Rule #24 Huling tula sa taong hindi ko na kailanman makukuha.
Nandito muli ako upang bumuo ng salita't tugma,
Salita't tugma na alam nating pareho kung sino ang paksa.
Paksa na kahit baligtarin pa ang mundo,
Mananatiling ikaw ang sinisimbulo ng likha ko.
Ngunit wag mabahala sapagkat hindi 'to basta-bastang tula,
Hindi basta-basta sapagkat nangangako akong ito na ang pinakahuling tula na ikaw ang paksa.
Huling tula na sasambitin ng aking dila,
Huling tula na magpapatunay na ako'y tuluyang kakawala na.
Kakawala na ako sa mga pangako mo,
Kakawala na ako sa mga pighating dulot mo.
Eto na ang huling tula kung kaya't ibubuhos ko na,
Ibubuhos ko na ang lahat ng hinanakit, lungkot, pait at lahat ng emosyon ko para tuluyang matapos na.
Matapos ang walang katapusang bakit,
Matapos ang walang humpay na pagdaloy ng sakit.
Nakakapangamba ngunit kailangan ko ng tapusin ang lahat,
Kailangan ko ng putulin ang pisi ng pagiging tapat.
Tapat sa pangako mong tayo sa dulo,
Tapat sa mga salitang ikaw lamang at ako.
Heto na ang hudyat na ayoko na,
Ayoko ng bumalik sa pagiging tanga.
Tama na ang ilang milyong beses kong pagkapit,
Tama na ang ilang libong beses kong pag-atras abante sa tuwing ika'y nasa malapit.
Babalikan ko ang lahat mula sa umpisa,
Pupuntahan ko ang mga lugar kung saan madalas tayong magkita.
Unti-unti kong papakawalan ang mga huling hikbi at luha,
Unti-unti kong luluwagan ang lubid na nakagapos sa kamay nating dalawa.
Sa pinaka huling beses nais kong manatili't makinig ka sa aking mga sasabihin,
Huwag masindak sapagkat hindi kita susugurin.
Hindi kita susumbatan sa lahat ng iyong ginawa,
Hindi kita aawayin dahil alam kong wala naman akong mapapala.
Makinig ka't mamulat sa kung anong dahilan,
Dahilan kung bakit pagkaraan ng ilang daan ay tuluyan na nga kitang papakawalan.
Papakawalan kita dahil alam kong ang pag-ibig mo'y nagbago na,
Papakawalan kita dahil alam nating pareho na ang tayo'y hindi na magiging isa.
Hindi na kailanman sapagkat wala na ang dating saya't sigla,
Wala na ang dating pagkagiliw at pagkislap ng iyong mga mata.
Nagbago ang pakikitungo mo,
Nagkaroon ng mataas na barikada sa pagitan mo't ako.
Hindi ko alam kung paano mo nagawa,
Mas lalong hindi ko alam kung bakit patuloy akong lumuluha.
Ikaw ang prinsipeng laman ng aking panaginip,
Ikaw ang prinsipeng mailap ngunit minsa'y aking nahagip.
Ikaw ang prinsipeng handang gawin ang lahat,
Ikaw ang prinsipeng iwawaksi ang pag-ibig na tapat.
Pag-ibig na hindi mo prayoridad,
Pag-ibig na kailanman di na matutumbasan kahit pa sa araw ako'y bumilad.
Sapagkat ikaw nga ay tuluyan ng nagdesisyon,
Tuluyan mong binitawan ang kamay kong nakakapit sa ating kahapon.
Nagpatuloy ka sa pagkamit ng pangarap mo,
Pangarap na akala ko kasama ako hanggang sa dulo.
Kung kaya't titigil na ako,
Titigil na ako sa kakaasa sa muling pagbabalik mo.
Titigil ako hindi dahil di ko kayang maghintay pa sa'yo,
Titigil ako sapagkat alam kong ang pangarap mo ay hindi na ako.
Hindi na ako ang babaeng nais na makasama mo,
Hindi na ako ang babaeng nagbibigay inspirasyon sa bawat pagbagsak mo.
Paano nga ba tayo humantong sa ganito?
Kailan ka pa kumawala sa pagkakahawak ko?
Bakit hindi ko namalayang mag-isa na pala ako sa laban na 'to?
Bakit hindi ko naramdamang nag-iba ang ikot ng mundo?
Nais ko sanang malaman kung bakit?
Nais kong matuldukan ang lahat ng pait.
Ngunit alam kong kailanman hindi mo ako sasagutin,
Sapagkat ako'y isang balakid na nakaraaan na nais mong limutin.
Puputulin ko ang lahat ng taling nagdudugtong sa atin,
Gugupitin at susunugin ko ang mga litratong hanggang ngayo'y nasa akin parin.
Kukunin ko ang mga abo nito,
Isasaboy ko sa bawat lugar na punong-puno ng ala-ala nating pareho.
Ipaaanod ko sa dagat ang mga gamit na binigay mo,
Ipaanod ko ang mga araw na lumuha ako dahil sa'yo.
Kakalimutan na kita ng tuluyan,
Igagapos ko ang mga tingin at kamay ko upang hindi na kita masubay-bayan.
Hindi ko na kayang pang manatili sa iisang lugar kasama mo,
Kung kaya't lilisanin ko ang lugar kung saan naging parte ka ng buhay ko.
Lahat ng makakapagpapaalala sa'yo ay aking buburahin,
Lahat ng damdamin na pinagsaluhan natin ay aking kikitilin.
Tuluyan na kitang papakawalan,
Ako ang magiging hudyat ng pagwawakas ng ating nakaraan.
Kung kaya't ngumiti ka na ng tuluyan,
Ngumiti ka sapagkat hindi na kita mapapatahan.
Hindi ko na mapupunasan ang mga luha sa mukha mo,
Hindi na kita mahahagkan upang iparamdam sa'yo na nasa tabi mo lang ako.
Na nasa tabi mo ako kahit pa talikuran ka ng mundo,
Sapagkat ikaw at ako'y hindi na muling magtatagpo.
Heto na ang huling tula sa taong hindi ko na kailanman makukuha,
Heto na ang huling tula sa lalaking minsa'y naging dahilan ng aking sigla't tuwa.
Heto na ang huling beses na sasabihin kong mahal kita,
Heto na ang huling beses na iiyak ako sa relasyon nating tapos na.
Hindi na kita ipaglalaban mula sa kanya,
Hindi na kita papipiliin sa kung sino ang gusto mong makasama.
Hindi na kita guguluhin sa araw-araw,
Hindi na kita hahayaang mapagmasdan ang mga mata kong mapanglaw.
Sapagkat ito'y tanda ng huling tula sa taong kailanman hindi ko na makukuha,
Hindi ko na makukuha sa kadahilang siya nga ay nakatali na ngayon sa iba.
BINABASA MO ANG
Unspoken Words
PoetryMga salitang gustong-gusto kong binatawan ngunit kailanman hindi ko nagawa. I'm hoping that one day, you'll realize how much I cared for you. Hoping that writing could take away all my pains and memories of you. Para sa mga nasaktan, patuloy na na...