HINDI kinaya ni Sabrina ang tatalong araw na pagmukmok sa loob ng kanyang kuwarto. Sa loob ng tatlong araw na iyon ay hindi siya tumanggap ng bisita. Kahit si Hance na gusto siyang kausapin ay hindi niya hinarap. Hiniling niya sa kanyang ina na hanggat maari ay ayaw muna niyang makipag-usap kahit kanino mula sa labas.
Nang mainip ay pumasok na siya sa ospital. Na-miss niya ang trabaho at mga kaibigan. Mabuti na lang nailusot ni Maya sa pamunuan ng ospital ang mga dahilan niya. Napangiwi siya nang malaman kung ano ang idinahilan ni Maya. Sinabi nito na nag-LBM siya.
"Ano ba talaga ang nangyari sa 'yo, bhe?" tanong ni Maya nang magkasama silang nagmemeryenda sa cafeteria ng ospital.
Sumisimsim siya ng lemon soda na nakalata. "Nag-away kami ni Kuya," sagot niya.
Napapatigil sa pagsubo ng sandwich si Maya. "Dahil pa rin ba sa sinabi mo tungkol sa pagtanggi mo sa proposal ni Hance?" anito.
Tumango siya. "Nagalit siya sa akin at sinaktan niya ako," sumbong niya.
Nanlaki ang mga mata ni Maya. "As in, ginawa niya 'yon? Ganoon pala talaga kasalbahe si Sam!" gigil na sabi nito.
"He's always stupid, Maya. Siguro magiging okay na kami kapag nagpaksal ako kay Hance," aniya.
"I think you have to be practical, Sab. Wala namang problema kay Hance 'di ba? Alam mo, ang suwerte mo nga, eh. Ang daming babae na nakakakilala kay Hance na gustong lumagay sa sitwasyon mo. Pero hindi naman kita masisi kung ayaw mo talaga sa kanya," litanya ng kaibigan.
"Hindi sa ayaw ko talaga kay Hance. Actually I started to know him better at masasabi kong okay rin siya. Malambing siya at obvious naman na ginagawa niya ang lahat para sa akin. Siguro nga hindi pa ako handang tanggapin siya," aniya.
"Dahil pa rin ba sa pag-ibig mo kay Carlos?" usig nito.
Matamang tumitig siya kay Maya. Pinag-isipan niyang maigi ang isasagot niya rito. "I think it's not just about Carlos. Actually, hindi ko na siya masyadong naiisip," tugon niya.
"Then what? Who's bothering you?"
Biglang dumapo sa isip niya si Ace. At speaking of Ace, biglang lumitaw ang bulto nito sa entrance kasabay si Dr. Eliza. Sinundan niya ng tingin ang dalawang doktor na umupo sa mesang malapit sa pinto, may dalawang dipa ang layo sa kanila. Kaswal na nakikipag-usap ang lalaki kay Eliza, tila may importanteng paksa ang mga ito. Nakaharap sa kanya si Ace, habang nakatalikod si Eliza.
Hindi niya maialis ang tingin dito habang pinag-iisipan ang isasagot kay Maya. Hanggang sa napansin niya na sinulyapan din siya ng binata. Pero kaagad din itong nag-focus sa kausap.
"Sab, hey!" pukaw sa kanya ni Maya.
Ibinalik niya ang tingin sa kaharap. "Uh... nothing," nasambit niya.
"Nothing what?"
Nai-recall ng isip niya ang huling tanong nito. "Hindi pa talaga ako handang magpakasal kay Hance, iyon lang ang dahilan kaya ko tinanggihan ang proposal niya," sagot niya.
"Mabuti hindi sumama ang loob ni Hance sa pagtanggi mo. Mantakin mo, sa harap pa pala ng mga magulang niya at mga bisita siya nag-propose sa 'yo? Trending kaya sa social media ang senaryo. Nai-post ng isyuserong palaka ang naipuslit na video ng proposal ni Hance. May caption pa na "The Failed Proposal of a Billionaire". Malamang urat na urat na si Hance," ani Maya.
Biglang nabaling ang simpatiya niya kay Hance. Alam niya'ng dismayado si Hance sa nangyari pero hindi naman ito nagpakita ng negatibong asal sa kanya. Mas over acting pa nga ang Kuya niya.
"Propesyunal na tao si Hance. Hindi siya mag-e-eskandalo dahil sa nangyari. Pinuntahan pa nga niya ako sa bahay noong isang araw at niyayang mag-lunch pero siyempre, hindi ako lumabas ng kuwarto," kuwento niya sa kaibigan.