Title: Tayo Hanggang Dulo
_ _ _
Simula sa araw na ito,
Tutuparin ko ang aking pangako.
Sa basbas ng Diyos at sa batas ng tao.
Ikaw...
Ako...
Tayo.Hanggang Dulo.
Handa na ako.
Handa na 'kong harapin ang bukas.
Handa na akong tahakin ang landas.
Handa na akong simulan ang pag-ibig na wagas,
Sa k'wentong ikaw at ako ang itinadhana hanggang wakas.Kahit na hindi umayon ang buhay sa ating mga plano,
Kahit na hindi sigurado kung ano ang ibibigay sa atin ng mundo,
Kahit ilang beses pa tayong madapa sa k'wento nating ito,
Ikaw... At tanging ikaw lamang ang pipiliin ko.Nakahanda na ako.
Handa na akong salubungin ang bagong umaga.
Dahil mula ngayon ay hindi ka na mag-iisa.
Sa hirap, sa ginhawa, at sa kahit ano pang problema,
Ipinapangako ko sa ating dalawa,
Hanggang dulo, tayo ang magsasama.Hindi ka na matutulog mag-isa,
Hindi ka na mangangamba,
Na baka bukas, wala ka nang kakampi.
Dahil ako ang makakasama mo parati.
Sabay nating tatahakin ang madilim na gabi.
Ikaw ang ilaw at ako ang haligi,
Bubuo tayo ng tahanan na hindi basta-basta mapapawi,
Dahil sa isa't isa... Doon tayo uuwi.Ako ang una mong makikita sa pagdilat ng 'yong mga mata.
Ang unang tinig na babati sa'yo ng magandang umaga,
Ang taong nakahandang hamakin ang kahit na ano para lamang sa'yo.
Dahil ito ang tatandaan mo,
Kasama mo ako sa bawat hakbang na tatahakin mo.
Bilang ikaw ang kahinaan at ang tanging lakas ko.Kaya't kung sa hinaharap na buhay,
Masagupa natin ang mabibigat na pag-aaway,
Sisikapin kong hindi tumigil na sa'yo ay umalalay.
Tandaan natin na sa mga oras na ang katatagan natin ay dinadalisay,
Hindi tayong dalawa ang tunay magkaaway.
Kung dumating man ang panahon,
Na pahirapan na tayo sa maraming pagkakataon,
Marindi tayo sa kan'ya-kan'yang opinyon,
Pahirapan tayo ng kalamidad at ng mga sakit,
Sa isa't isa tayo sasandal para kumapit.Bagabagin man tayo ng hindi mabilang na mga pagsubok,
'Wag tayong sumuko na sumubok. Kung mapagod man tayo sa pagdadala ng buhay,
Alalahanin ang dahilan kung bakit tayo nagsimula.
Iyon ay ang mahal kita at mahal mo rin ako.
Kaya ating ipangako,
Na 'wag tayong tumigil na piliin ang isa't isa.
Dahil muli, hindi ito 'ako-laban-sa-iyo',
Kundi tayong dalawa, kasama ang Ama, laban sa lahat ng mga ito.Ang mga mata ko ay nakatingin sa iyo at sa hinaharap na magkasama nating haharapin.
Ang mga kamay ko ay nakahanda na hawakan ka, hagurin ang iyong likod kung pagod ka na, o punusan ang iyong mga pisngi sa oras na papatak ang iyong mga luha.
Ang aking mga binti ay sasabayan ka mula umpisa hanggang dulo ng lakbayin natin sa mundong ito.
Ang bisig ko ay ilalaan ko upang maging sandalan mo at upang paulit-ulit na yakapin ka hanggang sa magsawa ka;
Hanggang sa hindi natin namamalayan, mabagal na tayong kumilos; kulubot na ang ating mga balat.
Pangako sa iyo na kahit hirap na akong bumigkas, ipagsisigawan ko pa rin na mahal kita.
Kung hirap ka nang bumangon, aakayin kita,
At kung makalimutan ko nang bigkasin ang pangalan mo bunga ng katandaan,
'Wag mo sanang maramdaman na ika'y aking kinakalimutan–
Dahil ang puso at isip ko, bagamat mahina, ay nangako na.
Kinabisado ko na kung paano ka mahalin, para kahit anong edad o sakit ang sa akin ay sumapit,
Alam nang buo kong pagkatao kung paano ka dapat ibigin.Nangako tayo sa Diyos ng panghabangbuhay na pagmamahalan.
Ikaw at ako ang magiging patunay na ang pinagbuklod ng Ama ay hindi mapaghihiwalay ng sinoman.
Hindi man tayo perpekto,
Pero sa iyo ako payapa, kampante at sigurado.Simula sa araw na ito,
Tutuparin ko ang aking pangako.
Sa basbas ng Diyos at sa batas ng tao.
Ikaw...
Ako...
Tayo.Tayo hanggang dulo.
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ni Papa Eran
PoetryEveryone has a story to tell. I may not know yours, but there will always be a poem brave enough to speak for your thoughts. - Mga Tula ni Papa Eran - A compilation of poems in different syles and genres written by yours truly.