Rule # 19 Nagsimula sa kamusta, natapos sa ayoko na.
Paano ko ba sisimulan?
Ang minsa'y matamis nating pag-iibigan?
Dapat ko bang simulan,
Kung pano tayo nag-umpisang magkamustahan?
Tama, doon nga tayo nag-umpisa,
Sa simpleng pagtipa mo sa salitang kamusta?
Kamusta na nagbigay sa akin ng pag-asa,
Na baka eto na nga talaga ang lalake na sa akin ay itinadhana.
Sa simpleng kamustahan,
Hanggang sa naging araw-araw na kwentuhan.
Napag-usapan na nga siguro natin lahat,
Hanggang sa mapunta tayo sa usaping sino ang karapat dapat.
Karapat dapat na mahalin,
Karapat dapat na pagtuunan ng pansin.
Tama, doon nga namuo,
Ang samu't-saring emosyong pwedeng maramdaman ng tao.
Lahat naman sa una masaya,
Dumating man ang mga problema magkasama natin itong nireresolba.
Ganyan tayo nagsimula,
Hanggang sa tila sunud-sunod na ang mga problema.
At ang masaya nating pag-sasama,
Ay napalitan na ng mga katanungang "kaya pa ba?"
Kaya pa ba nating magpatuloy?
Kung ang dating deretsyong sagot napalitan na ngayon ng paliguy-ligoy.
Akala ko normal lang talaga,
Na mag-away at magtanim ng galit sa isa't-isa.
Magkaroon man ng galit at tampo,
Di parin tayo mapapasuko.
Akala ko talaga pareho tayo ng pinaglalaban,
Akala ko para 'to sa ating pagmamahalan.
Para mas lalo tayong tumibay,
Na bukas makalawa mapapalitan din ng saya ang ating pag-aaway at pagkalumbay.
Pero nagkamali ako,
Dahil di ko namalayang matagal ka na nga palang bumitaw mula sa pagkakahawak ko.
Ang hirap magpatuloy ng ikaw na lang yung lumalaban,
Akala ko noon, ang ideyang 'yon ay walang katuturan.
Ngunit nagkamali na naman ako,
Dahil ikaw mismo na lalakeng iniibig ko ang siyang nagpakatotoo nito.
Ayoko na,
Tayo'y tumigil na.
Limang salita lang pala,
Ang magpapaguho sa ilang taon nating pagsasama.
Ayaw mo na nga pala,
Pero bakit kung kailan di ko na kaya?
Di ko na kayang iwan ka,
Kaya't bakit ka naman pabigla-bigla?
Bakit kung kailan naisugal ko na lahat,
Saka mo sasabihin sa akin na di na tayo karapat-dapat.
Ayoko na,
Kailangan ng matapos dahil hindi na maganda.
Hindi na maganda?
Hindi ko mapigilang sa'yo ay matawa!
Hindi na maganda,
Kaya ba sumuko ka na lang bigla?
Sumuko ng walang paalam,
Ni hindi mo nga napansin ang mata kong hilam!
Hilam sa luha at sakit na dulot mo,
Hilam sa mga katanungang, papano na ako?
Paano na ako magpapatuloy?
Kung puso't isipan ko tila sa'yo parin dumadaloy.
Maging ang mga salita ko't tugma,
Nagulong lahat ng bigla ka na lang nawala.
Hindi ko naisip na pwedeng makasira ang isang tinta,
Tama, tinuring kitang tinta na bumubuhay sa aking mga obra.
Kung kaya't di ko na alam kung anong dapat gawin,
Sa mga pira-pirasong obra na kailangan kong pagtagpi-tagpiin.
Mali nga palang ituring kang tinta,
Dahil sa oras na lumisan ka, ang mga obra ko'y tuluyan ding mawawala.
Isa kang mapanganib na tinta,
Mapanganib sapagkat may lason kang dala-dala.
Lasong sumira sa aking mga akda,
Lasong nagbigay dilim sa dati'y maliwanag kong obra.
Tama, dito nga tayo nagtapos,
Tila sa larong basketball, di man lang ako nakapuntos.
Tinangay mo sa akin ang lahat,
Dinurog mo pati ang puso kong natutong maging tapat.
Sana, hindi na lang ako nagpadala,
Sa emosyong pinaramdam mo na nawala naman bigla.
Tama, nag-umpisa nga talaga tayo sa kamusta,
Tama kang muli, dahil nagtapos tayo sa salitang ayoko na.
BINABASA MO ANG
Unspoken Words
PoesíaMga salitang gustong-gusto kong binatawan ngunit kailanman hindi ko nagawa. I'm hoping that one day, you'll realize how much I cared for you. Hoping that writing could take away all my pains and memories of you. Para sa mga nasaktan, patuloy na na...