Saknong 36

311 28 0
                                    

Unti-unti akong nagising sa maingay na paulit-ulit na pugak (beep) ng isang bagay sa aking tabi at ang pamilyar na amoy ng mga gamot. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata at tanging puting kisame lang ang nakikita ko.

Marahan akong napatingin sa kanan. May malaking bintana na gawa sa salamin na siyang nagbibigay liwanag sa silid na ito. Sa kaliwa ko naman ay may mga kawad (wires) na nakakonekta sa malaking monitor kung saan ko naririnig ang mga pugak.

Ang mga pader dito ay simpleng puti, hindi nagbabalat o marumi, puti lamang. Walang palamuti kahit na isa. Sa mesa ay may dispenser, guwantes, hand sanitizer at sabon. 

Ilang sandali, bumukas ang pinto ng silid na kinaroroonan ko. May pumasok na nars, ngunit nanlaki ang mga mata nang makita ako.

Kumaripas siya ng takbo palabas at 'di kalaunan ay tatlo na silang pumasok.

Ang doktora ay may pustura ng isang sundalo. Bawat aksyon na kanyang ginawa ay tumpak at may layunin. Ngumiti siya sa malamig at sa paraan ng mga propesyonal. Ang kanyang mga mata ay walang anumang kolorete at ang kanyang buhok ay nasa isang mahigpit na tali.

Sa pamamagitan ng pagsusuri niya sa akin ay nagbigay siya ng mga utos sa mga nars. Nang matapos ang pag-susuri sa aking katawan, nagtanong sila sa aking kalagayan. Sinagot ko naman sila ng tunay. 

"Ano po bang nangyari sa akin? Bakit ako nandito?" tanong ko sa kanila habang kinukuhanan ako ng blood pressure.

Panandalian akong tinignan ng doktora at bumalik ulit sa pagbabasa niya ng blood pressure, "Sinugod ka ng ambulansya kahapon kasi muntik ka na raw masagasaan."

Mabilis na kumunot ang noo ko sa sinabi ng doktora, "Masagasaan?"

"Oo, mabuti na lamang at hindi malala ang natamo mo."

Pinilit kong magbalik tanaw sa mga pangyayari. Wala akong maalala na malapit na akong masagasaan. Ang naalala ko lang ay ang halik namin ni Jacinto.

Agad nanlaki ang aking mga mata. Hinawakan ko ang aking mga labi nang maalala iyon. Nakabalik na ba ako?

"Anong araw na po ngayon?" Lumingon ako sa isang nars na nilabas ang kaniyang phone. Sa phone pa lamang, nakumpirma ko na. Lalo na sa mga bagay na nakikita ko sa silid na ito.

"June 10," tugon niya.

"Anong year po?" Tinanggal ng doktora ang kuhanan ng blood pressure sa aking braso.

"2020 ading. Mukhang maayos ka naman. Magpahinga ka muna at bukas ay makakaalis ka na. Magpapadala kami ng mga pagkain mo. Pagaling ka." Ngumiti ang doktora sa akin at tuluyang umalis ng silid kasama ang dalawang nars.

Lumipas ang ilang matatagal na mga oras ang tanging ginawa ko ay umidlip. Kapag nagigsing ako, aligagang-aligaga ako at madalas kinakalikot ang aking mga daliri hanggang sa magkasugat.

Maya't maya pumasok ang nars at binuksan ang TV. Nilapag ng nars ang pagkain at tubig sa mesa saka umalis.

Nabaling ang tingin ko sa balitang pinapalabas sa TV.

Kita sa cctv, ang aksidenteng nangyari sa Caloocan City na animo'y may dalawang naglalapitang truck. Samantala, patawid na ang dalagang may hawak na gitara at sa mabuting palad ay naitulak siya ng isang binata. Sa ngayon, nasa ospital ang dalawa... 


Napa-upo ako agad nang mapagtantong ako iyong babaeng pinapakita sa TV. Tinanggal ko agad ang kumot at umalis sa kama nang nakapaa at nakasuot ng hospital gown lang.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon