XIANNA
Naayos na ang lahat mula ospital hanggang punerarya. Di man lang ako nakaramdam ng pagod kakaasikaso. Ang tanging nararamdaman ko lang ay lungkot at sakit. Ngayon ko na lang ulit naramdaman yung pakiramdam na ubos na ubos ka na. Ang dami namang iba diyan, bakit ang nanay ko pa?
Isa isa nang pinasok ang mga bulaklak, kandila at ang paglalagyan ng kabaong. "Xia, magpahinga ka na muna." Sabi ni Hades.
"Mamaya na. Marami pa aasikasuhin dito." Walang emosyon kong sabi.
Silang dalawa ni Cleo ang kasama kong nag-asikaso ng lahat. Pinapauwi ko sila pero ayaw nila, si Kairos naman kinakailangan ng umalis dahil may importante pa itong lakad.
Maya maya ay dumating na ang kabaong ni mama. Ipiniwesto ito sa tapat ng kwarto niya. Iyon nanaman ang pamilyar na sakit, parang pinipiga yung puso ko.
"Xia kumain ka na muna, kagabi ka pa di kumakain." Nag aalalang sabi ni Hades.
"Wala akong gana." Sabi ko habang nakatitig sa kabaong ni mama.
Gusto kong umiyak pero walang wala na ako. Wala na akong luha na malalabas pa. Maya maya ay nagsidatingan ang ilang kakilala namin at isa isang nakiramay. Tahimik lang akong nakatitig kay mama. Gusto ko siya halikan at yakapin ng mahigpit pero paano ko magagawa yun kung nauna na siya sa kabilang buhay.
Mabilis lumipas ang oras pero ganun pa rin ang pakiramdam ko. Mabigat, masakit, malungkot, naghalo halo na sa sistema ko. Sina Von at Kassie na ang kasama kong nag aasikaso sa mga nakikiramay dahil kailangang umuwi nila Cleo at Hades.
"Ate Xia, kumain ka na po. Di ka pa raw po kasi kumakain kanina pa." Sabi ni Kassie habang hawak ang pinggan na may pagkain.
Binigyan ko siya ng ngiti, "Kainin mo na yan. Wala pa akong gana kumain." Hinaplos haplos ko ang buhok niya.
Tumabi siya sa akin, ini-angat niya ang kutsarang may laman tsaka nito tinutok sa bibig ko.
"Eto na ang eroplano ate! Eengkk eenngkk!" Sabi nito habang ginagaya ang tunog ng eroplano.
Bahagya naman akong natawa. Binuksan ko ang bibig ko para maisubo niya sa akin ang kutsara. Tuwang tuwa naman ito nang maisubo sa akin ang kutsarang hawak, lumingon ito sa pinto tsaka sumenyas ng 'okay'. Sinulyapan ko kung kanino siya nakatingin.
Nakita ko si Kairos na nakasandal sa pinto at ngingiti ngiting nakatingin kay Kassie. Agad naman itong lumapit sa amin. Binulungan ito ni Kassie pero rinig na rinig ko. "Gumana yung sinabi mo, kuya pogi."
"Sabi ko sayo eh." Kunyari ding bulong niya.
Ibinaling niya ang tingin sa akin, "Cleo called, pinapabantayan ka. Sinabi rin niyang di ka pa kumakain." Sabi nito.
"Wala naman akong gagawin sa sarili ko. Hindi nyo naman ako kailangang bantayan. Kakain din naman ako, wala lang talaga akong gana ngayon." Pinilit kong ngumiti.
"Kamusta ka?" Tanong nito.
"Eto, masakit pa rin." Pinilit kong ngumiti.
"I've lost my mom at the very young age. After a month, sumunod din si daddy. Imagine losing both of your parents in the same year. That shit hurts!" Natatawang kwento niya.
"Kaya okay lang maging malungkot at masaktan. Parte ng pagmamahal." Pahabol nito.
Tinitigan ko lang siya habang nagsasalita. Di ko maiwasang mapangiti habang nag kekwento siya.
"Yan! Mas bagay naman pala sayo ang naka-ngiti, bakit kaya di mo dalasan? Sige ka di matutuwa si tita nyan." Natatawang sabi nito.
Hinila niya ang kamay ko at lumapit kaming pareho sa kabaong. "Tita tignan mo 'tong anak mo, kanina pa naka simangot. Pumapangit siya hindi ba?" Parang bata itong nag susumbong.