Saknong 29

236 27 4
                                    

Tumayo kami sa harap ng libingan. Nakayuko ang lahat.

Marahil ay dahil sa pagpapakita nila ng respeto o baka dahil sa labis na takot. Ang kabaong ay hinugot ng anim na malalakas na kalalakihan mula sa kotse, lahat ay may suot na itim na mano.

Tumahimik ang lahat nang pinwesto ang kabaong sa malaking hukay. Nauuga itong dinala roon at dahan-dahang inilapag.

Ang kabaong ay kulay puti na nabahiran ng pula. Makintab itong nakalapag sa pinakaharap kung saan may magagandang mga bulaklak na nakatayo sa gilid.

Ang kabaong ay may isang unan at malasutla na tela. Tila inaanyayahan ang sinumang humiga roon at matulog. Masarap malaman na kahit papaano ay nagpapahinga si papa sa isang komportableng lugar.

Hinawakan ko ang nanginginig na kamay ni mama buong oras. Pinahid niya ang luha sa kanyang manggas at pinatong ang kaniyang braso sa balikat ko.

Mabagal nilang binaba ang kabaong at doon na bumalik ang lahat ng mga alaala na parang isang alon. Ang mukha ni papa sa aking alaala ay tila buhay at masaya at hindi ko maiwasang magtaka kung ano ang hitsura niya sa ilalim ng nakasarang kabaong.

Blanko akong tumingin doon na umaasang may isang himala na mangyayari at siya ay babangon muli at babalik sa mundo, bumalik sa amin. Ngunit walang nangyari. Wala na siya.

Katorse anyos pa lang ako at nawalan na ako ng ama. Pumatak ang ilang butil ng mga luha ko habang pababa ng pababa ang kabaong.

Naririnig ko ang pagsinghot ni mama at ang ilan naming mga kamag-anak. 

Cardiac arrest daw kinamatay ni papa. Nagtatrabaho siya sa mamahaling kainan kung saan tumutugtog siya. Tinawagan na lamang kami ng nagmamay-ari ng kainan na natumba si papa habang tumutugtog.

Mabilis na nangyari ang lahat matapos niyon Nagtungo kami sa ospital, ngunit pagdating namin ay dineklarang patay na. At ngayon, narito na kami upang ilibing siya.

Nakakabaliw kung paano ang mga bagay ay maaaring maging baligtad. Araw-araw ko siyang nakikita at bigla na lamang mawawala.

Tuluyan nang lumubog ang kabaong at sinisimulan nang tabunan ito ng lupa. Mas lalo akong humalukipkip sa bisig ni mama at binuhos ang aking mga luha.

Sobrang bagal mapuno ang lupa kaya't mas umalon ang mga alaala ko tungkol kay papa. Lahat ng mga tao rito ay may mga alaala rin sa kaniya at masakit din para sa kanila na wala na siya, ngunit mas masakit para sa amin ni mama.

Nakakasilaw ang sinag ng araw ngayon ngunit nakakalungkot ang eksenang dinadanas namin ngayon. Nagdidiwang siguro ang kalangitan para sa isang mabuting kaluluwa kaya ganito kaaliwalas ang panahon.

Humiwalay ako nang yakap kay mama nang mapuno ang lupang tinabunan. Nilagyan na rin nila ito ng lapida at unti-unting umaalis na ang ibang mga nakiramay hanggang sa kaming dalawa na lang ni mama ang natitira.

"Alis na tayo Adelia, bisitahin na lang ulit natin bukas." Hinawakan ni mama ang kamay ko at mabagal kaming umalis sa puntod.

Hawak-hawak lang ni mama ang kamay ko hanggang sa makasakay kami ng dyip. Sinuot niya ang kaniyang salamin na kulay itim upang takpan ang namamaga niyang mata.

Bagamat siksikan sa dyip, napakalayo ng aming presenya at isip sa mga tao. Karaniwan, kakausapin ni mama ang mga katabi niya sa dyip ngunit ngayon ay tahimik siya.

"Para," ani ni mama at kinatok ang itaas ng dyip. Ang kaniyang boses ay malakas ngunit napipiyok.

Hinila niya ako pababa ng dyip. Pinunasan ko ang ilang tuyong luha na meron sa akin at naglakad sa canto patungo sa bahay.

Vintage Melody ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon