23| Signs

13 1 0
                                    

Krriiiiiiinnngg!!!!

Tumunog ang school bell kasabay ng paghilab ng tiyan ni Travis at ng mga batang Recess ang favorite subject.

Iniwan muna ni Travis si Becca at ang tatlo pang kasamahan sa bookstore. Kumain na ang mga ito kanina. Panahon na para siya naman.

Hindi na niya ginamit ang sasakyan. Magkatapat lang naman ang school at ang District Mall. Kaunting lakad patungong kalsada, tapos tatawid. Hindi naman tirik ang araw, partly cloudy. Mahangin rin.

"Ay pusang gala!" napasigaw siya nang may kung anong tumakbo sa harap niya habang tahimik siyang naglalakad papuntang kalsada. Pusa naman talaga—puti. May dumaan ulit sa harap niya, tila hinahabol ang naunang pusang puti. At ang kulay? Itim.

"Itim. Itim. ITIIIIM!" Sign #1

Automatikong kumabog ang puso at automatiko rin siyang napahawak sa dibdib. Kalma, Travis. Kalma.

Nang akma siyang lalakad,sa peripheral vision niya, may nakatingin sa kanya. Pusa ulit. Itim. Na naman!

Dali-dali siyang naglakad at tumawid. Nang makatapak na sa District mall, siyang pagtawag ni Sam sa cellphone. Nanginginig niyang sinagot ito.

"P-p-papunta na..." sabi niya.

"Mukhang nanginginig ka na sa gutom," sagot naman nito nang may mahinang pagtawa. "Nandito 'ko sa Garden."

"Akala ko ba kakain tayo sa labas?"

"Oo nga," sabi nito. "Bakit, labas din naman ang garden ah. Mas maganda dito. O siya, bilisan mo."

Tinapos niya ang usapan kasabay ng paglakad. Hanggang sa natanaw na niya si Sam, nakaupo sa bench, sa bukas na espasyo ng mall.

Nakasandal ito, nakatingala sa bughaw na ulap, habang dinadama naman ng high heels nito ang damuhan. Dala nito ang malaking paper bag.

Pag hakbang ni Travis, nakabunggo niya pa ang matandang lalaki. Agad naman siyang nag-sorry.

"Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo, iho," sermon pa ng kasama nitong matandang babae.

"S-sorry lola. Sorry po talaga. Kinakabahan kasi—" Natigilan siya. Kelangan ba talagang malaman ng buong mundo na kabado siya?

"Bakit naman?" tanong ng babae. Di na sumagot si Travis. Umismid lang ang babae. "O siya...." sabi ulit nito kasabay ng pag-hawak sa kamay ng matandang lalaki.

Pinagmasdan ni Travis na umalis ang dalawang matandang magka-hawak-kamay. "Magkahawak-kamay? Hawak-kamay! Sign #2!"

-♥-

"Hulaan mo kung anong ulam na niluto ko para sa 'yo," sabi ni Sam nang makaupo na sila sa wooden table na nakahanda sa garden ng mall para sa outdoor picnic ng mga tao dito.

"Adobong manok?"

"Hindi," nakangiting sagot ni Sam kasabay ng paglalatag ng malaking diyaryo sa mesa para gawing placemats. "Di ba sabi ko, Oh-My-Gulay Day tayo ngayon?"

"Oo nga pala," sabi niya. "Wag mo kong kamuhian pag nagsuka ako ha."

"Masarap akong magluto. 'Pag nagsuka ka pa, dila mo na ang may problema."

"Chopsuey?"

"Hindi. Clue—parang pag-ibig ang ulam na 'to," sabi nito.

"Nako," sabi ni Travis kasabay ng buntung-hininga, "baka kagaya din 'to ng walang-kamatayang luto ni mama. Ulam na parang pag-ibig. May alat ng bagoong?"

Sana Happy EndingWhere stories live. Discover now