KABANATA 22

4.6K 254 38
                                    

[22] Terenz Dimagiba

Pagkagising ko kinaumagahan ay wala na si Sir Pancho sa aking tabi. Nagulat lamang ako noong maayos na akong nakahiga sa higaan at may kumot pang nakatakip sa aking katawan. Wala sa sarili na napahawak ako sa aking buhok dahil pakiramdam ko ay may kamay na humahaplos doon. Ayokong isipin na ginawa nga iyon ni Sir Pancho habang natutulog ako, pero ramdam ko talaga iyon. Hindi ko napigilan ang ngiti na kumawala sa aking labi.

Mabilis akong bumangon at lumabas sa kaniyang kwarto. Nasa hamba pa lamang ako ng hagdan pababa ay amoy ko na ang mabangong amoy ng pagkain. May mga mumunting tawanan din akong naririnig sa kusina. Kaagad na nagsalubong ang aking mga kilay.

"Oh, Terenz! Gising ka na pala," malapad ang ngiti na tawag pansin sa akin ng isa sa mga kasambahay.

"Ano po ang meron?" nagtataka kong tanong.

Kita ko ang hawak niyang mangkok na puno ng pagkain. Naghagikhikan sila ng kaniyang kasamahan at inumwestra sa akin ang kusina.

"Nagbalik na siya," nakangisi niyang tugon.

Tinapik ako ng kasamabahay sa balikat at iniwan akong naguguluhan pa rin. Wala akong nagawa kung hindi sumilip sa kusina at doon ay nakita ko si Sir Pancho kasama si Nanay Matilda. Nagluluto si Nanay habang si Sir Pancho ay tila bata na nakayakap sa likod ng matanda.

"C'mon Nana, forgive me already. Hindi na po mauulit, promise," maktol ni Sir Pancho.

Si Sir Pancho ba talaga iyang nakikita at naririnig ko?

"Hay naku apo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero masaya ako at nagbalik ka na. Na-miss ko ang dati kong alaga," si Nanay.

Humarap siya kay Sir Pancho at magiliw na hinawakan ni Nanay ang mukha ni Sir. Kita ko sa mga mata niya na labis niyang na-miss si Sir Pancho. Nakaramdam ako ng kakaibang kiliti sa aking tiyan pataas sa aking dibdib. Ang tunay na Sir Pancho. Ngayon kaya, magiging maayos na rin siya sa akin?

"Na-miss kita, apo," si Nanay. "Sana ay maging maayos na rin kayo ng Daddy mo. Tiyak matutuwa ang Mommy mo roon."

Tipid na ngumiti sa kaniya si Sir Pancho. Nakita kong nag-alangan siya sa sinabi ni Nanay pero tumango naman siya pabalik.

"I'll work on that, Nana."

Napangiti ako. Masaya ako para kay Nanay. Alam kong iyan ang matagal na niyang hinihintay. Hindi ko pa alam kung bakit nag-iba si Sir Pancho at kung anong nangyari sa kaniya noong maliit pa siya, pero masaya ako sa pagbabago niya. Sana lamang, maging maayos na rin ang puso niya. Alam kong dinaramdam niya pa ang paghihiwalay nila ni Sir Ellie.

"Oh, Terenz apo? Bakit nakatayo ka lamang riyan? Halika rito at tulungan mo akong ayusin ang agahan natin."

Napapitlag ako noong tinawag ako ni Nanay. Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay ko sa kaniya. Nahihiya rin akong tumingin kay Sir Pancho. Lalo na at magkatabi kami kagabi na natulog!

"I want to eat breakfast with Terenz, Nana. Maaari bang makasama ko muna siya rito?"

Pareho kami ni Nanay na gulat na napatingin kay Sir Pancho. Kakain? Kasama siya? Sa iisang lamesa? Siya at ako? Tama ba ang narinig namin?

"A-ah, aba eh... walang kaso apo. Ikaw Terenz apo, ayos lamang ba sa iyo?"

Hindi Nanay! Iyon ang gusto kong sabihin, pero mariin ang titig ni Sir Pancho sa akin na wala na akong nagawa kung hindi ay pumayag. Noong iniwan na kami ni Nanay, ramdam ko ang pangangatog ng mga tuhod ko. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso ko!

"Renz, maupo ka na," si Sir Pancho na medyo kinagulat ko pa. Ngayon lang niya ako tinawag na ganoon. Hindi na pauper at malambing pa.

Naka-upo na pala siya. Parang tanga naman akong uupo sana sa upuang malayo sa kaniya, pero tinuro niya ang upuan sa tabi niya. Ang upuan na inu-upuan dati ni Sir Ellie. Napalunok ako bago naupo roon.

🌈 The Pervs Series: Pancho Kit Del Mundo (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon