3| Buy 1 Take 1

19 2 0
                                    

Matamlay na naglakad-lakad si Sam sa ilalim ng pulang banderitas. Sa kaliwa, puro tindang couple shirts, chocolates, flowers at teddy bear ang makikita. Sa kanan, puro lovers. At sa buong lugar umaalingawngaw ang matatamis na love songs na mapait sa kanyang pandinig.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang makalabas na siya ng mall. Tirik ang araw. "Sa panahon ngayon, tanghali na lang ang tapat," nakasimangot niyang bulong.

Natanaw niya ang trak, Keep Distance daw. "Buy 1, take 1" sabi naman ng tindera sa mga taong papasok at kalalabas ng mall.

Pero sa gawing likuran ng tinderang may Buy 1 take 1 siya sunod na napatingin...at nasaktan.

Sa likod ni ateng may buy 1 take 1 na sapatos at couple shirt na may tatak "Maniwala ka sa Forever", may fishball kiosk. Naluluha niyang pinagmasdan si babe—si babe na hindi sumipot sa date kahit 25th birthday niya, 3rd anniversary nila at Valentine's. May kasamang iba at ang saya-saya nilang tumutusok-tusok ng fishball at kikiam.

Tak-tak-tak-tak-tak, mabilis siyang lumakad. Binilisan niya pa lalo na para bang ikamamatay niya pag di niya nasapok ang dalawa ngayong araw. Pero mas mabilis ang pagkabog ng dibdib niya na parang mauuna siyang sumabog bago niya masampal ang boyfriend of three years.

Hinubad niya ang sapatos at ibinato kasabay ng pagsigaw, pero sa inosenteng vendor lang tumama ang matalas na takong. Napatingin sa kanya ang boyfriend at ang kasama nitong babaeng kahit kailan ay isinusumpa niyang hindi siya malalamangan sa ganda.

Ibinato ni Samantha ang kapares at sa wakas, tumama ito sa matipunong dibdib ni babe.

Nakayapak na naglakad si Samantha papunta sa dalawa, nanginginig ang kamay, nanlilisik at naluluha ang mga matang nag-effort pang mag-false eyelashes.

Nagdilim ang kalangitan, kumulog. Umalis ang tindero, natulala si ateng buy-1 take 1 ng Maniwala-Ka-sa-Forever- shirt, kumalas ang mga kababaihan sa ka-holding hands para kuhanin ang cellphone at napahinto ang jeep para maghintay ng pasahero at sumubaybay din sa mala-teleseryeng tagpo, with background music: Kasalanan Bang Mahalin Ka Nang Lubusan.

"Kung kikiam lang naman ang gusto mo, sana nagsabi ka para di na ko nag-abala sa rooftop niya," sabi ni Samantha habang dinuduro-duro ang matipunong dibdib nitong hinulma ng gym. "Sabi mo cool-off, hahanapin mo sarili mo. E iba yata hinanap mo. Dumistansiya ka lang pala para makalandi sa iba."

Pinalo-palo niya ang dibdib ng boyfriend sabay "Buwisit ka! Mahal kita pero bakit.....Buwisit ka!"

Umalis ang kasama nitong babae. "Love, sandali!" tawag ni babe dito, pero tuluyang lumayo ang babae. Binalikan siya nito ng tingin. Pinigilan ang dalawang kamay na kanina pa nanghahampas.

"Bakit, bakit hindi ako, Jacob?" tanong ni Samantha

"Masyado ka kasing possessive. Needy. Demanding. You know, nakakasakal," sabi ni babe, ni Jacob, mas matapang pa sa kanya. "I was overwhelmed. Para bang napakalaking responsibilidad na hawakan at ingatan ang puso mo."

"Minahal lang naman kita ng sobra-sobra, babe. Ako pa ba ang masama?"

"Sa sobrang laki ng halaga ng pag-ibig na binibigay mo, wala na kong panukli."

"Tatanggapin ko naman kahit kulang ang sukli. Kahit hulugan. Paunti-unti. Maghihintay naman ako, sabihin mo lang na mamahalin mo rin ako ng buo. Buong-buo."

"AYOKO NA." Kasabay ng dalawang salita ay binitawan siya ni Jacob.

"Three years, Jacob. 1,095 days, 26,000 hours ng buhay ko ginugol ko sa 'yo. Tapos sasabihin mong ayaw mo na?"

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now