Egleia
Nakatayo ako ngayon sa beranda ng aking k'warto. Tinatanaw ang mapayapa at nakangiting mamamayan ng aming kaharian. Nilalanghap ang malamig na simoy ng hangin. Hinihintay na lumubog ang haring araw at handa nang salubungin ang maliwanag na buwan.Kahit maharlika o hindi, pantay-pantay ang pagtrato ng lahat dahil iyon ang gusto ng aking Amang Hari at Inang Reyna. Ayon ang nagustuhan ko sa aking mga magulang, pinalaki nila akong mabuti at may respeto sa aking kapwa. Gano'n na rin sa dalawang kaharian na nakadugtong sa aming kaharian.
Ang lugar na ito ay hindi sakop at hindi nakikita ng mga tao sa ibang daigdig. Ito ay ang Santinakpan na likha ni Bathala. Ang Santinakpan ay nahahati sa anim na kaharian: Ang Agilyana, Leogardo, Gorillego, Trigero, Satanian, at Elphania.
Napagdesisyunan ng Hari't Reyna ng Agilyana, Leogardo, at Gorillego na ipagdugtong-dugtong ang tatlong kaharian upang maging mas magarbo at maraming koneksiyon ang bawat tao sa sarili-sariling kaharian. Napapagitnaan ang kahariang Agilyana, sa kanan ang Gorillego, at kaliwa ang Leogardo. Naging mas malaki ang aming lugar at mas maraming nakatayong pamilihan na naging rason sa pagdami ng pagkakataong makapagtrabaho ang karamihan. Hindi sumang-ayon ang Trigero, Satanian, at Elphania sa pagsanib sa aming kaharian kung kaya't napalayo ang kanilang kaharian sa amin.
Naputol ang aking pag-iisip nang may narinig ako sa k'warto ng susunod na Hari ng Gorillego. Napalingon ako roon at nakitang nakasilip ang isang batang mahiyain sa kurtina ng k'warto niya. Ngumiti ako sa kaniya at kinawayan ngunit bigla niya ito isinarado. Napailing ako at tumingin na lang sa langit.
Bughaw ang kalangitan na pinapalibutan ng mapuputing ulap. Nakakalma ang malawak na tanawin ng kalangitan. Napakunot ang aking noo nang medyo dumilim ang kalangitan. May unti-unting pumorma sa likod ng ulap. Isang napakalaking ibon? Iyan ba ang hindi nagpapakitang malakas na agila?
Napahinto sa pagtatrabaho ang lahat ng mamamayan dahil sa isang sigaw ng malakas na agila. Napahawak ako sa tainga dahil napakatinis ng sigaw nito. Medyo napaatras ako habang hawak-hawak ang tainga ko. Narinig kong pinagaspas ng malakas na agila ang kaniyang pakpak. Lumakas ang ihip ng hangin, nagliliparan ang tuyong dahon, at nagsusumayaw ang mga puno. Napakalakas niya.
"Anak?! Anak, nasaan ka?!"
Narinig kong may sumigaw sa loob ng k'warto ko. Nang mapagtanto ko ang boses nito, nilingon ko ito at tumugon.
"Ina! Narito lamang ako sa beranda!" buong lakas kong sigaw. Kailangan kong sumigaw nang malakas sapagkat umaangat ang sigaw at pagaspas ng pakpak dulot sa ginawa ng agila.
"Halika't pumasok ka na sa iyong k'warto! Baka kung anong mangyari sa 'yo riyan!"
Papasok na sana ako sa aking k'warto nang may bagong ungol at sigaw na naman akong narinig mula sa kung saan man. Nadapa ako dahil sa gulat. Naramdaman kong humapdi ang aking tuhod. Kinakabahan at naiiyak na ako, dahil sa tanang buhay ko ay hindi nagkasabay-sabay na umungol at sumigaw ang mga natitirang malalakas na hayop dito sa amin. Hindi ko pa sila kailanman nakikita, ngunit base sa mga narinig kong ungol nila, nababatid kong napakalaki nila.
Dahan-dahan akong tumayo at nilingon ang likuran ko. Nagulat ako sa nakita ko- nagtatakbuhan na ang mga tao dahil sa takot at pangamba. Wala namang ginagawa ang malalakas na hayop pero sadyang nakakatakot talaga.
Ang naglalakihan puno sa masukal na gubat ay nagsasayawan. Ang mga ibon at mga maliliit na hayop ay nagsitakbuhan papalabas ng masukal na gubat. Ang daming ungol at sigaw ng mga malalakas na hayop ang pumalibot sa tatlong magkadugtong na kaharian- ngunit ang mas nanaig na sigaw ay ang sigaw ng agila. Napakatinis at nakakapangamba ito.
"Anak! Pumunta ka na rito sa k'warto mo!"
Sa huling pagkakataon, nilingon ko ang agila sa malawak na kalangitan. Napakunot ang noo ko nang mapagtantong nakatingin na ito sa akin, 'di ko man nakita ang kaniyang kabuoan dahil sa ulap na nakaharang, batid kong nakatutok ang kaniyang paningin sa akin.
Tumalikod na ako at tatakbo na sana pero napatigil din agad nang sumigaw na naman ng napakatinis ang agila. Sa isang iglap, may naramdaman akong kakaiba na tumama sa likod ko. Parang malamig na mahangin o ano. Masarap siya sa pakiramdam, parang nakikiliti ako.
Unti-unti akong nahilo at bago pa mapikit ang mata ay nakita ko si Ina na patakbo patungo sa akin. Sa isang iglap lang ay natumba at kinain na ako ng kadiliman.
Dahan-dahan kong iminulat ang mata ko nang may narinig akong mga huni ng ibon, tunog ng puno na sumasayaw, at agos ng ilog kung saan man. Napabangon ako agad nang makitang hindi pamilyar sa akin ang lugar na natatanaw ngayon sa harapan.
Ang ganda. Para siyang paraiso na tumataginting sa ganda. Mga berdeng puno na nagpapatingkad sa paligid. Mga halaman at dahon na nagpapadagdag sa ganda ng kapaligiran. At napakataas na talon na naglilikha ng ingay sa mala-paraisong paligid.
Umikot ako at masayang tinatanaw ang paligid. May ganitong lugar pa rin pala sa mundo! Batid kong hindi pa 'to natutuklasan ng mapang-angking tao dahil parang hindi pa natatapakan ni isang paa ang lupa! Pag-angat ko sa kalawakan, napakunot ang noo ko. Wala ni isang ulap ang nakikita ko. Ang bughaw na kalangitan lamang at wala nang iba.
Napahinto ako sa pagmamasid nang may narinig anong kaluskos mula sa 'di kalayuan. Palakas na nang palakas ang kaluskos mula sa... talon? Sa talon nanggagaling ang kaluskos! May kuwebang tinatago ang talon? Astig!
Dahan-dahan at maingat akong naglakad patungong talon. Sa talon ay hindi masyadong nakikita ang kuweba ngunit sa lawa na nalikha nito ay sobrang linaw- sa sobrang linaw ay nakikita ko na ang mga bato at buhangin sa loob nito.
Nasa harapan na ako talon. Ang lakas ng bagsak nitong mga tubig pababa. Batid ko na kung may lakas ka ng loob pumasok sa kuweba ay 'di ka pa nakakalusong sa loob ay malulunod ka na sa lakas nito.
Napaangat ang aking paningin sa kuweba nang may kung anong bagay o hayop ang naporma sa loob nito. Bahagya akong napaatras dahil palaki na nang palaki ang nakikita ko. Hindi ko man ito nakikita- nasisiguro kong isa ito sa anim na malalakas na hayop. Biglang nanlaki ang mata ko nang may kung anong bumuklat sa loob- unti-unti ay nalilinawan na ako kung ano ito, isang malaking pakpak ng agila! Kahit anino lang ay nakikita ko na ang kalakihan nito.
Muli, sumigaw siya nang napakatinis! Nauurat na ang tainga ko sa kasisigaw niya. Napaluhod ako habang nakatakip ang dalawang kamay sa tainga at pilit iniinda ang sigaw nito. Makalipas ang ilang minuto ay huminto na ito. Dahan-dahan kong inangat ang aking paningin at agad napapikit dahil sa silaw na nanggagaling sa lood ng kuweba.
Ang sakit niya sa mata. Parang mabubulag ang sinumang maglakas-loob tumitig sa napakalaking agila na ito. Narinig kong ipinagaspas niya ang kaniyang pakpak, dahilan sa pagtalksik ng tubig sa kinaroroonan ko. Marahan kong pinahiran ang mukha ko na natalsikan.
Nawala na ang nakakasilaw sa mata at naging kalmado na rin ang paligid. Tumayo na ako para pumasok sa k'weba. Kuryusidad ang nagpalakas ng loob sa 'kin na pasukin ang misteryosong k'weba.
Bago makapasok ay kakailanganin munang dumaan at lumangoy sa lawa. Hinubad ko muna ang sandalyas ko at inilagay ito sa gilid. Huminga muna ako ng malalim saka marahang pumikit.
Umatras muna ako para malayo agad ang mararating patungong k'weba. Mabilis akong tumakbo at tumalon sa lawa. Biglang nanlaki ang mata ko nang mawala ang tubig at tanging kadiliman na lang ang makikita ko. Binalot ng kaba at takot ang buong katawan ko. Parang mahuhulog na rin ang puso ko sa kaba. Hindi ko na alam ang gagawin kung 'di sumigaw nang sumigaw.
Parang akong nakaahon mula sa lalim ng dagat nang mapagtanto kong panaginip lang ang lahat. Habol-habol ang aking hininga habang hinahawakan ang aking dibdib. Nakita ko si Ina na pumasok sa aking silid na may dalang pagkain.
****
BINABASA MO ANG
Ascendance Of The Ruined Kingdoms
FantastikSa ibang dako ng mundo, masaya at mapayapang namumuhay ang kaharian ng Gorillego, Leogardo, at Agilyana sa pamumuno ng magigiting na mamumuno. Ngunit sadyang tuso ang tadhana, umusbong ang inggit at pagkamuhi ng ibang kaharian na nagdulot ng gulo, d...