KABANATA 32

4.3K 240 23
                                    

[32] Terenz Dimagiba

Napatalon ang aking katawan sa kinauupuan nang mag-vibrate ang aking cellphone. Natigil ako sa pagsalansan ng mga papel na pinaayos sa akin ni Sir Pancho dito sa opisina niya para tignan kung sino ang nagpadala ng mensahe.
Nang mabasa ang pangalan sa screen ay napatingin muna ako sa pinto ng opisina bago iyon binasa.

Kayin:
Have you seen the results yet?

Dagling kumabog ang aking dibdib sa mensahe ni Kayin na kamakailan lamang ay lagi nang nagte-text sa akin.

Lumabas na kaya ang resulta? Sabi ni Sir ay siya na ang titingin para sa akin dahil hindi pa ako maalam sa internet.

Ako:
Hindi pa eh. Meron na ba? Nakita mo na ang result mo?

Makalipas ang dalawang minuto ay muli siyang nag-reply.

Kayin:
Yeah! I passed and you too! Congrats to us!

Napatayo ako at muntik pang mabitawan ang aking cellphone sa nabasa. Nakapasa ako! Papasok na ako bilang kolehiyo sa susunod na lunes! Kailangan ko itong sabihin kaagad kila Nanay!

Binati ko rin si Kayin. Hindi na raw siya makapaghintay sa lunes at gayo'n din ako. Halo ang kaba at excitement sa akin. Tiyak kong matutuwa rin si Nanay Matilda kapag nalaman niya ito.

Tinawagan ko si Nanay at habang nag-ri-ring ay pabalik-balik ang lakad ko sa loob ng opisina. Masahol pa yata ang nararamdaman ko ngayon na tuwa kaysa sa mga nanalo sa lotto. Ang mga pangarap ko ay nasa harap ko na.

"Nay!" masigla kong bati kay Nanay sa kabilang linya.

"O anak, napatawag ka? Akala ko ay nasa trabaho ka ngayon?" sunod-sunod na tanong niya na hindi ko na pinansin.

"Nay! Nakapasa po ako, Nanay! Kolehiyo na ako!"

Nagtatalon pa ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang kaniyang tili. Sa tuwa ay nagsisigaw pa siya at tinawag si Tatay na noo'y nakiki-agaw sa cellhpone ni Nanay para batiin ako. Si Buboy ay nasa eskuwelahan pa yata.

"Masayang-masaya kami para sa iyo, anak! Hayan na, magkakadiploma ka na. Malapit na, nak!" si Nanay.

"Patumbahin mo silang lahat, Terenz! Huwag kang magpapatalo at makisabay ka sa kanila. Kaya mo 'yan! Dimagiba ka yata!" sigaw ni Tatay.

Malakas akong natawa sa kanila. Matagal pa kaming nagkausap sa labis na tuwa. Si Tatay ay nagsisimula na ring mag-ipon sa panluwas nila rito sa Maynila na sabi ko ay ako na ang bahala. Pero anila at tinatabi raw nila ang padala ko para sa araw-araw. Napangiti naman ako. Miss na miss ko na sila.

"Sige po, Nay. Baka bumalik na si Sir mula sa meeting."

"O siya, sige. Goodluck nak, ha? Love you!"

Hindi na mapawi-pawi ang ngiti sa aking labi.

"Love you too, Nanay. Kayong lahat."

Saktong natapos ang tawag ay siyang bukas ng pinto sa harap. Tapos na ang meeting at pumasok si Sir Pancho kasunod si Ate Maia. Tila may binibigay si Sir na instructions kay Ate na kung ano. Tahimik akong bumalik sa ginagawa kanina. Kating-kati na rin akong sabihin kay Sir.

"Then tell Mr. Arturo that I'll set a one on one meeting with him the day after tomorrow."

"Okay noted, Sir."

Pagkalabas ni Ate Maia, kaagad na sa akin dumapo ang paningin niya. Malapad akong napangiti lalo na noong tumungo siya sa kung nasaan ako at umupo siya sa aking tabi. Halatang pagod na naman siya. Tanghalian na rin naman pala.

"Oh yeah..." bigla niyang sabi at muling tumayo patungo sa lamesa niya. "We need to check the results."

Mabilis akong napabaling sa kaniya nang sinabi niya iyon. Malapad ang aking pagkakangiti. Hinintay ko talagang sabihin ni Sir iyon para siya ay sorpresahin.

🌈 The Pervs Series: Pancho Kit Del Mundo (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon