Entry 22

19 2 0
                                    

Rule # 22 Hindi na ikaw ang paksa

Mahirap gumawa ng piyesa na hindi ikaw ang paksa,
Sinubukan ko ang lahat maniwala ka, hindi ko nga lang talaga kaya.
Hindi ko kayang hindi na ikaw ang aking paksa,
Hindi ko alam kung paano ako bubuo ng mga salita na hindi ka kasama.
Gusto ko na sanang umiba ng paksa,
Gusto kong maging masaya't may kulay ang aking mga tula.
Ngunit sa tuwing gagawa ako,
Nagiging magulo.
Nagugulo ko ang mga letra at sa huli ikaw na naman ang bida sa eksena,
Ikaw na naman ang paksa sa tulang aking ginagawa.
Hindi ko alam kung bakit,
Ngunit ikaw at ikaw parin kahit ako pa'y pumikit.
Ikaw ang nagiging tulay,
Upang mga letra't tugma ko ay magkaroon ng buhay.
Pilitin ko mang gumawa ng masayang tula,
Sa huli napupunta ako sa masalimuot nating ala-ala.
Ikaw ang tinta na nagpapabuhay sa aking obra,
Ngunit ikaw rin ang tinta na sumira sa aking pag-asa't tiwala.
Hindi ko alam kung bakit tayo humantong sa ganito,
Ang masasayang ala-ala ay bigla na lamang gumuho.
Gumuho na kahit pa anong gawin ko ay di ko na kaya pang mabuong muli ito,
Hindi ko kayang panatalihing buo kahit pa magpumilit ako.
Nakakatawa nga talaga,
Dahil ang pag-ibig mo ay hindi pwedeng mahulma.
Hindi pwedeng manatili,
At lalong hindi pwedeng maging akin muli.
Hindi na dapat ako nagpadala,
Sa mga salita mo't gawa.
Hindi na dapat ako umasa,
Na may lalakeng nanaising manatili sa akin sa tuwina.
Hindi na dapat kita sinagot,
Nang sa ganoon ay hindi ako nahihirapang makalimot.
Hindi na dapat tayo bumuo ng mga ala-ala,
Kung sa huli ay iiwan mo lang din pala ako ng mag-isa.
Hindi ka na dapat sa akin ay nagpakita,
Kung sa huli ay pipiliin mo lang din pala siya.
Hindi na dapat ako nagpakatanga,
Sa lalakeng hindi ko naman pwedeng makasama.
Hindi na dapat ako nagpatangay sa aking damdamin,
Hindi dapat ako humiling na sana ako'y iyo ring mahalin.
Hindi na dapat ako nagsayang ng oras,
Dahil mawawala din naman ako sa iyong landas.
Nakakatawa nga lang talaga,
Dahil kahit ano pang sabihin ko ay wala din namang kwenta.
Wala ng ikaw at ako,
Wala ng tayo sa mundong ito.
Nakakatawa hindi ba?
Ikaw ang nagpaintindi sa akin sa mga salita.
Ikaw ang gumabay sa aking mga obra,
Ikaw ang bukod tangi kong taga suporta.
Ikaw ang paksang nagpapakislap sa mga salita,
Pero sa huli ikaw din ang sumira.
Ikaw ang lumason sa ating mga ala-ala,
Ikaw ang umalis at nawalang bigla.
Ngunit ako ang paulit-ulit ginagambala ng iyong mukha,
Ako ang nanatili pero maya't-maya'y lumuluha.
At heto na naman ako,
Paulit-ulit na bumabagsak sa mga ala-ala mo.
Mga ala-alang di ko kayang burahin gamit ang mga salita ko,
Mga ala-alang di ko alam kung paano mapapahinto.
Mapahinto sa utak ko at tuluyang mabura sa puso ko,
Mabura upang hindi na lang puro ikaw at ako ang sinasambit ko.
Paanong hindi ikaw ang magiging paksa?
Kung sa bawat pahina ng libro ko ikaw ang naaalala.
Kung sa bawat pagbasa ko ikaw ang nagiging bida,
Kung sa bawat pagsulat ko yung ngiti mo ang siyang sa akin ay nagpapasigla.
Paanong hindi ikaw ang magiging paksa?
Kung kahit anong sabihin ko ikaw parin talaga.
Ikaw parin kahit na ano pa ang aking gawin,
Ikaw parin kahit paulit-ulit kong kitilin ang aking damdamin.
Kahit paulit-ulit kong sabihin na hindi ka na sa akin,
At hinding-hindi ka na magiging akin.
Paano ako magagawa ng obrang hindi ikaw ang paksa?
Kung sa bawat bukas ko ng cellphone ko,
Mukha't ngiti mo ang bubungad sa mga mata ko.
Kung sa bawat pagtipa ko,
Pangalan at mensahe mo ang pumapasok sa isipan ko.
Ang hirap gumawa ng tulang hindi ikaw ang paksa,
Hindi ko gusto pero nakakulong parin ako sa salitang 'tayo' parin talaga.
Maniwala ka, ginawa ko na talaga ang lahat,
Bawat minuto ay sinasabi kong di ka karapat-dapat.
Hindi na dapat pagtuunan ng pansin,
Hindi na dapat pag-asksayahan ng damdamin.
Hindi na dapat alalahin,
At hindi na dapat patuloy na mahalin.
Maniwala ka, gusto kong burahin ka sa aking gunita,
Gusto kong hindi na ikaw ang maging paksa sa aking mga obra.
Gusto kong tuluyang makawala sa ating mga ala-ala,
Gusto kong mamuhay muli ng mapayapa.
Ang tanging hinihiling ko lang ngayon ay sana,
Bukas makalawa hindi na ikaw ang paksa sa aking mga obra.
Hindi na ikaw ang paksa,
Kasabay ng realisasyon na hindi ikaw ang sa akin ay itinakda.

Unspoken WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon