Kung langit ang kapalit ng bukas na wala ka...Mas pipiliin kong tingalain nalang ito sa itaas.
Tahimik ang buong paligid tanging mga alon ang nagsisilbing musika ni Felicita. Nakahiga siya sa duyan habang hawak ang isang papel at lapis. Ito ang madalas na libangan niya, para pawiin ang madalas na pagkalungkot.
"Sa dami ng tulang naisulat mo mukhang maaari ka nang makapagbenta ng libro," sambit ng papalapit na si Fabio na may dalang katas ng buko sa baso at inabot ito kay Felicita.
Napaupo nalang si Felicita at staka uminom, madalas niyang napapansin ang pagsama sa kaniya ni Fabio. Ito naman ang labis na pinagpapasalamat niya sa kaibigan dahil parati itong nakikinig at naging sandalan niya.
Lingid sa kaalaman ni Felicita, na may tinatago pa ring pagtingin si Fabio sa kaniya. Hindi naman nais samantalahin ni Fabio ang sandaling ito, sapat na kasi sa kaniya na maramdaman ni Felicita na nariyan lang siya. Sapat na sa kaniya ang maiparamdam sa dalaga na kagusto-gusto siya, kahit maramdaman niyang siya'y hindi. May respeto pa rin siya sa pagmamahalan ni Nacio at ng dalagang iniibig.
Nang sumapit ang dilim, iba't-ibang pilantik ng kubyertos at ingay ang maririnig sa hapag habang hapunan. Isang normal na senaryo na ito para kela Felicita, isa na kasi silang malaking pamilya. Itinuturing nilang s'werte minsan kung walang maririnig na iyak galing sa dalawang supling.
Hawak-hawak ngayon ni Felicita si Mariana, nauna na kasi siyang matapos kumain. Ganito lang ang kanilang palaging ritwal, ang pagpasa ng gawain upang makapagpahinga ang isa. Mahirap ngunit matamis na yugto sa buhay ang mag-alaga ng isang bata, napangiti nalang si Felicita habang dinuduyan sa kaniyang bisig ang pamangkin.
Sa kabilang banda, ay kumikinang naman ang mata ni Fabio habang pinagmamasdan ang babaeng iniibig.
Sumapit na ang oras nang pahinga, tahimik pa ring hinehele ni Felicita si Mariana, si Lenny naman ay nakatulog na sa tabi ng kaniyang Ama. Sa pagpikit ng mata ng supling, kaagad na nakahinga nang maluwag si Felicita, ngalay na kasi ang kaniyang mga braso. Dahan-dahan niya itong nilapag at staka nag-unat.
Tulog na ang lahat, tahimik na rin ang gabi tanging siya na lamang ang gising. Sa sandaling pagmuni-muni, naisipan niyang lumabas para kalmahin ang kaniyang isip at nang makarating sa dalampasigan ay kaagad siyang naupo sa buhangin.
Wala ng tao ang makikita, kadiliman na lang din ang bumabalot sa kulay ng tubig. Napapikit siya at dinama ang malakas na simoy ng hangin at ang tunog ng alon. Ilang minuto siyang nagtagal ng gano'n.
Nang isang tunog ang umabala sa kaniya. Isang bangka at dalawang lalaki ang nasa daungan. Labis itong pinagtaka ni Felicita, sa isip-isip niya ay walang magtatangkang maglayag ng ganitong oras. Ngunit gulat din ang kaniyang naging reaksyon nang mapagtanto niyang hindi ito maglalayag kun'di kararating lang nito sa isla.
Mas lalo siyang nabahala nang makita ang anino ng baril sa kamay ng isang lalaki na kaagad nitong ibinulsa. Bumalot ang takot kay Felicita, sa isip niya ay maaaring ang dalawang lalaki ay mga hapones.
Tatayo na sana siya ngunit naisip niyang mas'yadong tahimik ang gabi, at anumang galaw niya ay maaaring mapansin. Minarapat na lamang niyang pagmasdan muna ang dalawang dayuhan.
Abala ito sa pag-aayos habang nag-uusap. Hindi naman abot sa pandinig ng dalaga ang mga sinasabi ng mga ito. Ilang sandali pa, hindi na nakapagtimpi si Felicita tatayo na sana ito nang bigla may humatak sa kaniyang kamay.
Tumambad si Fabio kay Felicita, sinenyasan naman siya nitong 'wag mag-ingay.
"Anong ginagawa mo rito? Kanina ka pa? Nakita mo ba sila?" pabulong na wika ni Felicita.
BINABASA MO ANG
Take Me Back in Time #Wattys2019Winner
Historical Fiction"I am hopelessly in love with a memory. An echo from another time, another place." - Michael Faudet Deane Peñalosa a young lady is ought to discover her past, as her family decide to move to their hometown in Legazpi. It is a tranquil rural place, w...