Entry 23

22 2 0
                                    

Rule # 23 Taksil ng nakaraan

Ang bangungot ng nakaraan ay muling bumabalik,
Kasabay ng mga ala-alang bumubuhos ng di man lang nagpatumpik-tumpik.
Mahal parin kita,
Mga bungad mo sa aking salita.
Mahal parin kita,
Sana ay muli mo akong bigyan ng tsyansa.
Ganoon ba kapag patuloy na nagmamahal?
Apat na taon na ang lumipas, oo ganun nga katagal.
Apat na taon bago ka natauhan,
Apat na taon bago mo lubusang naintindihan.
Hindi ko tuloy alam kung ano ang dapat kong maramdaman,
Ang salitang "tayo" ay tila di maaring maging isa kailanman.
Marami ng nagbago sa mundo,
Kasabay ng pagbabagong 'yon ang nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung dapat akong matuwa,
Sapagkat sa wakas inamin mong nagkamali ka nga.
Nagkamali kang iwan ako,
Nagkamali kang pakawalan ang isang tulad ko.
Nagkamali ka sa maraming bagay,
At ngayon pinapaulanan mo ako ng mga sorry mong walang humpay.
Sorry na kay tagal kong hinintay,
Sorry na akala ko di ko na maririnig sa'yo habambuhay.
Hindi ko mapigilang matawa,
Sa mga eksplanasyon mong mala telenobela.
Isang kang dakilang tanga!
Tangang nagpadikta sa mga sabi-sabi ng iba.
Isa kang dakilang duwag!
Na hinayaan ang relasyon nati'y tuluyang mabuwag.
Hinayaan mo silang masira tayo,
Hinayaan mong tuluyan tayong magkalayo!
Binitawan mo ang kamay kong nakakapit sa'yo,
Inalisan mo ako ng tiwala't pagmamahal para sa sarili ko!
At ngayon, bakit tila wala lang sa'yo ang lahat?
Kung makaasta ka akala mo ang lahat ng nangyari ay isa lamang alamat!
Nakakapanindig balahibo ang iyong mga salita,
Nakakasukang makinig sa mga mabulaklak mong dila.
Sa mga sagot sa mga tanong ko,
Na noon ay mariing pinagkait mo.
Ano bang pinagkaibahan ng noon at ngayon?
Dahil hindi ko lubos maisip kung anong nangyari sa loob ng apat na taon?
Tama apat na taon na ang lumipas,
Ngunit ang sakit ng mga ala-ala'y hindi parin kumukupas!
Nasaan ang pagmamahal na sinasabi mo?
Nasaan ka nung mga panahong lugmok ako?
Nasaan ang mga pangakong binitawan mo?
Nasaan ka nung pinagtatabuyan ako ng mundo?
Wala kang alam pagkatapos ng lahat,
Wala kang alam sa kung paano ako namulat!
Namulat mula sa katotohanang isa kang malagim na karanasan,
Isa kang bangungot sa madilim kong nakaraan.
Kaya't bakit pilit kang bumabalik?
Na animo'y mabubura ang lahat ng pait sa isang halik.
Bakit kung kailan buo na ulit ako?
Bakit kung kailan tanggap ko ng kailanman hindi na pwedeng maging tayo?
Ano nga bang motibo mo sa likod ng lahat ng 'to?
Ano nga bang mapapala ko sa relasyong minsa'y nagpaguho sa mundo ko?
Paano ako kakapit sa taong nagbigay sa akin ng sobra-sobrang pasakit?
Paano ako titingin sa mga mata mo na walang halong pait?
Paano kita mapapatawad sa lahat-lahat?
Kung bawat pagsambit ko sa ngalan mo'y naaalala ko ang mga salitang "Hindi ka karapat dapat."
Hindi ko alam kung tama ba?
Tama bang muling pagbigyan kita?
Kung hindi naman ako sigurado sa nararamdaman mo,
Hindi ako sigurado kung totoo ang mga sinasabi mo.
Totoo nga bang mahal mo parin ako?
Totoo nga ba o isa lamang ilusyon ang lahat ng 'to?
Ang hirap paniwalaan ang mga salita mo,
Ang hirap intindihin ang taong minsa'y niloko ako.
Ang hirap pero bakit tila natutuwa ako?
Ang hirap pero bakit tila nadadala ako sa mga pangako mo?
Mga pangakong minsa'y dinurog mo,
Mga pangakong dumurog sa buong pagkatao ko.
Nahihibang na ba ako?
Nahihibang na ba ako kapag sinabi kong umaasa parin ako?
Umaasa akong totoo ang lahat ng mga sinasabi mo,
Umaasa ako na sa pagkakataong 'to ay mananatili ka na sa tabi ko.
Tama nga sila, marupok ako pagdating sa'yo,
Tama nga sila, sa isang pikit mata heto, nagpapakatanga na naman ako.
Nagpapakatanga ako sa taong hindi naman marunong makuntento,
Nagpapakatanga ako sa lalakeng minsa'y nagbigay kulay sa aking mundo.
Bakit ba ang hilig mong guluhin ang sistema ko?
Bakit ba sa simpleng sorry mo nahihibang na naman ang utak ko?
Akala ko ba okay na ako?
Akala ko ba ayos na sa aking wala na tayo?
Pero bakit nandito na naman ako?
Bakit bumabalik na naman ako sa lugar kung saan ako gumuho?
Bakit andito na naman ako sa mismong oras kung kailan ako nagpasyang tumayo?
Bakit sa ikalawang pagkakataon iniwan mo ulit ako?
Bakit pagkatapos ng lahat heto na naman akong nagmamakaawa sa'yo?
Ikaw ang nagpumulit na muling pumasok sa mundo ko!
Ikaw ang nagpumulit na muli nating pagbigyan ang relasyong 'to!
Ikaw ang bumalik pero naglahong bigla sa paningin ko!
Ikaw ang gumawa ng paraan pero muli kang nawala,
Ikaw ang humingi ng tsyansa pero lumisan na lang bigla!
Bakit kahit paulit-ulit di parin ako natututo?
Bakit ba lagi na lang akong nagpapauto sa'yo?
Sa ikalawang pagkakataon, damdamin ko'y muli mong pinaglaruan,
At sa ikalawang pagkakataon muli akong nahulog sa isang taksil ng nakaraan.

Unspoken WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon