[43] Terenz Dimagiba
Lumipas ang mga araw at akala ko'y malulumbay ako na wala siya sa tabi ko. Walang araw na hindi ako tinatawagan o kinukumusta ni Kit. Lagi niyang sinasabi sa akin kung saan siya pumupunta, ano ang ginagawa niya, at kung sino ang mga nakausap niya noong araw na iyon. Labis akong natutuwa dahil nagpakatotoo siya sa akin.
"I didn't tell you because I don't want you to worry. Are you mad?" halatang kabado niyang tanong sa akin.
Hindi kaagad ako sumagot. Sa totoo lang, nais kong mainis ngunit hindi ko ikakaila na natuwa ako. Inamin niya sa akin na may ka-meeting siyang businessman at ipagkakasundo sa kaniya ang anak na babae nito pero hindi niya tinanggap. Babawi lang ako ng kaunti.
"Kit," seryoso kong tawag sa pangalan niya. "Bakit hindi mo tinanggap? Para rin sa business niyo iyon."
Inipit ko ang mga labi ko nang marinig ko ang singhap niya sa kabilang linya. Narinig ko pang tila ay may mga nalaglag na bagay sa sahig.
"Are you for real? Terenz, don't make me mad. Alam mo kung bakit tinanggihan ko iyon," inis nga talaga niyang sagot.
Napangiti ako, pinipigilan ang ambang tawa. Kahit magkalayo kami, hindi na talaga ako nangangamba.
"Bakit?" tukso ko. "Gusto kong marinig mismo ang rason."
"Mahal kita," mabilis niyang tugon na nagpaluha sa akin. "Ikaw lang ang para sa akin."
Napapikit ako at hinayaang tumulo ang mga luha ko. Sa pagkakataong iyon ay muli akong nahulog sa lalaking ito. Ang lalaking sobrang mahirap pero napakasarap ding mahalin.
"Mahal na mahal din kita. Hihintayin kita, Kit."
Tuluyan nang nawala ang kaba sa dibdib ko hindi kagaya noong mga unang araw na wala siya. Hindi ako halos makatulog sa gabi at halos maubos ko ang natitirang amoy niya sa higaan kasisinghot. Ngunit dahil pinawala niya ang kaba ko, hindi ko na namamalayan na matagal na pala siyang malayo sa akin. Tinatak ko sa utak ko na magtiwala lang kami sa isa't-isa.
"Si Kai pala —" Natigilan ako sa pagwento ko tungkol sa pagkapanalo ni Kayin sa painting contest nila nang marinig ko ang pagtahimik sa kabilang linya. "Kit?"
Nakarinig ako ng mabigat na paghinga mula sa kinaroroonan niya at napagtanto kong nakatulog na yata siya. Napangiti ako. Malalim na rin ang gabi kung nasaan siya at panigurado ay pagod na rin siya.
"Dalawang araw na lang. Miss na miss na kita," pabulong ko na pagsalita. "Goodnight, babe."
Dalawang araw na lang at babalik na siya.
Iyon ang kaso pero bakit wala na akong natatanggap na tawag o mensahe sa kaniya? Sabi niya kagabi ay libreng araw niya ngayon at bukas ng gabi ay uwi na niya. Ngunit kanina paggising ay nagpadala ako ng mensahe sa kaniya, hanggang ngayong tanghali ay wala pa ring tugon.
May nangyari kaya? Hindi ko maiwasang kabahan.
"You look so tense. May problema ba?"
Napatingin ako sa kaharap kong si Kayin na noo'y umiinom sa kaniyang iced coffee. Niyaya niya kasi ako sa isang café ilang lakad lamang ang layo sa campus. Napabuntong hininga ako at pinaglaruan ang straw sa sarili kong inumin.
"Si Kit kasi..." pabulong kong maktol.
Nakita ko kung paano umiling si Kai. Tila ba pinapahiwatig na alam na niya kung bakit kanina pa ako hindi mapakali at patingin-tingin sa cellphone ko.
"What a surprise. Si Del Mundo lang naman palagi ang problema mo. Bakit? Hindi na nagpaparamdam?" diretsa niyang saad.
Sinamaan ko ng tingin si Kayin at natatawa naman siyang nagtaas ng dalawang kamay. Isang 'to, porke't natutuwa ako sa panlilibre niya ngayon dahil sa pagkapanalo niya sa exhibit sinasamantala nang tuksuhin ako.
BINABASA MO ANG
🌈 The Pervs Series: Pancho Kit Del Mundo (BL) ✔
General FictionCOMPLETED Ano nga ba ang basehan kapag ikaw ay umiibig sa isang tao? Katanyagan? Estado sa buhay? Pisikal na katangian? Pag-uugali? Edad? Kasarian? Para sa binatang si Pancho, ang pagmamahal ay hindi nakikita sa rason, kung hindi ay sa kung ano ang...