Saknong 6

600 178 69
                                    

Kasing bilis ng kidlat ang pagbagsak ng mukha ko. Sa mga sandaling iyon, nakaawang ang aking bibig at ang aking mga mata'y nanlaki higit pa sa mauunat nito. Hindi ako makapag-isip ng mabuti maliban na lang sa gulat na nakarehistro sa utak ko.

Tinikom ko ang aking bibig at tinignan ang aking mga daliri bago sumulyap sa binatilyong kanina pa naghihintay sa tugon ko.

"Mauna na ho ako." 'yon na lamang ang lumabas sa aking bibig. Halata sa kaniyang mga mata ang pagkadismaya ngunit nanatili ang kaniyang ngisi. Nakakahiya, lalo na kay Jacinto. Kung anu-ano ang tinutukso ko sa kaniyang dahil akala ko siya 'yung nagpiyano ngunit mas nakakahiya sa kakambal niya dahil naexpose ako. 

Tulalang bumalik ako sa kusina upang tumulong sa mga gawain doon. Hindi pa tapos kumain sina Aling Conchita ngunit agad kong hinampas si Marisol sa braso kaya't nabulunan siya.

"Hindi mo sinabi sa akin na may kambal si Jacinto." 

"Hindi mo pa ba iyon alam? Tanyag ang pamilya nila kaya batid kong alam mo na." Hindi makapaniwalang tugon ni Marisol habang si Aling Conchita naman ay tila nababagabag sa kalagayan ng anak niya. Uuwi siguro siya mamaya.

"Ipapatigil ko ang pag-aaral mo sa Europa kaya dito ka muna manirahan. Hindi mo na kailangan alalahanin ang pag-aaral mo ng Ingles spagkat may nahanap akong guro dito." Usal ni Don Felipe.

Agad kaming nagsitakbuhan ni Marisol sa gilid ng pinto at inilapit ang aming tainga sa kahoy na pader habang alertong nakikinig. Ako ba ang gurong tinutukoy niya?

"Bakit po ama?" ani ng kambal ni Jacinto. Dahil mas malapit ako sa pinto nagpasya akong sumilip. Natanaw kong magkatabing nakaupo ang kambal at katapat naman nila si Don Felipe.

Napalingon ako kay Marisol nang kalabitin niya ako at bumulong. "Ipaghanda mo siya ng pagkain."

"Bakit ako?" Reklamo ko ngunit sinunod ko rin lang nang makitang matalim na nakatingin si Aling Conchita samin. Oo nga pala, hindi dapat namin pinapansin ang usapan nila. Ito kasing si Marisol, chismosa. Nahawa tuloy ako.

Hawak-hawak ko ang kubyertos kasama ang platong puno ng kanin at Adobo habang naglalakad papalapit sa hapag nila. Hindi ko nilingon ang magkapatid at si Don dahil na rin sa matinding hiya.

"Paroroon ako sa Cuba sa mga susunod na buwan. Kailangan ng taga-pamahala sa mansion at sa opisina. Ikaw sa mansion. Makisabay ka na kay Jacinto sa klase bukas ng hapon." Banggit ni Don Felipe. 

Sandali akong nagulat ngunit hindi ko na pinahalata, baka sabihan na naman akong chismosa. Kinuha ko ang pitsel at pinuno ng tubig ang kanilang baso.

"Papayag lamang ako diyan kapag kasama kong mag-aaral ang magandang binibini na ito." Ngisi niya sa akin. Banayad sa aking mukha ang pagkabigla ngunit inirapan ko na lang siya. Nagawa pang mambola, nakakainis. Kung alam niya lang na ako ang magtuturo, malilintikan sakin 'to.

"Susmaryosep! Siya ang iyong guro. Huwag mo nang tangkaing gumawa pa ng katarantaduhan na makdadagdag ng aking sakit sa ulo." Mahina ngunit madiin na sambit ni Don Felipe.

"Si Papito (Opo, ama)! Kahit hindi na po ako bumalik sa Europa. Mas nanaisin kong mag-aral basta ang binibining ito ang aking guro. Mas marami akong matututunan sa kaniya. Baka matuto pa akong magmahal. Hindi ba binibini?" Bola niya sabay kindat sa akin. 

Nakakainis. Ang presensya niya ay tulad ng isang langaw na hindi mo mahampas-hampas. Bawat salita, bawat paggalawa at bawat paghinga niya ay bumabagabag sa akin sa hindi magandang paraan.

"Hatdog." Tugon ko habang pinipigilan ang sariling magalit. Kahit magkamukha sila ni Jacinto at parehas na may taglay na kagwapuhan, parehas din silang may nakakainis na ugali. Nakakasukang tignan ang mapanuksong binatilyo mula sa unang hibla ng buhok niya hanggang sa dulo ng kaniyang mga paa. Samantalang, naiirita naman ako sa pagkamasungit ni Jacinto pero kahit papaano may puso siya kahit kaunti.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon