Entry 21

19 2 0
                                    

Rule # 21 Magtapat ka na, habang may panahon ka pa.

Nagsimula lang naman tayo sa lokohan,
Mga biruang, kala mo wala ng katapusan.
Mga banat na nagbibigay ng ngiti sa aking mga labi,
Mga sulyap at titig na animo'y isa akong napakagandang binibi.
Mga kilos at galaw na tila nagpapahiwatig,
Nagpapahiwatig na ako'y iyong tunay na iniibig.
Tama nga ba ang aking pagkakaunawa?
Sa mga kilos mo't salita?
Tama bang isipin na ako'y iyong minamahal?
Kahit ang pagkakakilala natin ay hindi pa gaanong katagal?
Dapat ba akong magpadala?
Sa mga matatamis mong salita.
Kahit hindi naman ako sigurado,
Sa kung ano nga ba talaga "tayo".
Meron nga bang "tayo"?
Meron nga bang ikaw at ako?
O isa lang ako sa libu-libong babaeng nililigawan mo?
Isa nga lang ba akong pampalipas oras mo?
Ayaw kong mag-isip ng kung anu-ano,
Kaya pakiusap, pakilinaw kung ano nga ba ako sa'yo.
Ayaw kong umasa sa wala,
Mahirap mahulog sa taong di ako sigurado sa tunay na pakay niya.
Kung ang mapaibig ba ako,
O dumating lang siya para saktan ako sa dulo?
Pakiusap, pakilinaw sa akin,
Upang malaman ko kung ano ang dapat kong gawin.
Kung dapat ba akong magpatangay sa aking damdamin,
O ang emosyong 'to ay nararapat ng kitilin.
Nais kong maging malinaw ang lahat,
Bago sa'yo ako ay magtapat.
Mahirap sumugal sa taong di naman pala ikaw ang tunay na minamahal,
Mahirap mahulog sa taong akala mo ay magtatagal.
Kung kaya't habang maaga,
Mas mainam kung sasabihin mo na.
Sabihin sa akin ang tunay mong damdamin,
Pangako, ang bawat eksplenasyon mo'y aking diringgin.
Hindi ko huhusguhan ang mga iyong mga salita,
Hindi rin makikinig sa mga sabi-sabi ng iba.
Maniniwala ako sa mga sasabihin mo,
Paniniwalaan ko ang makikita ko sa mga mata mo.
Kaya't muli, pakiusap, paki linaw sa akin,
Sabihin sa akin ang tunay mong damdamin.
Kung may damdamin ka nga ba talaga,
Kung ako nga ba ang laman o merong iba.
Magtapat ka na habang may panahon ka pa,
Upang malaman natin kung ang tadhana ay aayon nga ba.
Aayon nga ba siya sa kung anong meron tayo,
Kung ikaw nga ba ang lalake na pinakahihintay ko.
Kung tunay nga ba ang nararamdaman nating pareho,
O ito lang ba ay isa sa mga likha ng malawak na imahinasyon ko.
Magtapat ka na, habang maaga pa,
Hindi dahil gusto kong mapaibig ka kundi dahil gusto kong malaman kung ako nga ba talaga.
Kung ako nga ba talaga ang para sa'yo,
At kung may katugon nga ba ang nararamdaman ko.
Pakiusap umamin ka na,
Sapagkat ang utak at puso ko'y tila sasabog na.
Sasabog sa oras na sasabihin mo sa akin ang totoo,
Sasabog sa sa oras na bibigkasin mo ang salitang hindi naman talaga tayo.
Na wala lang ako sa'yo,
Na isa lamang talaga akong babae sa buhay mo.
Pakiusap, tumigil ka na,
Tigilan na ang pagbibigay sa akin ng mga magulong ideya.
Hindi naman ako manghuhula,
Kung kaya't hindi ko malalaman kung ano nga ba talaga.
Kung ikaw nga ba ay tunay na umiibig sa isang tulad ko,
O kung ikaw ay nandito upang yanigin lamang ang mundo ko.
Pakiusap, pakilanaw sa akin ang lahat,
Magsabi ka ng totoo dahil yun ay nararapat.
Ang tunay na pag-ibig ay marunong magtapat,
Maging tapat at ipakitang ito'y karapat-dapat.
Pakiusap magtapat ka na,
Upang ang mga katanungan sa utak ko ay matuldukan na.
Mawala ang lahat ng agam-agam,
Magsimula ulit sa umpisa na walang pangamba't pagdaramdam.
Magsimula ng panibagong yugto,
At panibagong pag-ibig sa katauhan mo.
Pakiusap, magsalita ka na habang may panahon pa,
Upang mapigilan ang lahat hangga't maaga pa.
Mapalaya ang isa't-isa kung wala naman pala,
Wala naman palang kahulugan ang mga kilos mo't salita.
Kaya't muli, ako'y makikiusap,
Linawin ang lahat upang maputol na ng tuluyan ang aking pangangarap.

Unspoken WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon