Matagal na rin pala akong naging hibang sa pag-ibig na ito. Matagal na rin akong umaasa sa kakarampot na atensyon mo. Matagal ko nang pilit ibinabagay ang sarili ko magkaroon lang tayo ng bagay na mapag-uusapan. Kung anong hilig mo ay ginawa kong hilig ko. Ang lungkot mo ay tinuring ko rin na akin at ang ligaya mo ay s'yang kaligayahan ko rin.
Malakas ang iyong kapangyarihan o mahika, na binibihag ako o binubulag ako, masyado akong mangha sa salamangka, masyado akong nawiwili sa ingay mo na tipong ang katahimikan at hindi mo pagkibo sa akin ay nagiging sanhi ng pagkukuwestiyon ng aking halaga.
Pero ngayon ay masasabi ko na.
Kumpara sa ibang tula,
Hindi na ako bibilang pa.
Dahil ngayon ay masasabi ko na;
Isang diretso- walang liko,
Walang pagtatago, lahat ay totoo.Ito na ang katapusan...
Ng walang-katapusang pag-ibig.
Sa madaling salita:
Sa wakas, HINDI NA KITA MAHAL.Grabe, ang tagal kong nalugmok sa'yo. Naging bahagi ka na kase ng sistema ko, tipong— ikaw ang laman ng puso't isip ko bago ako matulog at sa aking pagkagising. Hindi naman bahay-paupahan ang aking isipan pero andoon ka namamalagi. Nananatili.
Sa paglaya kong ito ay kalakip ng pagpapalaya ko sa mga bagay na muntik na. Muntik na tayo, muntik na pag-ibig, muntik na pangmatagalan, muntik lang o lintik. Nalintikan na.
Sa pagtanggap kong ito ay kasama ang pagpapatawad sa sarili kong masyadong naging hangal na sundalo ng pag-ibig, sunod-sunuran sa idolo, na tunay ngang nakakalito. Nakakabobo.
Sa paglaya kong ito ay kaagapay ang pagpili sa sarili na kahit hindi ako sanay gawin, natututunan ko nang suriin. Na dapat pala ako muna, bago ikaw, bago kayo, bago ang kung sino man, ako muna.
Sa pagtanggap kong ito ay bahagi ang pagkirot ng mga sugat pero hindi nangangahulugang hindi pa ako nakakausad. Bahagi ng paggaling ang muling paghiling na maibsan ang kirot dahil hindi tuwid na linya ang tatawiran tungo sa kalsada ng kapayapaan at lubusang pagtanggap.
Tapos na ang librong nakasulat tungkol sa'yo, isasara na ang pahinang nagtatapos sa mundo kong nakakulong sa bisig at titig mo, bubuksan na ang panibagong akdang isang obra maestra, na hindi pa alam ang paksa o dulo ng istorya, pero sigurado ako na ang paksa nito'y umiikot sa mga katagang "ako naman muna."
Ang katapusan ng walang katapusang pag-ibig na ito ay simbolo ng pagsuko sa sitwasyong wala nang ibubungang matino, walang milagro ang magpapatotoo na mali ako, ang katapusan na ito ay tungo sa pagkapanalo ng utak at ng puso, walang pagtatalo kung sinong mas tama o mali, walang pagtatago na bahagi ka ng isang makasaysayang pagtatapos.
Tapos na akong maging bilanggo.
Tapos na akong masaktan sa hindi mo pag-alam kung paano mo ako ginagawang saktan.
Tapos na dahil pagod na.
Tapos na dahil natuto na.Walang pagtatanggi,
Walang halong galit,
Wala nang pakikipagtawaran,
Tapos na ang depresyon.
Nakapagsimula na ang pagtanggap
Dahil nagtapos na...Ang Katapusan ng Walang Katapusang Pag-ibig
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ni Papa Eran
PoetryEveryone has a story to tell. I may not know yours, but there will always be a poem brave enough to speak for your thoughts. - Mga Tula ni Papa Eran - A compilation of poems in different syles and genres written by yours truly.