Ikasampung Kabanata: Babala

3 0 0
                                    

Napansin ko ang iritadong mukha ni Eure. Bakit siya nagagalit? Hindi ba kasal na siya kay Gloom? Si Gloom. Biglang kumulo ang dugo ko noong maalaala ko siya. Bakit ba hindi siya makontento? Ano bang ginawa ko sa kanyang masama? Bakit ba ako ang pinupuntirya niya? Nagulat ako noong may tumapik sa balikat ko. Napatakip ako ng bibig upang mapigilan ang tawa ko. Si Acheros, bagaman seryoso ang mukha niya, may ginawa siyang nakakatawa dito. Naglaho ang galit na nararamdaman ko dahil doon.

"Eure, anong ginagawa mo sa kwarto ng anak ko? Hindi ba sinabi kong nasa piitan ang asawa mo?" tanong ni papa

"Hayaan ninyong ihatid ko ang sarhento sa dapat niyang patunguhan, Master" saad ni Acheros

Napakuyom ng kamao naman si Eure na kanina pa nagpipigil ng kanyang galit. Bago pa makalabas, pinigilan na siya ng aking ama.

"Komandante, hindi ba may nais kang sabihin sa akin?" tanong ni Papa

"Makakapaghintay ang pag-uusap kagaya ng paghihintay ko sa sagot ng inyong anak" sagot nito

Tumingin sa akin si papa kaya kaagad akong umiwas ng tingin. Noong makaalis na sila, isinara ni papa ang pintuan.

"Ano ang sinasabi ni Acheros?" tanong niya

"Nagbibiro lang siya" tanggi ko

"Wala sa mukha niya ang pagiging palabiro, Leve." anas ni papa

"Dalaga na ang anak natin, mahal ko. Hayaan mo na lamang siyang magtago ng sikreto" usal ng aking ina na nakaupo ngayon sa aking bintana

"First, bakit ka naririto?" tanong ni papa

"Mahal ko, hindi mo ba gustong naririto ako?" tanong niya at lumapit kay papa

Binuhat siya ni papa at pinaglapat ang kanilang mga noo. Hindi ko alam kung masusuka ba ako o kung ano sa pinanonood ko. Siguro iisipin ko na lamang na isa itong bagong data para sa paghahanda ko sa tunay na mundo. Nagsimula na naman silang magtitigan na parang sila lamang ang naroroon at hindi ko magugustuhan kung may mangyayari pa bukod pa doon. Tumikhim ako upang makuha ang kanilang atensiyon, para naman silang mga batang nahuli na mayroong masamang ginagawa noong sila ay maglayo. Napangiti naman ako. Ito ba ang pakiramdam na magkaroon ka ng ama at ina?

"Anak, bibigyan ka ng yakap ni Mama" pag-iiba ng usapan ni mama at tumakbo papalapit sa akin

Kaagad ko namang ginamit ang teleportation para maiwasan siya. Nalaglag siya sa malambot kong kama at hinanap ako noong makabawi. Ginawa niya ulit ang mahinang pagpukpok niya sa kanyang ulo at pagdila.

"Nakalimutan kong wala nga pala tayong pinagkakasunduan at isa pa rin akong estranghero." usal niya

Sumandal naman ako sa gilid ng bintana kung saan ako lumipat. Naaalala ko sa kanya ang batang First. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano ang nangyari sa kanya. Bakit magkaiba ang kulay ng kanyang mga mata?

"Leve, upo ka sa tabi ko" alok naman ni mama

Tinitigan ko si papa at tumango lamang ito sa akin. Sinamaan naman siya ng tingin ni mama. Napangiwi naman si papa na parang naintindihan niya ang titig na iyon. Gumagamit ba sila ng telepathy? Umalis na si papa sa loob ng kwarto at matapos huminga ng malalim, naglaho lahat ng kapangyarihan ni mama. Gumaan ang pakiramdam ko at lumapit sa kanya.

"Hindi ko alam kung paano mapapalapit sa iyo. Hmmm... Kamusta ang unang araw mo sa bahay?" tanong niya

Itinaas niya ang kanyang kamay na plano niya yatang suklayin ang buhok ko subalit nagdadalwang-isip siya. Kukunin ko ba o hahayaan ko na lamang? Napansin ko na parang nanigas siya sa kanyang kinauupuan noong makita niya na nakatingin ako sa kamay niya. Napabuntong-hininga naman ako at kinuha ang kanyang kamay upang ilagay sa ulo ko. Napansin ko ang pamumula sa kanyang pisngi dahil sa ginawa ko. Naramdaman ko ang malamig niyang kamay sa aking balat noong hawakan niya ang pisngi ko. Binigyan niya ako ng isang masiglang ngiti.

The Secrets of AxiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon