng puso niya. O siguro, hindi lang obvious. Parang bawat dibuho, may kahulugan, may kuwento. May buhay. Buhay na sana, kaya niyang iguhit. Buhay na sana, 'pag ginuhit, matutupad.

Blanko ang huling pahina ng sketchpad. Sinara ito ni Samantha, at bumuhos ang ulan.

Ayaw niya nang ulan. Una, mahirap pumorma pag basa ang paligid. Pangalawa, bumubuhos rin ang alaala—ang sumpa, ang araw sa parke na iniwan siya ng nanay, ang araw na iniwan sila ng tito na kinikilalang tatay, at ang araw na sabay silang naligo ni Jacob sa ulan. Yung kay Jacob ang pinakamasaya, pero dahil si Jacob ang pinakamahal niya, ito rin ang dahilan kung bakit siya ang pinakamalungkot ngayong gabi ng February 14. Mas marami nang masasakit at masalimuot na alaala kaysa masaya.

"Naniniwala ka ba sa sumpa?" tanong ni Samantha.

"Sumpa?" salubong ang kilay ni Travis.

"Oo. Yun bang, kahit anong pilit mo, kahit anong gawin mo, hindi nagbabago yung resulta. Parang bumabalik pa rin sa...sumpa."

"Parang babaeng tamad na sinumpa na tutubuan ng maraming mata? Babaeng kukulubot ang balat? Isang lugar na hindi makakaranas ng ulan? Isang—"

"Alamat naman 'yan e."

"Yun ang sumpang alam ko. Sa mga kuwentong pambata."

"Siguro, parang ganoon," sabi ni Samantha, nag-aalangan. "Basta, parang, pag ang tao daw nasaktan at nagalit at siya daw ang ginawan ng masama, at sumumpa siya, magkakatotoo daw. Kakarmahin daw yung taong sinumpa. Parang kami."

Red light, huminto ang sasakyan. Nang tumingin si Travis sa kanya para makinig, nagkuwento siya.

Ayon sa kanyang titong lasenggo, isang bawal na pag-ibig daw ang nangyari sa lolo at lola nila sa tuhod. Nagalit ang girlfriend ni lolo-sa-tuhod. Sinugod ang bahay ng dalawa, kasabay ng pagkulog at kidlat. "Magmula ngayon, sa araw na ito, isinusumpa ko!" sigaw ng girlfriend, 'hindi magiging masaya ang pamilya niyo! Kailanma'y hindi makakaranas ng tunay na pag-ibig ang mga anak niyo at ang susunod pang henerasyon!"

Sina lolo at lola sa tuhod nagka-anak lang ng isa-- si Lola Estrella. Isang taon pang lumipas, iniwan ni lolo-sa-tuhod ang mag-ina, tulad ng pag-iwan nito sa girlfriend na sumumpa sa angkang itinayo niya. Natuwa naman ang girlfriend, pero nang malamang hindi pala siya ang uuwian at iba na namang babae, sinugod din ang bagong babae at sinumpa ang family tree nito. Malamang, pinangakuan din ng lolo-sa-tuhod ang bagong babae ng "Mas matibay ang pag-ibig ko kesa sa sumpa niya. Walang makakapagpatibag ng pagmamahal ko sa yo. Patutunayan nating may forever."

Nagka-anak si Lola Estrella ng tatlo sa kababayang Sawi din ang apelyido.

Panganay si tito Fernando Poe—matinik sa chicks. Pero kahit playboy, nagseryoso naman daw sa huling babae sa buhay niya—si Minda. Pero mas pinili ni Minda ang Saudi para sa ikagiginhawa ng kanyang buhay. Ayun, 50 anyos na, lugmok pa rin sa alak. Walang araw na hindi niya sinisisi ang girlfriend ni lolo sa tuhod dahil sa sumpa nitong hindi makakaranas ng tunay na pagmamahal ang kanilang angkan.

Sunod si Tita Pilita, na nag-asawa ng seaman. Pero iniwan rin ng asawa nang malamang baog siya't hindi mabibigyan ng anak.

Namatay si Lola Estrella sa pagsilang ng bunso—si Sharon. Sa pagkamatay ni Lola Estrella, nabalo at nabaliw ang asawa nito.

Kinupkop ng may-kayang kamag-anak (kapatid ng tatay nina Sharon) ang tatlong magkakapatid.

Si Sharon--maganda kaya ligawin, ayon sa mga kapitbahay. Sa edad na 15, nabuntis. Isinilang siya—si Sam. "Maganda kaya ligawin kaya ayan.." Halos mabaliw si Sharon sa kakahabol ng batang ama ng bunga ng kanilang kapusukan, pero hindi ito nagtagumpay. Paggising sa umaga, ang palpak nitong pag-aaral ang almusal ng mga kapitbahay. Sa tanghali, kung paano daw mabubuhay ang anak,e hanggang highschool lang ang natapos. Sa gabi, mas maingay pa sa kuliglig ang tsismisan na totoo ang sumpa sa kanilang angkan—na habambuhay silang sawi sa pag-ibig.

Pero bumangon si Sharon sa putikang kinasadlakan nito. Nag-aral—Psychology. Cum Laude sa isang premyadong unibersidad sa Bacolod—Beauty and Brain ayon sa mga kapitbahay. Hindi pa nakukuha a ng unang 13th month pay sa trabaho ay nabuntis. "I'm pregnant!" masaya nitong balita sa ka-live in na katrabaho rin. "Akin ba yan?" ang isinagot ng lalaki. Kinabukasan ay iniwan rin siya nito. Di pa daw ready. Kawawang Sharon na kahit kailan ay nakulangan sa pagmamahal mula pa noong isinilang siya; kawawang dalawang anak na walang ama.

Isinilang si Sofia. Limang buwan pa lang si Sofia at limang taon si Sam nang iwan sila ni Sharon sa park. Kinabukasan ay nasa ampunan na sila. Isang taon ang lumipas, kinuha sila ng nagpakilalang kapatid ng nanay Sharon nila—si tita Pilita. Kung si Sharon ay iniwan ng dalawang lalaki dahil sa pagbubuntis, iniwan naman si Tita Pilita ng asawa dahil hindi magka-anak.

Bumalik ang asawa ni tita Pilita, na kinalakihan ni Sofia at Sam na tawaging Papa. Si Pilita, ang dalawang batang walang ama, sabay na nangarap ng buo at masayang pamilya. Pero sa huli, umalis si Papa. Umalis at kahit kailan, hindi na bumalik.

Nilisan ni Tita Pilita ang probinsiya, bitbit ang dalawang batang magkapatid lamang sa ina, na hindi pinanindigan ng kani-kanilang ama, at ng kanyang asawa. Nagbagong buhay sa Dasmarinas, Cavite.

At magmula noon, wala nang kuro-kuro tungkol sa sumpa. Proven na daw.

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now