KABANATA 38

57 9 0
                                    

Ika-tatlumpu't walong Kabanata...



Ramdam ko ang kirot sa bandang tagiliran ng aking katawan. Hindi ko man maidilat ang aking mga mata ay gising na gising naman ang diwa ko. Naramdaman ko na lamang na may isang tao ang bumuhat sa akin.


"Walang kahit na sino ang maaaring makaalam ng tungkol sa bagay na ito. Itapon niyo ang kaniyang katawan sa ilog. Siguraduhin niyo lamang na walang makakakita sa inyong gagawin upang maging malinis ang trabaho." rinig kong sambit ni Angelita sa mga tauhan niya. "Narito ang aking salapi na ibabayad sa inyo sa oras na matapos na ninyo ang inyong trabaho." Gustuhin ko mang pumiglas sa taong bumubuhat sa akin ay hindi ko magawa. Wala akong lakas para manlaban sa kanila dahil na rin siguro sa dami ng dugo na nawala sa akin. 

Naramdaman ko na lamang na ang taong bumubuhat sa akin ay naglalakad na hanggang sa marinig ko ang pagsarado ng pintuan. Kutob ko ay inilabas na nila ako mula sa bahay na iyon dahil rinig ko na ang agos ng tubig.


"Ihanda niyo na ang ating bangka. Kinakailangan maging malinis ang ating trabaho." sambit ng lalaking may buhat sa akin.


"Buhay pa ba ang binibining iyan?" tanong naman ng isa pang lalaki.


"Sa aking palagay ay nahinga pa siya ngunit hindi na rin magtatagal sapagkat maraming dugo na ang nawala sa kaniya." sagot naman ng lalaki na nagbubuhat sa akin. "Maayos na ba ang bangka? Halika't tulungan mo akong ilagay siya riyan." dagdag pa niya.


"Oo handa na ang lahat." naramdaman ko ang pagbaba nila sa akin sa isang matigas na bagay na sa palagay ko ay kahoy. Mukhang sinakay nila ako sa bangka. Pero saan naman nila ako dadalhin? Ilalayo ba nila ako rito sa San Lorenzo? Tuluyan na ba nila akong papatayin? 

Ang daming tumatakbo sa aking isipan pero wala akong magawa. Gustuhin ko mang takasan sila ay hindi ko kaya. Sobrang nanghihina ang katawan ko. Ramdam ko ang sakit ng aking sugat. Nakasisiguro rin ako na kalat na ang dugo sa aking baro't saya kaya mas lalo akong nanghihina. 


"Ano ang iyong gagawin sa kaniya? Saan natin siya dadalhin?" tanong ng lalaki sa kaniyang kasama.


"Ang inutos ni Señiorita Angelita ay ipatapon ang binibining ito rito sa ilog." halos lalo akong nanghina dahil sa narinig ko. A-ako? Ipapatapon sa ilog? Pero buhay pa ako at nahinga pa. Hinding ko mapigilan ang pagluha sa aking mga mata. Sinusubukan kong bigkasin ang salitang 'tulong' pero walang nalabas na tinig sa aking bibig. Kahit sa pagsasalita ay nahihirapan ako. 

Hinihintay ko na lamang na magkaroon ng isang himala at maligtas ako sa isang bangungot na dulot ng kasamaan ni Angelita. Hinihintay ko ang himala na kung saan magbago ang isip ng mga lalaking ito at mas piliin nila na ako'y tulungan kaysa tuluyang patayin. Natatakot ako sa mga oras na ito. Sobra sobrang takot ang aking nararamdaman. Ganito pala talaga kapag alam mo na malapait ka nang mamatay. Wala kang magawa kundi ang hintayin na lamang itong mangyari.


Ilang sandali pa ay naramdaman ko na muli akong binuhat ng isang lalaki. Narinig ko pa ang kaniyang paghinga ng malalim bago niya ginawa sa akin ang kanilang binabalak. Naramdaman ko na lamang ang aking paglubog sa katubigan. Gustuhin ko mang iligtas ang aking sarili ay hindi ko na ito magagawa pa. Nakatali ang aking kamay at paa. Wala nang pag-asa pa. Nakalulungkot lamang isipin na nagagawang paikutin ng pera ang mga tao. Handa silang pumatay magkaroon lamang sila nito. 

Eternal Love [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon