Saknong 18

308 91 10
                                    

Naririnig ko sila mula sa kusina, sumisigaw ng kagalakan at mga paa'y walang tigil sa kalalakad. Nang hindi tumitingin, nararamdaman ko ang malawak na ngiti nina Don Miguel at Don Felipe habang umiinom ng serbesa at bumubungisngis sa pag-anunsyo ng nalalapit na pag-iisang dibdib ng kanilang mga anak.

"Ngayong ika-bente ng Abril, malugod naming ipinapahayag nina Don Miguel at Doña Julia ang engrandeng kasal nina Jacinto Montemayor at Elena Esperanza sa ika-unang araw ng Agusto. Inaanyayahan namin lahat ng mamamayan ng Caloocan na makilahok sa pagdaraos na ito."

"Lubos na pasasalamat naming dumalo kayong lahat sa pagdiriwang na ito. Nawa'y naroroon din kayo sa kaabang-abang na kasal. Tagay para kay Elena at Jacinto. Las aclamaciones (Cheers)!"

Umalingawngaw sa buong mansion ang palakpakan at hiyawan ng mga bisita. Pati ang mga bata'y natigil sa takbuhan dahil sa malalakas na palakpak.

Lumabas ako sa kusina nang matapos ang aking mga gawain at naging isa sa mga bisita. Tanaw na tanaw sa malaking espasyo ng ikalawang palapag sina Don Felipe, Don Miguel, Doña Julia at Ate Elmira.

Sa kanilang gilid, nakakapit si Elena sa bisig ni Jacinto na ngayo'y tuwang-tuwa sa kaganapan dito sa mansion.

Bagamat sila ang bida sa pagdiriwang ito, hindi pahuhuli ang kainan na siyang tunay na hinihintay ng karamihan. Punong-puno ang mahabang talahanayan ng mga lamesa ng mga iba't ibang uri ng mga putahe na aming niluto. Lahat ng maaari mong maisip na ulam ay naririto.

Mapa-dukha man o mayaman, lahat ay nakapila at naglalaway sa mga inihaw na baka, manok, baboy at kambing. Mga nilalang pandagat ay nagsisituluan at nakalubog sa maanghang na sarsa. Hindi rin mabilang ang keso, tinapay, gulay, palamis at serbesa. Dagdag pa ang malaking pinggan puno ng masasarap na prutas.

"Sila'y magkakabata kaya hindi na ako nagulat sa nalalapit na kasalanan."

"Siyang tunay ngunit ako'y nasasayangan sapagkat isang gwapong nilalang ang ikakasal na. Nawa'y kay Ginoong Clemente ako mabiyayaan."

"Huwag kang pakampante. Sa akin lamang si Ginoong Clemente. Kami'y magkasuyo buong gabi sa bahay aliwan."

"Mahabagin."

Usapan ng grupo ng mga kababaihan sa aking tabi. Ngayon ko lang naalala na hindi pa pala umuuwi rito sa mansion si Clemente buhat ng panenermon ni Don Felipe.

Sumulyap ako muli sa itaas at aking nakita ang pagngiti ni Jacinto nang bumulong si Elena ngunit nawala iyon nang ibinaling niya ang kaniyang tingin sa akin.

Ang batis ay dumadaloy tulad ng oras at panahon,

palaging pasulong, palaging patungo sa kapalaran nito

Aatras lamang ang pagdaloy sa oras na

tinugtog ang melodiya ng mahiwagang gitara

"Sino sa tingin mo ang tinutukoy rito?" Alam na rin siguro niya na ako iyon.

Halata naman na ako ang tinutukoy dahil nagtime travel ako. Ibig sabihin umatras na ang pagdaloy ng batis. Ang melodiyang tinugtog ko noon at ang aking gitara ang dahilan kung bakit ako nandito. Bukod pa roon, nakakakilabot talaga si Manong na nagtitinda.

"Bagamat maraming manunugtog ng gitara, si Elena ang parati kong nakikitang tumutugtog malapit sa batis. Maaaring siya iyon." wika ni Jacinto

What? Hindi makapaniwalang inangat ko ang aking tingin sa kaniya. Hindi ba ako ang tinutukoy sa tapyas na bato?

"Ano ang nakasulat sa kastila?"

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon