Saknong 14

414 138 13
                                    

"Ayang! Sabay na tayo pumunta sa plaza." Nasasabik na aya ni Marisol sa akin.

Katatapos lang namin maglinis ng bodega gaya ng iniutos ni Clemente bago umalis muli ng mansion. Nagpapahinga kami ngayon sa aking kwarto. Ang natanggap kong liham mula sa kaniya kahapon ay ang tanging ugnayan namin sa loob ng halos isang buwan kaya hindi ko batid kung anong balak niya mamaya. Baka may mahalagang iaanunsyo sa mga taumbayan.

"Nakatanggap ka rin ba ng liham?"

"Liham? Inanyayahan lamang ako ni Señor Clemente. Halina malapit na mag alas singko."

Sinuot ko na ang aking pañuelo at pinusod ang aking buhok bago sumunod kay Marisol sa labas. Nagpaalam na ako kay Aling Conchita at masayang lumabas ng mansion. 

Nandito kami sa tarangkahan ng mansion habang hinihintay si Sergio dahil inanyayahan din siya. Ilang sandali nakarinig kami ng mga hakbang ng kabayo at pag-usad ng kalesa sa di kalayuan. Nang makalapit ito ay pinarada ni Sergio ang kalesa sa gilid at bumaba.

"Ayang ang ginoo ay papalapit." Bulong ni Marisol at hinawakan ako ng mahigpit sa braso habang pinipigilan ang kaniyang kilig.

"Itulak mo ako. Ayang, itulak mo ako." 

Madiin pa na bulong niya at napakagat pa ito ng labi. Hindi ko alam kung seryoso siya o hindi ngunit dalawang beses niya ito inulit kaya hinintay ko ang tamang tiyempo.

Nakangiting naglalakad palapit si Sergio samantalang kapit na kapit naman si Marisol sa akin. Ilang hakbang na lamang ni Sergio ang kailangan upang sakto lamang ang aking pagtulak ngunit huminto na si Sergio mga dalawang metro ang layo sa amin kaya malakas kong tinulak si Marisol at napakapit siya sa bisig ni Sergio. 

"P-paumanhin ginoo." Mahinang usal ni Marisol at pinagpagan ang kaniyang saya bago mabilis na tumakbo papunta sa akin. "Ayang, napalakas ang pagtulak mo!" 

"Iyo namang nagustuhan? Ano nahawakan mo ba?" Asar ko habang siya'y namumula sa inis at kilig. Sumulyap muna siya kay Sergio na ngayo'y namumula na rin. Lumapit siya sa aking tainga at bumulong "Oo, kasing tigas nga ng kahoy na kaniyang sinisibak."

Nagsigawan kaming dalawa ngunit nagambala nang tumikhim si Sergio. "Paumanhin mga binibini ngunit tayo'y humayo na."

Inalalayan niya kami ni Marisol at nagsimulang patakbuhin ang kabayo. Sa lahat ng mga lugar na nadaanan namin, mapa-simbahan, kainan, palengke o munisipyo, ay kapansin-pansin na dumoble ang bilang ng mga taong naglilibot sa bayan. Maaaring pinaunlakan ni Clemente ang mga tao na magtungo sa plaza.

Naagaw ng aking atensyon ang grupo ng mga batang naglalaro ng taguan sa tabi ng kalsada. Sa tagal kong dumadaan sa kalsadang ito, ngayon ko lamang sila nakita ngunit masaya akong naging maluwag at malaya ang bayang ito simula nang umalis ang Gobernadorcillo.

"Mga binibini, nababatid niyo ba kung bakit kalesa ang pangunahing sasakyan dito sa Pilipinas?" Tanong ni Sergio nang saglitan siyang lumingon sa amin at tumingin ulit sa daan.

"Bakit ginoo?" Kinikilig na ani ni Marisol. Sa halip na sagutin niya ang tanong, kumanta si Sergio na siyang nagpalaki ng aking mga mata.

Kalesa'y may pang-akit na taglay

Maginhawa't di maalinsangan

Nakahahalina kung pagmasdan

Kalesa ay pambayang sasakyan


Bagamat maganda ang kaniyang boses, nakakagulat na nagawa niyang labagin ang batas. Dagdag pa na nandito kami sa bayan. Kahit wala si Don Felipe ay baka ipakulong siya ni Jacinto.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon