Saknong 21

279 86 1
                                    

Ang nakakaduwal na amoy ng lason mula sa katawan ni Don Felipe na kumukumot sa ere ng silid na ito ay nakakasakal na samyo. Bahagyang naningkit ang aking mga talukap at napatakip ng ilong.

"Sorry Don Felipe, sumalangit ka nawa," mahinang sambit ko at nilagpasan siya.

Mula sa kaniyang aparador, kumuha ako ng pantalon, sinturon, manggas at talukbong saka sinuot iyon upang magmukhang lalaki. Masyadong malaki ang kaniyang pantalon at sumasayad ito sa lupa kaya tinupi ko iyon upang sumakto sa aking talampakan. Maging ang kaniyang manggas ay malaki.

Binulsa ko na rin ang balisong. Ito ang pinakahuling bilin ni Jacinto bago masagawa ang plano.

Bago lumabas sa silid, sinulyapan ko muli si Don. Mga bagting ng lubid ng mga eksena ng kamatayan niya ay nanghihila sa aking mga paa palabas ng silid patungo sa bakuran kung saan kami magtatagpo nina Marisol at Sergio.

Kumawala ako ng malakas na buntong hininga na hindi ko namalayang kanina ko pa pinanghahawakan.

Hindi nakatutulong ang malakas na hangin na sumasampal sa akin sa pagtatanggal sa aking kaisipan tungkol sa mga napatay ko. Higit sa lahat, ang hangin ng haciendang Montemayor ang saksi ng buong pangyayari sa pagkitil ko sa buhay ng dalawang tao at kahit anomang gawin kong pagtakas, lagi akong lalamunin ng pagkakasala dala ng hangin.

Nanunuyo ang aking lalamunan at kung minsan ay nahihilo ako. Hindi ko inaasahang makakagawa ako ng mga ganito alang-alang sa aking gitara.

Malagim ang gabi sa likod na bahagi ng mansion. Nararamdaman ko ang marahang paggalaw ng mga kaanib ng samahan. Ang bawat pagkalikot at kuslot ng mga armas ay nararamdaman at naririnig ng aking balat kahit gaano man sila kalayo dahil sa katahimikan ng lugar.

Sa mas kailaliman ng gubat sinalubong ako nina Marisol at Sergio na may takip sa kanilang mga mukha. Nakasuot ng panlalaki si Marisol at ang buhok ay natatakpan ng kaniyang salakot. Inabutan ako ni Marisol ng tela panakpan sa mukha ko.

Tumango silang dalawa sa akin at aming tinahak ang daan papunta sa tanggapan ng Gobernadorcillo. Sa mga oras na ito, sinususian na dapat ng kambal ang mga kandado.

Mahamog ang daan na may kaakibat ng maliliit na tubig kaya parang umaambon. Isabay na ang  malakas na hangin kasalungat sa aming direksyon.

Mas lalo akong kumapit sa aking talukbong habang nakikisabay sa lakad nila. Pawang puti lamang ang aming nakikita sa malayo kaya naging maingat na lamang kami dahil baka makasalubong kami ng mga kawal.

Sandali kaming natigil nang makarinig ng mga sunod-sunod na alulong ng mga aso, "Magpatuloy tayo," ani ni Sergio.

Pinagpatuloy na namin ang aming lakad ngunit sa ngayon, mas lalo akong humawak sa balisong sa aking bulsa. Nanlalamig ang aking kamay at nanginginig na nakahawak sa malamig na metal ng balisong.

Bawat hakbang ay lumalakas ang aking kumpiyansa laban sa hangin. Mga kalamnan (muscles) sa aking katawan na nagtatrabaho ng mas higit pa lalo na sa aking hita. Sariwang sinasalubong ito ng aking balat na siyang naghuhulma ng bandila sa aking damit at balahibo.

Nakarating kami sa halamanan sa likurang bahagi ng tanggapan ng Gobernadorcillo. At mula roon natatanaw namin ang mga kasamahan na nakasukbit ang pana at palaso habang hinihintay ang kambal sa pagkilos.

Tumingin ako sa malaking orasan ng simbahan. Pasado alas dos na ng madaling araw. 

Sa hindi kalayuan, natatanaw ang mga kawal at guardia civil na natutulog habang nakatayo palibot ng tanggapan. May ilan naman na inaantok na umiinom ng kape sa malamig na araw na ito. May mga ilan naman na nakasandal na sa kanilang mga upuan, natutulog.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon