Saknong 31

199 23 3
                                    

Tatlong araw na ang nakalipas simula nang nakitira kami kina nay Neng. Sinubukang kausapin ni Jacinto ang kaniyang ama sa hindi pagpapatuloy ng kasal, ngunit lubos na ang pagkamuhui ni Don Felipe sa kaniya.

Sa sobrang pagkamuhi, pinag-empake pa siya at hindi na pinabalik pa. Hindi na rin siya nagpasyang pumunta kina Elena. Doon ko na siya naramdamang gumuho ang mundo niya at wala siyang magawa kundi titigan ang pagbulusok pababa ng buhay niya.

May parte sa akin na parang kasalanan ko. Hindi niya man sabihin sa akin ang mga nasa isip niya, nararamdaman kong malungkot siya at parang walang magawa.

Nandito kami malapit sa bintana. Magkatabing nakaupo habang nakatingin sa maaliwalas na hapong kalangitan. Maaliwas subalit makulimlim sa amin.

"Ano ang paborito mong parte sa musika?" Humarap ako sa kaniya habang hawak-hawak ang isa pang kopya ng Balada ng Gunita na sinulat niya kahapon.

Nanatiling nakatingin siya sa kalangitan kaya mas hinangaan ko ang mahahaba niyang pilik mata.

"Ang doble barra," humarap siya sa akin at tinignan ang hawak kong kopya ng Balada ng Gunita.

Kumunot ang noo ko at tinignan ang doble barra na nasa pinakadulo ng music sheet, "Bakit?"

Humarap ulit siya sa asul na kalangitan na parang nagbibigay musika sa kakaibang paraan. Nagbibigay ang kalangitan ng mahinahon na tiyempo na sumasangguni sa ritmo ng mga ibon sa mga punong tabi-tabi.

Pinikit ko ang aking mga mata at inisip ang imitasyon ng kalangitan sa aming kaluluwa upang lumipad ng malaya at kumawala sa hinagpis ng totoong mundo.

"Kasi naniniwala ako na ang isang musikang pilyego (music sheet) ay sumasalamin sa isang kabanata ng buhay ng isang tao. May mga pagkakataong masaya at magaan, ngunit may pagkakataong kailangang tugtugin ang piyesa sa paraang matindi ang emosyon."

Sumandal si Jacinto sa kahuyang gilid ng bintana, "Ang doble barra naman ay sumisimbolo sa katapusan ng kabantang iyon. Paborito ko iyon dahil kahit gaano kahirap at kaganda ang buhay, naroon ang doble barra upang tapusin lahat at magbukang liwayway sa panibagong kabanata ng ating buhay."

Humulma ng 'o' ang aking bibig at napatango. Masyadong malalim, may pinanghuhugutan yata 'to. Binuksan ko ang aking mga mata at humalukipkip sa gilid ng bintana, "Edi ako ang doble barra mo?"

"Hindi," dere-deretso niyang sagot. Bumusangot ako sa kaniya at nilabas ang aking kamay sa bintana upang namnamin ang sariwang hangin.

Narinig ko ang marahang pagtawa niya sa gilid, "Bakit ganyan ang iyong mukha?"

Nang-aasar na inirapan ko siya at hindi siya tinignan, "Sabi mo hindi ako ang doble barra mo."

"Hindi nga," mas lalong lumawak ang ngisi niya at parang lahat ng problema ya pansamantalang nakalimutan, "Ikaw ang mga notang bumubuo sa buhay ko."

Mas lalo akong napatawa roon, "Corny mo."

"Korni?" nagtataka niya akong tinignan ngunit hinayaan na niya rin, "Baka Ingles na naman iyon."

Natahimik kami ng ilang sandali at ninamnam ang sandaling magkatabi kami habang nakatingin sa itaas.

"Naging masama ba ang iyong ama dahil napatay inay niyo noon sa tiyatro?" pag-uusisa ko kay Jacinto. Tumango naman siya at medyo nakapikit na sa antok.

"Hinanap kita matapos niyon. Hindi na kita nakita sa likod ng entablado. Hinila na rin ako ni ama palayo. Pati ang gitara nawawala noong oras na iyon. Kahit saang lupalop ng mundo, umaasa akong makita ka ngunit nabigo ako. Ngayon ko lang din nalaman na ang gitarang pinasubasta ay ang gitara ni Clemente na binigay sayo noon," tuluyan na niyang pinikit ang mga mata niya at sumandal sa gilid, "Noong una, nanghihinala ako na baka ikaw ang matagal ko nang hinahanap kaya hangga't maaari ay malapit lang ako sayo. Kaya ko sinabi kay ama na magkatulong ka."

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon