20| Lipstick

9 1 0
                                    

Nagpahinga lang ng kaunti si Samantha sa kanyang swivel chair bago bumalik sa trabaho para sa pagpapaplano para sa expansion ng salon, kinatok na agad siya ni Marimar sa office niya. May naghahanap daw sa kanya.

"Sino?" tanong niya pa habang nagpupunas ng wipes sa mukha.

"Lovelyn daw. Gusto ka niyang makausap. Hindi sinabi ku—"

"Yung maputi?" nanlalaking tanong niya kasabay ng pagtayo sa upuan.

Natataranta ring tumango si Marimar, na-carried away. "Tsaka maganda."

"Pero mas maganda 'ko di ba?"

"Oo naman. Bestfriend kita eh."

"Teka, maputi...Mahaba ang buhok? Silky straight?"

"Oo."

"Sabihin mo maghintay siya. Wag mong papasukin. Hayaan mong tumayo siya diyan sa initan," utos niya habang naglalakad papunta sa sariling banyo. Umalis din si Marimar para sundin ang inutos.

Mabilis na nag-sepilyo si Sam. Nag-retouch, pinalitan ng metallic gold ang baby pink na eyeshadow. Pinalitan ang rosy pink na labi at kinulayan ng Red of all Red. Wala nang tatalo sa pagkapula nito—nakamamatay. Inayos niya ang fitting ng fit na fit na Aztec-printed crop top at high-waisted pencil cut skirt. Pumustura siya sa harap ng full-length mirror, yung tipong intimidating. Kelangan niyang maging maganda ngayon. Bakit hindi? Makakausap niya ang babaeng ipinalit sa kanya ni Jacob.

-♥-

"Good afternoon, Sam."

Hindi napigilan ni Sam na mapatingin sa kabuuan ni Lovelyn bago siya rumesponde—mula ulo hanggang paa. Hindi niya alam kung gaano katagal niyang pinag-antay ito sa labas ng salon kahit tirik ang araw. Ang mahalaga sa kanya ay mas maganda at mas presko siya pag nagharap sila.

Pero kahit tanghaling tapat, parang diwata itong nakatayo sa labas ng shop. Sa suot nitong malambot na chiffon dress na may floral prints, sa gintong relo nito, sa manipis na eyeliner at makapal na eyelashes, at sa peach na lipstick at sa amoy na amoy na Victoria's Secret na pabango nito—kinabog ang beauty niya. Hindi puwede—sabihin nating nagkataon lang na magkaiba sila ng fashion sense.

Pormal ang datingan nito, sa isip ni Sam. Tipong mahinhin, pero kikilabutan ka pag nagalit. Siguro hindi nagmumura, pero kikilabutan ka naman sa sobrang katahimikan at sa lamig ng pakikitungo sa 'yo. Tipong hindi umiinom, hindi nagba-bar. E teka, pake niya ba? Basta ayaw niya sa babaeng 'to. Hate dapat ang ngalan nito, hindi Love! Pero teka, bakit may scar siya sa kanang pisngi? Sugat ba 'to ng nakaraan niya?

"Hindi na 'ko magpapaliguy-ligoy pa," sabi nito. "Ako si—"

"Yung babae ni Jacob," sabi ni Sam kasabay ng pag-krus ng mga braso. "Yung kasama niya sa fishball-an habang hinihintay ko siya condo."

"Ako si Lovelyn," sabi nito, tipid ang ngiti. Aba'y nagawa pang ngumiti! "Ako yung nahuli mong kasama ni Jake noong Valentine's day. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula pero—I'm sorry. I'm really sorry. Nakilala ko lang naman si Jake sa double date ng mutual friend namin. Hindi ko naman alam yung pinagdadaanan niyo, kung totoo bang cool-off, break na o nag-away lang kayo. Pero kahit ano pa 'yun, wala akong balak manghimasok. I don't want to get involved and I'm not interested with Jake. Wala akong balak makipag-agawan. Kung nasaktan kita, sorry. Sana hindi ako ang dahilan kung anuman ang nangyari."

Katahimikan para sa taong nakarinig ng katotohanan. Buti pa ang babaeng 'to, nagsadya pa sa kanya para magpaliwanag. E si Jacob?

"Sige, mauna na 'ko," dugtong ni Love nang hindi niya ito sinagot. Hindi naman niya kasi talaga alam kung anong isasagot. Ngingiti? Shake hands? Hihingiin ang number at makikipagkaibigan? Tatalikod?

Pinagmasdan niyang lumayo si Love. "S-s-sandali! Lovelyn..."

Sa sandaling huminto si Lovelyn para lumingon, huminto rin ang pag-inog ng mundo. Pati ang paglagas ng mga luntiang dahon na natatanaw niya sa labas, ang mga maiingay na sasakyan, ang chikahan ng mga parlorista na kanina ay dinig na dinig niya. Moment niya 'to. "Lovelyn, meron bang malabong break-up?"

"Para sa 'kin," panimula ni Lovelyn kasabay ng pagharap sa kanya, "wala namang malabo o malinaw, masaya o malungkot, magulo o maayos na hiwalayan. Depende 'yun sa pagtanggap."

Ngumisi siya. Parang hindi naman. Siguro, ang pananaw ng isang tao sa pag-ibig depende na lang sa taong minahal niya. Siguro sa kaso ni Lovelyn, hindi siya nagmahal ng sing-tarantado ni Jacob, kaya optimistic siya.

"Tutal wala na rin naman kami ni Jacob at tutal gusto ka niya, sa 'yo na lang siya," biro ni Sam kay Lovelyn. Wala rin naman siyang magagawa kung totohanin nito. Tignan na lang natin kung hindi magdilim ang paningin mo sa pag-ibig, sa isip ni Sam.

"Alam mo bang sa edad kong 30, nine years na 'kong hindi pumasok ulit sa relasyon?" sabi nito. "Kung si Jake lang din ang ibibigay sa 'kin ni Kupido, 'wag na."

Mahina ring tumawa si Sam. "Bahala na nga si Kupido sa mga kapalaran natin," sabi niya. "Sige, ingat ka. See you around."

Sabay silang nagtalikuran, sabay na ipinaubaya sa hangin, na sana, kung kanino man sila dalhin ng kanilang mga paa, makayanan nila. Kung anuman ang kahinatnan nila na di matakasan, kanilang matanggap. 

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now