"Troy!"
Napabangon si Love sa kama, hinahabol ang hininga.
Nakita na naman niya si Troy pagkalipas ng walong taon. Noong huli niya itong nakita, sa dagat ito. Tumakbo noon si Love sinisigaw ang pangalan nito. Pero si Troy, tuluy-tuloy lang sa pagpunta sa tubig. Hanggang sa lamunin ito ng alon at walang nagawa si Love kundi sumalampak sa buhangin, umiyak at maghintay sa pagbalik nito.
At sa kanyang pagtulog, nakita niya ang sarili sa isang lugar na hindi niya pa napupuntahan. Sa mundong ito, abo ang kulay ng ulap. Itim ang damuhan na walang kabuhay-buhay. Nakatayo siya sa gitna ng daan. Nakayapak siyang naglakad, sinusuri ang paligid—baka meron siyang kasama sa mundong tila siya lang ang may alam. Baka sa dulo ng daang tinatahak niya, may naghihintay sa kanya.
"Troy!" sigaw ni Love, pero nanatili lang si Troy sa kinatatayuan nito—nakatingin sa kanya. Tumakbo si Love, hindi kumukurap. Hindi na siya papayag na maglaho pa ito sa paningin niya.
Huminto siya nang abot-kamay na niya si Troy. Nang akmang hahawakan niya ang balikat nito, unti-unti itong naglaho sa libo-libong itim na paru-paro. Pinagmasdan niya ang mga paru-parong lumipad patungo sa alapaap. Sa huli, humikbi siya ng humikbi sa ilalim ng madilim na ulap.
Siyang pagtunog ng alarm clock na sinadya niyang ilapag sa mesa na malayo sa higaan niya. 6:30 na. Kinuha niya ang cellphone sa tabi ng alarm clock. Nang malaman na mensahe lang pala iyon ni Jacob, hindi na niya pinagka-abalahang basahin.
-♥-
Welcome to Little Champions Learning School's Art Camp 2015!
Tuesday to Friday—Exhibit and storytelling
Wednesday—The Basics of Drawing
Thursday—Painting
Friday—Craft Contest
Saturday—The Big Day!
Simula pa noong itinayo ni Love ang Little Champs, ka-partner na niya ang Malikhain Publishing. Mula sa workbooks, textbooks hanggang sa art materials ay sponsored ng Malikhain. Kaya naman para sa ikapitong anibersaryo nito, ang school niya ang isa sa mga napili ng naturang kompanya na pagdausan ng Art Camp.
Pagkababa niya sa kaniyang kotse ay tinanaw niya ang kabuuan ng school. Sa labas pa lang, masigla at makulay na ito dahil sa mga banderitas at palamuti. Pinicture-an niya ang magandang senaryo para ipost sa Facebook at i-advertise ang school.
"Good morning, Ma'am Lovelyn," bati sa kaniya ng guard.
Binati rin niya ang guard.
Dumiretso siya sa lobby para tignan ang exhibit. Mga illustrations ito ng ilan sa sikat nilang libro. Ang iba naman, paintings ng mga estudyante ng school noong Art Camp 2014.
"Good morning, Miss Love," bati sa kanya ng staff ng Malikhain.
"Ikaw pala, Becca," tugon niya. "Buti ikaw ulit ang organizer."
"Opo. Sa ibang school nga po dapat ako pero nagpumilit talaga ako dito," natatawang sabi nito. "Anyway po, yung staff last year, sa iba sila na-assign. Yung mga bago ipapakilala ko na lang po mamaya. Medyo busy po kasi sa pag-aayos ng Mobile bookstore doon."
Natuon si Love sa sinasabing mobile bookstore. Puno na ito ng mga maliliit na bata—kuha dito, kuha doon. Sabay takbo sa yaya para magpabili. Babalik sa bookstore, buklat dito, buklat doon.
Sa espasyong pinuno ng mga tao, isang pamilyar na mukha ang nangibabaw. Hindi—mukha ito na kilalang kilala niya. Mukha ito na minahal niya, pati na ang personalidad na sinasalamin nito. Mukha ito ng nakalipas.
"Troy?!"
Dali-daling lumapit si Love sa bookstore, hinahabol ng tingin ang lalaking abala sa pag-aayos ng mga pambatang libro. Isang shelf na lang ang pagitan nila. Pinagmasdan ni Love ang lalaki. Habang tumatagal ang pagkatitig niya sa mukhang sa larawanniya lang nasisilayan, lumilinaw din ang mga alaalang akala niya'y kinupas na ng panahon.
Ang unang trabaho niya bilang teacher. Unang pag-ibig noong 2005. Aksidente. Si Troy.
"Troy," bulong niya.
Tumingin si "Troy". Nais niya itong haplusin—ang kilay nitong mas nauunang magsalita kaysa bibig, ang mata nitong kulay kape na mas hinahangaan niya kapag nasisinagan ng araw, ang ilong nitong laging dumadampi sa ilong niya sa tuwing wala na silang mapag-usapan, at ang labi nitong matagal nang di dumampi sa kanyang noo.
Pero hindi siya si Troy. Kasi wala itong nunal sa kanang bahagi ng noo. Hindi gaya ni Troy, mas payat at maputi ang lalaking kaharap niya. Hindi ito si Troy dahil kung si Troy ang nasa harap niya, kanina pa siya nito niyakap dahil siyam na taon silang di nagkasama.
Hindi nga ito si Troy, pero bakit may ganito siyang nadarama?
"Miss Love, this is Mr. Travis Bahaghari," nakangiting sabi ni Becca nang ipakilala ang lalaking tinawag niyang Troy. "Siya po ang batikang awtor at gwapong ilustrador ng Malikhain Publishing. Siya po yung magtuturo sa mga bata ng painting at drawing. Actually, involved naman po siya sa lahat ng activities—wag lang daw storytelling. Mahiyain kasi."
Tipid na ngumiti si Tro-- si Travis pala.
"Travis, this is Ma'am Lovelyn. Pag close na kayo, puwede nang Ma'am Love," biro nito. "Siya ang principal ng Little Champions.
Nagkamayan sila ni Tro---ni Travis. Sigurado si Love na naka-moved on na siya kay Troy. It's been nine years. Pero sa sandaling magkahawak-kamay sila, at nakapako ang mga tingin sa isa't isa, it felt like coming home. Parang second chance.
-♥-
To: Sam
Papunta na ko. :)
Sinend niya iyon habang papunta sa parking. Medyo nakakapagod ang araw na 'to. 12:30, tirik ang araw at gutom na siya. Bago makapagmaneho ay natanaw niya pa si Ma'am Lovelyn papunta sa kotse nito. Manananghalian rin siguro sa katapat na mall.
O kay liit ng mundo! Yun ang bulalas ni Travis kanina nang magkaharap sila sa bookstore. Sa dinami-dami ng bagong taong puwedeng makilala ngayong araw, ang babaeng 'to pa talaga. Si Love—yung babaeng kasama ni Jacob sa larawang ibinigay nito para pagbasehan ng paintings. Si Love, yung "karibal" ni Sam.
Dapat niya bang ibalita kay Sam na nakilala na niya si Love? Bakit? Bakit hindi? Justify your answer.

YOU ARE READING
Sana Happy Ending
Genç Kız EdebiyatıMay kuwentong true-to-life. May kuwentong sana totoo na lang. Kwentong ikaw lang ang may alam. May kuwentong matagal ng tapos. At kuwentong dinugtungan para lang masaktan ulit. May kwentong tinapos bago magsimula. May kuwentong sana wala ng katapusa...