Saknong 20

281 90 2
                                    


"Mag-iingat ka," Bilin ko kay Marisol bago siya umalis ng mansion. Mayroon siyang isang oras para kunin ang lason kay Elena, kung hindi niya iyon magagawa baka madawit kami. 

Sabi ni Jacinto kagabi, alas dose ng hatinggabi raw babalik si Don dahil makikihapunan raw ito kina Don Miguel. Parte rin ito ng plano, pinilit ni Elena ang kaniyang ama na dumaos ng hapunan kasama sina Don Felipe at Jacinto upang maisagawa ng maayos ang plano.

Sumilip ako sa bintana at nakita kong mabilis na naglalakad si Marisol palayo. Si Sergio naman ay inaabangan ang pag-sakay nina Don Felipe at Jacinto.

"Ayang, iyong bantayan ang mansion. Aalis kami ni Jacinto. Kapag nalaman kong may nawalang kagamitan, sayo ko iyon ibibintang. Entiendes (Naintindihan)?"

"O-opo D-don Felipe," tugon ko habang nakayuko.

Naglakad na palabas ang mag-ama ngunit bago ko isarado ang pinto nakita kong sumulyap sa akin si Jacinto at tumango, maging si Sergio ay napatingin sa akin. Tinanguan ko sila pabalik at mabilis na sinara ang pinto.

Huminga ako ng malalim saka umupo sa sala habang kinakalikot ang aking mga daliri. Ang kailangan ko lang gawin ay ang maghintay.

Nagtungo ako sa aking kwarto at kinuha ang aking kwaderno saka nagsimulang iguhit ang buong bayan. Nilagay ko rin kung saan pwepwesto ang bawat pangkat ng samahan. Ang napag-usapan, matapos kong lasunin si Don Felipe dapat aalis kami agad nina Marisol at Sergio upang hindi kami pagbintangan. 

Isang tao lang naman ang kilala naming magsasampa ng kaso sa oras na mamatay si Don Felipe, iyon ay si Don Miguel ngunit ipalalabas daw nila na sa hapunan malalason si Don Felipe. Ang kinalalabasan ay si Don Miguel o ang katulong ng pamilya nila ang makakasuhan. Dahil sa antas ni Don Miguel, malabong mangyaring siya ang makukulong.

Ginuhitan ko ang rotang dadaanan namin sa pagtakas mula sa mansion patungo sa tanggapan ng Gobernadorcillo kung saan iiwasan namin ang mga guardia civil na umiikot.

Mula sa ilalim ng aking kama, kinuha ko ang balisong na binigay sa akin ni Jacinto kagabi. Hindi ko alam gumamit nito pero kakayanin. Kung may youtube lang sana, isesearch ko 'How to use a butterfly knife' pero walang internet at walang phone kaya mamaya ko ito matututunang gamitin kapag sumabak na kami.

Ang pawang tinuro lang sa akin ni Jacinto kagabi ay kung paano buksan at isara ang balisong. Nakailang ulit ako hanggang sa makuha ko iyon at sa kabutihang palad hindi ako nasugatan. Nilapag ko ulit sa mesa ang balisong saka binalik ang aking kuwaderno sa ilalim ng kama.

Nagtungo ako ulit sa sala at inabangan ang pagdating ni Marisol, malapit nang mag-isang oras simula nang umalis siya. 

'Di kalaunan, nabaling ang aking tingin sa malaking bintana sa aking tapat, malapit sa salamin. Parang may mali sa bintanang iyon.

Lumapit ako roon at isasara sana nang may tumalon na nakasalakot at nakasuot ng itim na talukbong habang nakatutok sa akin ang matulis na kutsilyo. Hindi ko maaninag ang itsura niya dahil nakatakip ang kaniyang mukha ng tela maliban sa mata.

"Mamatay ka muna bago mo makuha gitara mo!" Sigaw ng lalaki at akmang isasaksak sa akin ang kutsilyo ngunit mabilis akong yumuko at tinulak siya pababa sa sahig.

Tatakbo na sana ako nang hawakan niya ang aking paa at sinaksak sa aking hita ang kutsilyo. Napahiyaw ako sa sakit at bahagyang napaluhod. Agad kong tinanggal ang kutsilyo at sinaksak sa braso ng lalaki kaya nabitawan niya ako.

Saglitan akong nakarinig ng nota na parang umaalingawngaw sa buong bayan ngunit agad ring nawala kaya winasik ko sa aking isipan iyon at pinagtuunan ko na lang ng pansin itong kaganapan sa loob ng mansion kung saan malapit akong mamatay.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon