Saknong 12

455 157 15
                                    


Ilang linggo na ang nakalipas, nagpatuloy ang usapan ng pamilya Esperanza at Montemayor tungkol sa kasal nina Elena at Jacinto. Nang dahil sa labis na pagpunta rito ni Elena sa mansion, mas napalapit kami ni Marisol sa kaniya at higit pa roon naging magkakaibigan kami.

"Nasasabik na ako sa tipanan namin ni Jacinto bukas." Magiliw na usal ni Elena habang pumapaypay sa berdeng abaniko.

"Bakit ika'y aligagang-aligaga? Napupusuhan mo ba siya?" Nangungutyang tanong ni Marisol. Nandito kami ngayon sa azotea ng mansion ng pamilya Montemayor. Inanyayahan ni Don Felipe ang pamilya Esperanza rito upang pag-usapan muli ang kasal. 

Niyaya naman kami ni Elena magkwentuhan dito sapagkat abala pa si Jacinto sa kaniyang mga gawain. Kami lang raw ang kaniyang kaibigan sapagka't hindi niya ibig sa mga dalaga roon sa beateryo. Masyado raw mapagmataas. Natatanaw mula rito sa itaas ang palengke, plaza at simbahan. Sariwang-sariwa rin ang hangin kaya maganda talagang tumambay rito.

"Ilihim lang natin ito. Sa katunayan, walong taon na akong umiibig sa kaniya kaya lubos na pasasalamat ko sa aking ama na pinagkasundo niya kami ni Jacinto kay Gobernadorcillo Felipe." 

Nagsimulang magtakip ng bibig si Elena habang kinikilig samantalang nakangiti lang kami ni Marisol. Hindi na kami nagulat dahil nahalata na namin ito sa kaniya noon pa. Hindi na rin ako inaasar ni Marisol kay Jacinto dahil ikakasal na siya.

"Umamin ka na ba?" tanong ko sabay ngiti. Hindi ko alam pero nawawalan ako ng gana kapag ito ang usapan kaya nakikisakay na lang ako sa kanilang dalawa.

"Hindi pa ngunit ako'y nagpapanukalang umamin bukas ng umaga. Sa tabi ng ilog kung saan makikita ang paglubog ng araw. Nawa'y ipagdasal niyong magtagumpay ako." 

Napansin ko na ang pagkatao ni Elena ay unti-unting lumalabas habang patagal ng patagal ang pagsasama naming tatlo. Ang kaniyang mga emosyon ay madaling makita sa kaniyang inosenteng mukha. 

Sa tuwing tinitignan ko siya sa mata, alam ko na hindi matatalo ng lahat ng magagandang bagay sa uniberso ang kaniyang pagnanasa. Ang pagnanasang makamit si Jacinto ay ang hudyat ng pag-alab ng kaniyang mga mata. At sa mga matang iyon, nababasa ko na handa siyang lumaban hanggang sa pinakahuling luha nito.

"Sa ganda mong iyan tiyak na hindi tatanggi si Señor Jacinto!" Pagsasang-ayon ni Marisol. 

"Ikaw ba Ayang? Sa iyong palagay, gusto rin ba ako ni Jacinto?" 

Napaghandaan ko na ang isasagot ko sa tanong na 'yan. Dapat lamang na sumang-ayon ako dahil isa na rin si Elena sa taong maasahan ko sa pagkuha ng aking gitara. Kapag mag-iibigan na sila ni Jacinto, maaaring niya itong pakiusapan tungkol sa gitara ko at siguradong hindi siya tatanggi.

"Uhm oo naman. Bagay na bagay kayo. Parehas kayong mayaman kaya walang tutol sa relasyon niyo." sambit ko sa tonong may matinding emosyon at pagkukumbinsi. 

"Paumanhin mga binibini, hindi ko ibig makagamba--"

Natigil kami sa pinanggalingang boses mula sa likod. Nakabarong siya na kulay asul at may nakasukbit na salakot sa kaniyang likod. 

"Jacinto! Ikaw ba ay naparito para pag-usapan ang ating tipanan?" Tumayo si Elena at iwinasik ang kaniyang pamaypay. Pinungay pa niya ang kaniyang mga mata at nilagay sa likod ng kaniyang tainga ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa kaniyang mukha.

"Ako si Clemente, pasensya na magandang binibini ngunit hindi ikaw ang aking sadya. Nais ko rin kayong makausap ngunit may importante akong sasabihin kay Ayang."

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon