Ang pangalan ko---

29 2 0
                                    

Tumunog ang cellphone kong nakapatong sa ibabaw ng table. Inayos ko ang buhok at sinukbit ang bag saka iyon kinuha.

Rey:

Asan ka na? Malapit na kami kina Kaye.

Nangunot ang noo ko. Paano niya nalaman ang number ko?

Nagtipa ako ng reply at isinend sa kaniya. Lumabas ako ng kuwarto. Naabutan ko si Mama at Papa na nakaupo sa salas. Mabilis akong nagpaalam at umalis na.

Noong isang araw pa naman ako nagpaalam kaya alam na nila.

May usapan kasi kaming magkakaibigan na mag-oovernight kina Kaye. Pumayag naman ako dahil hindi naman ako nag-iisang babae. Marami raw kami. Bilang celebration na rin dahil natawid namin ang buhay ng Kolehiyo. At pagkatapos nito, maaaring hindi na kami ganito kalapit sa isa't-isa. Dahil may iba't-ibang daan na kaming tatahakin.

Marahas na hangin ang tumama sa mukha ko. Inayos ko ang buhok at nakatanggap ng mensahe na kompleto na sila roon. Ako na lang daw ang hinihintay.

Nagmadali ako sa paglalakad. Buti na lang at may dumaang tricycle. Malapit na ako kina Kaye nang may matanggap ulit na mensahe sa kanila.

Rey:

Hindi na raw kina Kaye. Dumiretso ka na kina Mark.

Tinitigan ko 'yon ng ilang sandali. Huminga ako ng malalim at ipinagkibit-balikat iyon.

Nagbayad ako matapos bumaba. Nagpasalamat pa ako sa driver.

Lumingon ako sa gate nang marinig ang ingay nila. Kumatok ako at tumawag sa loob.

Ngumiti si Rey nang pagbuksan ako. Nagulat ako nang mabilis niyang inakbay ang kamay sa akin.

"Ang tagal mo. Kanina pa sila nagkakatuwaan sa loob!" Tumawa siya. Naamoy ko ang alak sa kaniya.

Asiwa akong ngumiti at nagpatianod sa kaniya. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa akin ang ilang mga kaklase kong lalaki. Mukhang kanina pa sila nag-iinom at nagkakatuwaan. Halata na ring may mga tama na sila. Iginala ko ang mga mata at biglang kinabahan.

Nasaan ang mga kaklase naming babae?

"Uy, buti pumunta ka!"

"Pasok ka!"

Hinila ako ni Rey palapit sa kanila.

"Dito ka oh! Ipinaghanda pa kita ng upuan!"

"Shot! Shot!" Sigaw nilang lahat at inaabot ang shot glass sa akin.

Mabilis kong nilingon si Rey na iba na ang tingin sa akin.

"Asan ang mga kaklase nating babae?" Mahinanang sambit ko.

"What?" Ngumisi siya at bahagyang yumuko sa akin. "Sorry, hindi kita marinig. Ano 'yon?" Isinenyas niyang lumapit ako.

Nilapit ko ang mukha. "Asan sila Kaye--"

Namilog ang mga mata ko nang bigla niya akong halikan. Nagsigawan ang mga nakakita.

Mabilis akong tumayo at mahigpit ang hawak sa strap ng bag. Kakaibang takot ang lumukob sa akin.

Mariin kong tinitigan si Rey na ngayon ay ngingisi-ngisi sa mga nang-aasar sa kaniya.

"What? Aalis ka? Gabi na. Wala ng sasakyan." Aniya nang makita ang titig ko.

Tumayo si Kier. "Gago 'to si Rey." Tumingin siya sa akin at lumapit. Mabilis akong umatras. "Kalma. Wala akong gagawin."

"Ulol, Kier!"

Tumawa ito at nilahad ang kamay sa akin. "Inom ka muna. Ako na ang maghahatid sa'yo, mamaya."

Kahit labag sa loob ko, dahil alam kong, hindi nila gagawin 'yon. Tahimik akong lumapit sa kaniya. Pinaupo niya ako sa tabi niya at inabutan ng shotglass. Tiningnan ko ang pagitan ng pinto mula sa puwesto ko. Madali lang kung tatakbuhin ko.

AIMEESSHH'S One shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon