[23] Terenz Dimagiba
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong payapa nang nakapikit ang mga mata ni Sir Pancho. Maayos na rin ang paghinga niya at hindi na rin siya nanginginig. Nakangiti kong inayos ang basang tela sa kaniyang noo maging ang kumot na itinakip ko sa kaniyang katawan. Kumalma na rin ako dahil halos mataranta ako kanina.
"N-nanay! Nanay Matilda!" humahangos kong sigaw pababa ng hagdan.
Si Nanay na noon ay nagwawalis sa sala ay gulat na tumingala sa akin. Naitukod ko ang dalawang kamay sa aking tuhod habang binabawi ang aking hininga. Kinailangan ko pang pakalmahin ang aking sarili bago nagakapagsalita. Naunahan ako ng taranta at kaba!
"O-oh apo, anong nangyari sa iyo?"
Tiningala ko si Nanay at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Sa gimbal sa kaniyang mukha ay tiyak kong iyon din ang nakikita niya sa akin.
"S-si Sir Pancho po, Nanay! Mataas po ang lagnat!" garalgal ang boses kong sumbong sa kaniya.
Nakita ko na mula sa gulat ay napalitan iyon ng kaginhawaan. Kumunot ang aking noo na noo'y natataranta pa rin. Ngumiti siya sa akin at umiling.
"Iyon lamang pala, akala ko ay kung napaano ka na," tila wala lang niyang sabi.
Napapadyak ako ng aking mga paa. "Anong wala, Nanay? Si Sir po mataas ang lagnat!"
Hinila ako ni Nanay sa kusina. Halo ang taka at kaba ay nagpatianod lamang ako sa kaniya. Pinanuod ko siyang kumuha ng maliit na palanggana at nilagyan iyon ng maligamgam na tubig. Naghanda rin siya ng gamot at isang baso na maiinom na tubig.
"Ganiyan talaga ang bata na iyan kapag nagdaramdam. Naalala kong huli iyang nagkaganiyan ay noong mamatay ang ina niya. Labis din akong kinabahan noon dahil maliit pa noon si Pancho at tanging ako lang ang kasama niya rito noon. Nagpadala lamang si Sir Domingo ng Doctor dahil busy siya noon," ang mahabang paliwanag ni Nanay. "Marahil sa laki ng epekto ng pag-iwan sa kaniya ni Ellie ay nagkaganiyan siya. Nasisiguro ko na hindi na naman iyan makakatulog ng maayos sa gabi."
Natahimik ako sa sinabi ni Nanay. Hanggang sa nakabalik kami sa kwarto ni Sir Pancho at dinaluhan niya si Sir ay tahimik lamang akong nakamasid. Nakaramdam na naman ako ng ibayong lungkot. Sa isipan ko ay nakikita ko ang batang si Sir Pancho na malubha ang sakit, hinahanap ang kaniyang ina, pero wala siyang natanggap na aruga. Sa unang pagkakataon ay nainis ako kay Ninong. Ngayon alam ko na kung bakit gayon na lamang kalayo sa kaniya si Sir Pancho. Mabuti na lamang at mayroon pang Nanay Matilda na natitira sa kaniya noong mga panahon na iyon.
At ngayon, narito na rin ako.
"N-Nanay... magtatagal po ba ang pagdaramdam ni Sir Pancho?" naluluha kong tanong.
Bumuntong hininga si Nanay at marahang hinaplos ang aking buhok. Mariin kong pinigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Nasasaktan ako para kay Sir Pancho. Nasasaktan akong makita siyang ganito. Ngayon lamang ako nakaramdam ng ganito. Hindi ko maiwasang kabahan dahil mukhang sobrang lakas ng nararamdaman kong ito. Tila pinipiga ang puso ko.
"Magiging maayos din siya, apo. Lagnat lamang ito at malayo sa bituka." Tiningala ko si Nanay. "Mukhang ikaw ang hindi maayos."
Natigilan ako sa kaseryosohan ng mga mata ni Nanay. Dinig ko ang lakas ng pintig ng aking puso, tila ba nahuli ako sa isang krimen na hindi ko naman ginustong gawin. Ni hindi ako nakapagsalita.
Mabuti na lamang at may kumatok sa pinto ng kwarto ni Sir at niluwa noon si Ninong. Kung nagulat ako, mas lalo yata si Nanay. Dire-diretso si Ninong sa paglalakad, ang mga mata ay hindi inaalis sa anak. Nakitaan ko ng pag-aalala at lungkot sa kaniyang mga mata.
BINABASA MO ANG
🌈 The Pervs Series: Pancho Kit Del Mundo (BL) ✔
Fiksi UmumCOMPLETED Ano nga ba ang basehan kapag ikaw ay umiibig sa isang tao? Katanyagan? Estado sa buhay? Pisikal na katangian? Pag-uugali? Edad? Kasarian? Para sa binatang si Pancho, ang pagmamahal ay hindi nakikita sa rason, kung hindi ay sa kung ano ang...