GUSTONG mag-celebrate ni Ace nang gabing iyon. Nang masaksihan niya kung paano tanggihan ni Sabrina ang marriage proposal ni Hance ay para na rin niyang nasapak ang kanyang pinsan sa mukha. Pero hindi siya maaring magdiwang kaagad dahil hindi pa iyon ang kanyang tagumpay.
Nagpasya siya na mag-imbestiga kung paano nga ba nakombinsi ni Hance si Sabrina na maging girlfriend nito. Malakas ang kutob niya na may kinalaman din ito sa pagkasira ng relasyon niya kay Sabrina. Maari rin na isa ito sa dahilan kung bakit walang tumagal na boyfriend si Sab. Isa pang pakialamero ang gagong kuya nitong si Sam. Since high school pala, ah. Walang kamalay-malay si Sabrina na planado at kontrolado na ng Kuya nito at ni Hance ang future nito.
Ang sitwasyon ay naging palaisipan sa kanya. Kailangan niyang maisalba ang babaeng mahal niya. Hindi puwedeng maghintay lang siya kung kailan muling mahuhulog sa kanya ang dalaga.
Hindi siya makatulog. Pabiling-biling lang siya sa kama. Kinuha niya ang kanyang cellphone saka tinawagan si Sabrina. Good thing, she immediately answered his call.
"Sab, it's me. How are you?" aniya. Tanging malalim na hininga ni Sab ang naririnig niya. Sumisinok ito tila kagagaling sa lubhang pag-iyak. "Sab, are you okay?" nag-aalalang tanong niya.
"A-Ace..." she said. Her voice was hoarse and flat. "I'm fine."
He's not convinced. Alam niya na umiiyak ito. Kung puwede lamang siyang mag-teleport papunta rito ay gagawin niya para samahan ito at aluin. "No, you're not fine. Talk to me, I will listen," aniya.
"No need, I-I just want to sleep. Lilipas din ito."
"Are you hurt?" tanong niya nang mahalata ang hirap nito sa paghinga.
"N-No."
Pinakiramdaman niya ito habang pinapakinggang maiigi ang bawat buga ng hininga nito. Ramdam talaga niya na may dinaramdam na sakit ang dalaga, it's either physical or emotionally. Malalalim ang hiningang pinapakawalan nito.
"A-Ace?" sambit nito sa malamyos na tinig.
"Yes, Sab? I'm still here," sagot niya.
"P-Puwede ba tayong magkita ngayon?" tanong nito.
Napabalikwas siya ng upo. "Y-Yes, where?" aniya.
"Anywhere. Gusto kong mag-disappear muna rito sa bahay. Ikaw lang ang kilala kong magpapakalma sa akin. Please, dalhin mo ako sa mundo mo."
Alam niya na gusto lang ni Sab ng karamay pero nag-assume na siya na bumabalik na ito sa kanya. Masaya siya sa ideyang iyon pero hindi siya maaring maging abusado.
"Okay, I'll pick you up. Okay lang ba kung dito lang tayo sa bahay ko? I'm alone here," sabi niya.
"Okay. I will prepare. I'll wait for you outside," sabi naman nito.
"Sige, papunta na ako. Bye."
"Bye."
Pinutol na niya ang linya. Nagsuot lang siya ng itim na kamiseta at itim na jogging pants. Nagmaneho siya patungo sa bahay nila Sabrina.
TERNONG bulaklaking blouse at pajama lang ang suot ni Sabrina pero may dala siyang dalawang paris na damit at dalawang paris din na underwear. Balak talaga niyang lumayo muna at magpalamig. Mabuti na lang nakaalis na si Sam. Tulog na rin ang Mama niya at tiyahin.
Nakalagay lahat ng gamit niya sa malaking shoulder bag at tanging cellphone ang dala niyang gadget. Lumabas siya ng bahay at naglakad siya sa unahan ng bakuran nila. Kilala naman niya ang kotse ni Ace kaya doon niya ito aabangan. Nakatyo lang siya sa gilid ng kalsada.