"Ikaw, anong gusto mong maging paglaki mo?"
Sa lobby kung saan nakapuwesto ang exhibit at bookstore, naabutan ni Travis si Becca na nagso-storytelling session sa mga bata, Grade 2. Hawak nito ang librong "Si Teacher Tina" na isinulat nito mismo. As the title suggests, tungkol sa batang nagngangalang Tina na bata pa lamang ay mahilig maglaro ng titser-titseran hanggang sa naging totoong guro na. Tungkol sa pangarap at pagsisikap.
Sabay-sabay na nagtaasan ng mga kamay ang mga bata, maningning ang mga mata, pursigidong sumagot at sabihin sa lahat kung anong pangarap nila na hindi inaalala kung abot ba ito ng kanilang kakayahan, kung mahal ang tuition, kung hindi in demand sa Pilipinas, kung imposible ba ito o anu pa man. Hindi komplikado kagaya ng matatanda. Nagtawag ng pangalan si Becca.
"Ako," sabi ng bata, "I want to be an engineer."
Kumuha rin ng Civil Engineering si Travis. Tsamba siguro ang pagkakapasa niya sa entrance exam. Unang taon pa lang, parang sinisilaban na siya sa upuan. Una, di niya feel. Pangalawa, mahirap. Pangatlo, palaisipan pa rin sa kanya kung mahirap ba talaga ang kurso o nahihirapan lang siyang ma-motivate dahil nga hindi niya feel. Pang-apat, bumagsak siya sa tatlong subjects. Pang-lima, marami pa siyang kadahilanan. Sa huli, bago pa siya mawalan ng respeto sa sarili at bago pa maubos ang confidence, umalis na siya sa unibersidad na 'yon. Nag-shift siya, Communication Arts, sa ibang university rin. Problema, bago niya pa naisin na magkaroon ng ego boost, na-intimidate siya sa pormahan ng mga kaklase niya.Tapos, nang magkaroon ng art exhibit, doon niya napagtantong bumalik sa kanyang first love: pagpinta-pag-guhit at kung anong may kinalaman sa pagkulay. Kaya nag-shift siya—Fine Arts.
"Gusto ko painter!" sabi ng isa.
"Ako gusto ko lang mag-drawing!"
"Maganda 'yan," sabi ni Becca. "Gusto mo maging kagaya ni Kuya Travis?"
Agad ipinilig ni Travis ang ulo, nakatingin kay Becca ng Wag-Mo-Kong-Isama-Sa-Inspirational-Message mo. Nakatingin ang mga bata sa kanya.
"Noong ten years old si Kuya Travis, sumali siya sa art camp din ng Malikhain Publishing. Hindi 'yun kagaya ng Art Camp natin dito sa school. Competition siya. Three days kayong magpapa-gandahan at magpapagalingan sa pag-drawing. Tapos may mga judges, at may premyo!" panimula ni Becca. "Pero alam mo, natalo si Kuya Travis. At alam niyo kung sinong nanalo? Ako."
"Wow," sabi pa ng isang bata.
"Pero hindi pa tapos ang kuwento, kasi hindi pa happy ending," dugtong ni Becca, "Next year, nagkaroon ulit ng contest sa Malikhain Publishing. Gumawa daw ng painting na nagpapakita ng masayang 'summer'. Sumali ulit si Kuya Travis. At alam mo ang nangyari?"
"What's next?"
"Nanalo siya," may pagpalakpak na sabi ni Becca. "Tapos, naging contributor siya sa Art Section ng newspaper. Bata pa lang siya, nakikita na ang mga drawings niya sa diyaryo. At, paglaki niya, nagsusulat at nagda-drawing na rin siya ng mga libro. At, nakakapunta siya sa iba't ibang bansa para sa mga exhibits, at siya na rin ang nagco-conduct ng mga workshops kagaya nito. At...at marami pang iba. Hindi lang niya sa 'kin sinasabi. O di ba, ang galing?"
Tapos na si Becca sa pagsasalita, nakanganga pa rin ang mga bata kay Travis.
"So," sabi ni Becca. Doon lang siya naalala ng mga bata. "Ano kayang nangyari kung nagmukmok na lang si Kuya Travis noon matalo siya sa art camp?
"Hindi siya magiging...magaling?" sagot ng isa.
"E di wala po siya sa Art Camp ngayon," sagot din ng isa.
At isa pang taas ng kamay. Isa pang sagot. Pero humihina lang ang mga tinig nila sa pandinig ni Travis. Dahil kay Travis, bumagsak ang malaking tanong: Paano kung hindi siya sumuko? Paano kung pinagpursigihan niya ang Engineering o Comm Arts? Masaya na siya sa pagiging "multi-talented artist" na binansag sa kanya ngayon. Pero back then, noong nasa kolehiyo siya, first love ba talaga niya ang pagkulay? Minsan hindi mo masabi kung pinili mo ba ang isang bagay dahil ito talaga ang mahal mo. Minsan kasi, ito ang unang alam mong pag-aari mo. Pinili mo lang kasi hindi mo na kailangan mag-risk. Pinili mo ito kasi di mo na kailangang mag-effort, kasi sa simulang simula, ito lang ang meron ka. At pinilit mo na lang sumaya dahil wala ka namang choice kundi tanggapin na eto lang talaga ang para sa 'yo. Tama ba siya? Paano nga kung pinanindigan niya ang Civil Engineering? Paano kung hindi siya sumuko? Siguro mahirap. Pero siguro, baka sa huli, maging masaya rin siya. Minsan talaga napapaisip siya kung ang isang bagay ay bunga lang ng katamaran o 'yun talaga ang nakatadhana, ang nakaukit sa kanyang palad.
Nag-vibrate ang cellphone—nagtext si Sam, automatikong lumukso rin ang puso niya. SEE YOU LATER, text nito.
Paano nga kung ipagtapat na niya kay Sam ang nararamdaman? Paano kung di siya nito magustuhan? Pero paano kung matutunan siya nitong gustuhin? Pero paano nga kung hindi? Paano kung—
"The moral of the story is to follow your heart," sabi ng bata. "Just like Teacher Becca in the story and Kuya Travis, you have to do what you really want to do. Sometimes, you win, sometimes you lose. But my mom said—try and try until you die, and if you die, at least you've tried!"
Napalunok siya sa narinig. Buti pa ang bata, klarong-klaro. Kung kelan pa siya tumanda, tsaka pa siya namroblema sa mga maliliit na bagay. Puso lang 'to e, pero bakit ganito—nakakabuang?
"Tama," sabi ni Becca. "Paano mo malalaman, kung hindi mo susubukan?"
Sa isang iglap, lahat ng bata nagmukhang Sam. Ang paligid, naging talahiban. Ang mga tinig ay naging tinig at linya ni Sam—ang pagtawa nito, pag-iyak, pag-iyak-tawa, quotes na malalim ang pinaghugutan at iba pa.
Aamin siya. Oo na, "Aamin ako!"
Tumingin sa kanya ang lahat. Namula siya. Dali-dali siyang nagtungo sa CR. Pero aamin siya. Aamin ako!
Pero nakakatakot. Paano nga kung—Hindi kaya masyado pang maaga? Kailan ba maaga o huli na ang lahat?
Lightbulb. Ting!
Aamin siya kung:
1) Makakita siya ng itim na pusa. Dapat, tignan din siya nito.
2) Makakita siya ng dalawang senior citizen na magkahawak-kamay. Bihira lang siya makakita ng ganoon.
3) Dapat umulan. Dapat umulan habang magkasama sila ni Sam.
4) May mabasa siyang love advice, o kahit anong babasahin na nag-uutos ng dapat niyang gawin. Dapat, hindi siya magbubuklat ng libro o anumang babasahin sa bookstore. Tipong bubulaga na lang yung mga salita o mahagip ng atensyon niya.
Kelan pa siya naniwala sa signs? Ah basta. It's now or never.
YOU ARE READING
Sana Happy Ending
ChickLitMay kuwentong true-to-life. May kuwentong sana totoo na lang. Kwentong ikaw lang ang may alam. May kuwentong matagal ng tapos. At kuwentong dinugtungan para lang masaktan ulit. May kwentong tinapos bago magsimula. May kuwentong sana wala ng katapusa...