Entry 10

139 1 0
                                    

Rule #10 Matuto kang maging palaban

Heto na naman, nag-uumpisa na naman tayong magbiruan,
Mga kilos at salitang nagpapahiwatig sa tunay na nararamdaman.
Ayan ka na naman,
Ngumingiti sakin nang makahulugan!
Ayan ka na naman,
Na laging nandiyan sa tuwing ika'y aking kailangan.
Heto na naman tayo,
Umaaktong tila mga bida sa kwento.
Lagi tayong magkasama,
Hatid-sundo araw-araw na walang sawa.
Heto na naman tayo,
Ngumingiti't tumatawa na para bang atin lamang ang mundo.
Heto na naman tayo,
Sumasabay sa pag-ikot ng mundo.
Sumasabay sa agos ng buhay,
Naglalakad na magkahawak ang kamay.
Heto na naman ako,
Umaasa na sana meron nga talagang tayo.
Na sana, mahal mo parin ako,
Na sana ginagawa mo 'to ng totoo.
Heto na naman ako,
Pilit kumakapit sa eksenang di na totoo.
Pilit kong pinanghahawakan ang emosyong nakikita ko,
Pilit kong pinapaniwalaan ang mga nakikita ng mga mata ko.
Heto na naman ako,
Paulit-ulit na nagpapatinaod sa daloy ng mundo.
Sa mundong aking binuo,
Kung saan pilit na binabalik ang tsyansyang naglaho.
Heto na naman ako,
Walang sawang tumititig sa larawan mo.
Larawan na mayroong napakatamis na ngiti,
Mga ngiting tila ba di nagkaroon ng pighati.
Heto na naman ako,
Nagpapadala sa eksenang kailanman di na magiging totoo.
Kailanman hindi mo na sasabihing, 'ikaw lang ang mahal ko'!
Heto na naman ako,
Pilit pinakakalma ang puso't isipan ko.
Pusong bumubulong na magpatuloy lang ako,
At isipang nagsusumigaw na gumising na ako!
Gumising mula sa panaginip ko,
At kumawala sa kahibangang 'to!
Heto na naman ako,
Walang sawang ngumingiti sa harap ng maraming tao.
Lalong lalo na sa harapan mo,
Para lang ikubli ang poot at pighating nararamdaman ko.
Heto na naman ako,
Paulit-ulit iniiyakan ang mga huling salitang binitawan mo.
Mga salitang yumanig at dumurog sa mundo't pagkatao ko,
Mga salitang, kailanman hindi ko naisip na masasabi mo.
"Nagmamahal na muli ako.",
Nagmamahal ka na muli ngunit hindi na ako.
Hindi na ako ang taong pinag-aalayan mo ng buhay mo,
Hindi na ako ang dahilan ng mga ngiti sa labi mo.
Hindi na ako ang dahilan sa kislap ng 'yong mga mata,
Hindi na ako ang nilalang na gusto mong maiharap sa dambana.
Tama na, tanggap ko ng hindi na ako,
At kailanman hinding-hindi na magiging ako.

Matuto kang lumaban, kung ayaw mong umuwing luhaan.

Unspoken WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon