Ika-siyam na Kabanata...
May mga bata na masayang naglalaro nang dumating ang isang munting binibini. "Maaari pa akong sumali?" tanong nito sa mga batang babae na kaharap niya. Nagtinginan naman sila at nagkumpulan bago tuluyang pasalihin ang binibini.
"Oo naman halika sali ka sa amin." sambit ng batang babae. Napangiti naman ang munting binibini at naglakad palapit sa kanila. Masaya silang naglalaro hanggang sa maisipan nilang puntahan ang abandonadong bahay kung saan usap-usapan sa kanilang bayan na walang sino man ang nagpupunta sa bahay na iyon sapagkat isinumpa ang pamilyang nakatira rito kaya lahat ng nakatira rito ay namatay.
"Nais mo ba maging bahagi ng aming pagkakaibigan?" tanong ng batang babae sa munting binibini. Tumango naman ito bilang tugon. "Kung gayon, kailangan mong pumasok sa bahay na iyon at magtagal doon ng isang oras." sambit nito.
"I-isang oras?" nauutal na tanong ng munting binibini. Bakas sa kaniyang mukha ang matinding takot sapagkat alam niya ang usap-usapan patungkol sa isinumpang pamilya na nakatira sa bahay na iyon. Balita rin na kung sino man ang pumasok doon ay mamalasin habang buhay.
"Nais mo ba na kami'y iyong maging kaibigan?" tanong muli ng batang babae. Tumango naman ang binibini. "Sundin mo ang aming sinasabi. Pumasok ka sa bahay na iyon at kinakailangan mong manatili roon ng isang oras. Bilang kapalit kapag iyong napagtagumpayan ang aming pagsubok para saiyo, ikaw ay magiging kaibigan na namin." dagdag pa ng batang babae.
Nilakasan ng munting binibini ang kaniyang loob. Pumayag siya sa pagsubok ng batang babae at pumasok sa bahay ng isinumpang pamilya. Nang siya ay tuluyan nang makapasok, hinila ng mga batang babae ang pintuan upang ito ay isara. Mabilis namang tumakbo ang munting binibini sa tapat ng pintuan. Sumigaw siya ng sumigaw. "Tulong! Tulong! Tulong! Pakiusap, tulungan ninyo ako!" sigaw niya ngunit hindi pa rin siya pinagbubuksan sa labas ng mga batang babae.
Tinignan niya ang paligid. Walang ibang tao roon kundi siya lamang. Unti-unti siyang nakaramdam ng takot dahil sa kadiliman na bumabalot sa kaniyang paligid. Muli niyang hinarap ang tapat ng pinto at malakas na hinahampas iyon gamit ang munti niyang kamay. "Pakiusap tulungan ninyo ako! Tulong!" sigaw niyang muli. Narinig niya ang yapak ng mga paa ng mga batang babae na tumatakbo na paalis. Hindi na niya napigilan pa ang pag agos ng kaniyang luha. Matinding takot ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.
Nanlambot ang kaniyang tuhod dahilan para siya ay mapaupo sa sahig. Ilang minuto na ang nakalipas mula nang siya ay iwan ng mga batang itinuring na niyang kaibigan sa abandonadong bahay. Nakaramdam siya ng paninikip ng kaniyang dibdib. Parang pinipilipit ang kaniyang puso sa sobrang sakit. Napahawak siya sa kaniyang dibdib habang umiiyak. "Tulong.. Tulungan niyo ako.." pabulong siyang sabi. Hindi na niya kaya pang sumigaw dahil nahihirapan na niya huminga.
Dahan-dahan na niyang nararamdaman ang kaniyang pagpagsak sa malamig na sahig ng bahay. Wala siyang ibang magawa kundi damhin ang lamig at paninikip ng kaniyang dibdib. Unti-unti nang bumagsak ang talukap ng kaniyang mga mata hanggang sa naipikit na niya ang kaniyang mga mata.
"Binibini, gising!" sambit ng lalaki na ngayon ay marahang tinatapik ang kaniyang mukha para siya ay muling magising. "Binibini!!" sigaw muli ng batang lalaki dahilan para maidilat ng munting binibini ang kaniyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Eternal Love [COMPLETED]
Historical FictionNaniniwala ka ba sa nakaraang buhay? Ikaw ay nabuhay na sa nakaraan at muling nabuhay sa kasalukuyan? Ano nga ba ang gagawin mo kung ikaw ay mabigyan ng pagkakataong bumalik sa iyong nakaraan at muling balikan ang mga pangyayari sa iyong buhay? Ha...