16| Ulan at Bahaghari

13 1 0
                                    

May pumatak.

Dali-daling binuhat ni Travis ang canvas papasok, malapit sa hagdan ng 18th floor.

"Sam, lumalakas ang ulan," sabi ni Travis. "Pasok na tayo"

Binuhat ni Travis ang iba pang kagamitan para isilong. Paglingon niya, walang katinag-tinag si Sam. Nakaupo pa rin ito, tulala sa bahaghari na ipininta nito sa canvas.

"Sam!"

Hindi pa rin siya nito pinapansin. Talaga naman ang babaeng 'to! Ang hilig mag-emote! Parang laging may camera. Parang laging may shooting ng teleserye!

Tumakbo ulit si Travis sa gitna ng rooftop kung saan nakaupo si Sam. Noong una'y tinakpan niya pa ang ulo pero nababasa rin naman siya dahil palakas ng palakas ang ulan. Malalaki ang patak, masakit tuwing bumabagsak sa balat.

"Sam! Pasok na tayo sa loob!" paanyaya ni Travis, nakayuko, nalalagkitan sa ulan.

Nakatingin pa rin si Sam sa canvas—ang malinaw at matingkad na bahaghari kanina, unti-unti na ring lumuluha. Naghalo na ang mga kulay hanggang sa maglaho na ang kaninang ganda nito. Sinisira ng malalaki at malalakas na patak ng ulan. Saglit ring napatingin si Travis sa painting. Tapos kay Sam. Sa painting. Kay Sam.

Hinablot niya ang kamay nito. "Tara na!"

Sa una'y dala niya si Sam, pero pumiglas rin ang babae. Nanatili itong nakatayo, nakatingin sa kanya. "Bakit ka ba tumatakas sa ulan?" tanong nito.

Tinalikuran siya ni Sam at bumalik sa open field. Tumingala, dilat ang mata. Tapos kinusot, masakit daw. Ikaw ba naman bagsakan ng ulan sa mata. Tapos natawa ito, kaya tumawa na rin si Travis. Tumawa siya nang tumawa hanggang makalapit kay Sam.

"Lakas pa!" utos ni Sam sa tagadilig ng ulap. "Lakasan mo pa! Iyak pa! Buhos paaaa!"

At lumakas nga ang ulan. May dagundong pa. "Lakas paaaa!" sigaw rin ni Travis.

Nagtatatalon sila pareho sa tuwa. Kelan ba nang huling naligo ako sa ulan? tanong ni Travis sa sarili. Basta, at least ngayon nakaligo ulit siya. Pag lingon niya, nakatayo na naman si Sam. Nakayuko.

Weird.

Lumapit si Travis. Ewan kung anong pumasok sa isip niya at kung saan siya nakahugot ng lakas ng loob at kakapalan ng mukha at nang kakornihan sa ganoong eksena—pero hinawakan niya sa magkabilang pisngi si Sam. Hinaplos ang gilid ng mata.

"Umiiyak ka," puna ni Travis. "B-b-bakit ka umiiyak?"

Nanginginig ang mga labi ni Sam, ganoon din ang mga matang nakatingin sa kaniya. "Ayoko na," sabi nito. "Ayoko nang umiyak. Ayoko nang maalala si Jacob. Ayoko na talaga."

"Hindi naman basta-basta 'yun. Kung mahal mo, hindi siya agad mawawala sa—"

"E ayoko na nga," nangingiyak na sabi nito. "Ang sakit kasi. Tangina Travis. Ang sakit sakit."

"Sige lang. Iyak ka lang," sabi ni Travis kasabay ng paghawak sa magkabilang pisngi nito. "Sasaluhin ko lahat. Sasaluhin kita...ulit"

Napahawak rin si Sam sa mga kamay niyang nasa gilid ng pisngi nito.

"Umiyak ka," sabi ni Travis. "Umiyak ka hanggang maubos na. Para pag kusot mo na ang mga mata mo, makita mo kung sino talaga 'yung tagasalo ng lahat ng luha mo."

Sa sandaling magkalapit ang mga mukha nila, may bumagsak sa matangos na ilong ni Travis. Parang napakalaking patak ng luha naman nun?

Sabay silang tumingin sa lupa. "Yelo!" sabay nilang bulalas.

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now