Guro, Guro, Salamat sa Pagtuturo | PAPA ERAN

10 1 0
                                    

Title: Guro, guro, Salamat sa Pagtuturo.

. . .


Sa unang pagtapak sa paaralan,
Gabay ng isang guro ang atin agad nasasaksihan.
Sa pagbati ng isang mahabang Magandang Umaga po,
Kasabay ng masiglang pagtayo at sabay-sabay na pag-upo.
Tunay nga... Ang mga guro ang s'yang sa atin ay nagturo.

Gagabayan ang tamang porma ng kamay,
Papangaralan ang mga batang medyo nagiging pasaway,
Tuturuan ng leksyon ang mga napasabak sa away,
Pahahabain ang pasensya... Para On fleek pa rin ang kilay!
Sa mga biro natin paminsan naman, sila'y nakikisakay,
Upang sa karamihan ay makasabay.

Iyan ang mga guro na ating kinamulatan.
Iyan ang k'wento na madalas na nating mapakinggan.
Ang mga guro na s'yang nagsisilbing magulang,
Sa loob ng ating pangalawang tahanan.

Pero sa likod ng mga k'wentong ito, ay may istorya pa tayong hindi... nalalaman.

Isang malapad na ngiti,
Na wari ba'y dulot ng mga kiliti,
Ang sa ati'y palaging unang bumabati.
Kahit... basa pa ang buhok,
Sasagupain na ang mahabang byahe ng pagsubok,
'Di alinta ang mga makakapal na usok...
Sapagkat kailangan nang magmadali, dahil oras na ng pasok.

Matutunog na sapatos at takong,
Mababagsik ang binibitawang mga tanong,
Strikta. Kung iyo pa ngang ikukulong,
Ang isipan mo na ganito ang ugali ng ating mga gurong,
Nahihirapan din naman at nangangailangan din ng tulong.

Kaya huwag na huwag n'yong isusumbat,
Na sila ay bayad sa kanilang trabaho,
Dahil bakit, sa tingin n'yo ba sapat ang lahat ng ito?

Dahil baka lang hindi n'yo alam,
Na sa kabila ng kanilang pagsisikap at mga paghihirap,
Ay sakit ng ulo at konsumisyon pa rin ang kanilang patuloy na natatanggap.
At sa kabila ng lahat ng sakripisyong tulog upang magpuyat,
ay "Ms. 'Wag na lang tayo magklase!" ang paulit-ulit pa ring bina-banat.
Marahil ay hindi lang sila nagsasalita,
Pero pagod nang magsaway ang kanilang mga dila.
Parami ng parami ang dagdag na gawain,
Ngunit paliit ng paliit naman, ang oras para sa pamilya at sarili.

Kaya bago ka magreklamo kung ibinagsak ka n'ya,
Tanungin mo muna ang sarili mo, kung nag-effort ka ba.

Kaya't sa matitiyagang tagapagtayo, ng ating mga pangarap upang patuloy nating mabuo;
Sa magigiting na superheroes... ng edukasyon,

Muli po ay guro, guro. Salamat sa inyong mga pagtuturo.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon