SANA

44 2 0
                                    

Ngumiti ako nang mabuksan ang messenger at sunod-sunod na tumunog iyon mula sa mga iba't-ibang mensahe.

Binuksan ko ang isa sa mensahe ng matalik kong kaibigan.

Mary:

Girl, musta? Naglockdown lang pati social media mo, damay?

Girl, uso magreply duh.

Humalakhak ako. Marami pa siyang chat na ini-scroll down ko na lang bago nagtipa ng irereply sa kaniya.

Yan:

Ayos lang ako, Mary! Don't worry. Busy lang sa modules! Tambak girl! Ikaw ba?

Agad siyang nagreply. Nagulat pa ako.

Mary:

Whoo! Buti naman nagreply ka na! Ilang buwan kang nagtago ah! Konti na lang susugurin na kita sa inyo.

Ito, okay langgg! Maganda pa rin! Ikaw? Dyosa na ba?

Natawa ako at nailing. Nagtuloy-tuloy ang pag-uusap namin. Nireplyan ko na rin ang iba ko pang mga kaibigan. Gusto pa nila na makavideo call ako ngunit hindi ako pumayag.

Mary:

Damot! Hindi ka na nga nagpopost ng pictures mo, ayaw mo pang magpakita.

Baka naman nag glow-up ka na ah? Jusme, Yan! Ang ganda mo na, huwag mo na akong talunin plss!

Tumawa ulit ako sa kaartehan nitong si Mary. May asul na pabilog sa kaniyang profile, agad ko 'yong pinindot. Nangiti ako nang makitang ang ganda ganda ng kaibigan ko. Maganda na siya noon, lalo pang gumanda ngayon.

Nag-ingay ang group chat namin, mga kaklase ko noon. Mga navideo call sila at pilit akong sinasali. Nangiti na lang ako saka pinatay ang data ng cellphone.

Bumuntong hininga ako at dahan-dahang tumingin sa labas ng bintana. Dumilim na't lahat ang kalangitan, nanatili pa rin akong nakakatitig sa tila papel na pininturahan ng itim na kalangitan.

Ibinalot ko ang sarili sa kumot nang bumulong ang malamig na hangin. Pumasok 'yon sa loob ng kuwarto ko.

Messenger lang ang binubuksan ko. Lahat ng social media accounts ko ay deactivated.

Hindi ko alam pero hindi na ako komportable.

Hindi na ako sanay na ipakita ang sarili. Pakiramdam ko lahat huhusgahan ako. Pakiramdam ko, tinititigan nila ang larawan ko habang may nasasabi na kung ano. At hindi ko alam kung kailan 'to nagsimula.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Ayos naman ako. Normal ang pag-iisip ko. Nagf-function ako pag kailangan. Ngumingiti ako. Masaya naman ako. But..when the sun goes down, this emptiness is eating me. And to be honest, I'm scared of myself. It feels like, I didn't know myself anymore.

Ni hindi ko na nga nagagawa ang mga bagay na ini-enjoy kong gawin noon. Parang gigising na lang ako pag umaga na, gagawin ang mga dapat gawin, hihintayin na kainin ng kadiliman ang liwanag, tutunga na sa bintana at hahayaan ang sariling maglakbay sa daang wala yatang katapusan. Ang tagal ko ng naglalakad, pero bakit hindi ko makita ang dulo? Hindi ko makita ang liwanag?

Nilingon ko ang kuwadradong bagay na nakasabit sa dingding ng kuwarto ko. Malungkot akong napangiti.

May babae sa harap. Nakangiti. Lumuluha. Hindi siya masaya. Nasasaktan siya.

Bumuhos ang luha ko nang unti-unting abutin ang babae sa harap. Nahawakan ko ang malamig na bubog na siyang humarang upang mapunasan ko ang luha niyang patuloy na bumubuhos.

Humagulhol ang babae. Ang sakit ng iyak niya. Hindi ko siya matulungan. Kasi kahit ako, hindi ko na alam itong sakit na nararamdaman ko.

Unti-unti akong kinakain ng mga salita sa utak ko.

Tiningnan ko muli ang babae. Malungkot akong napangiti.

"Kaya mo 'yan..." I mouthed. Ginaya ito ng babae sa harap.

Niyakap ko ang sarili kahit na patuloy na humahapdi ang mga sugat ko sa katawan hindi ko iyon inalintana at mas hinigpitan pa ang yakap.

Paano ko ba mamahalin ang sarili ko? Ang hirap. Hindi ko magawa.

Sana dumating ang araw na mabubuo ulit ako at yayakapin ng buong-buo ang sarili habang nakangiti at hindi na puno ng luha ang mga pisngi.

_______

Aimeesshh25 🥀

AIMEESSHH'S One shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon