Bayani ng Modernong Kasaysayan | PAPA ERAN

34 2 2
                                    

Title: Bayani ng Modernong Kasaysayan

- - -






Takbo.
Mahalaga ang bawat segundo.
Tumingin ka lang ng diretso.
'Wag ka nang lumingon sa likod mo.
Maraming may kailangan ng iyong serbisyo.
Harapin natin ang totoo.
Alam naman natin ang pinasok mo.




Hinto.
Sa bawat mata na may luhang itinutulo,
Mga pamilya'y humihiling na sana oras ay huminto.
Dahil sa kada paglabas mo ng pinto,
Delikado ang mga susunod na segundo,
Hindi sigurado, kung may buhay pa bang babalik dahil sa peligro.




Sandali.
"Anak ko, sandali.
Aalis ka na naman uli,
Nais kitang yakapin ngunit alam ko namang hindi maaari.
Kaya pakiusap, mag-ingat ka nawa palagi."
May mga magulang na tanging 'yan na lamang ang nasasabi.
Dahil gustuhin man nilang ikaw ay sa tahanan na lamang manatili,
Alam nilang imposible at hindi ganoon kadali,
Guguhit man ang ngiti sa kanilang mga labi,
Ngunit bugbog sa takot ang kanilang buong sarili.




Landas.
Kailangan mong maging matikas at matigas,
Dahil ito ang pinili mong landas,
Dahil gaya ng batas, ang sakit ay walang pinipiling antas,
Kahit sino walang takas-
Ang kalaban ay lumalaban ng hindi patas.
Hindi natin alam kung kailan nga ba ito magwawakas,
Kaya't sikapin mong maging malakas...
Dahil may buhay ka pang ililigtas.







Isa kang doktor, nurse; isa kang tagapagpagaling,
At ang panggagamot ay ang iyong sining,
Kaya't sa tuwina, ay kailangan mong maging magiting,
Dahil ikaw ang hanap ng mga taong dahil sa sakit ay dumadaing-
Pero alam ko rin namang wala kang anting-anting.




Isa kang mananaliksik; tagapagpahayag, kaya't kailangan mong maglayag,
Upang ang katotohanan ay maihayag. Pero alam kong may kasinungalingan kang bibitawan,
Kung sasabihin mong wala kang pangambang nararamdaman,
Para lamang may masagap na balita ang taumbayan.




Isa kang pulis, guwardya, sundalo-
Na kilala, bilang isang matapang na ehemplo,
Ngunit alam kong naduduwag ang iyong puso,
Kung ang aalalahanin na ay ang pamilya mo.




Isa kang trabahador, tsuper, o taga-deliber na arawan ang sahod,
Kaya't patuloy ka sa walang palyang pagkayod,
Kung kaya't walang lugar sa'yo ang pagod-
Kahit na mataas ang banta ng delubyong sa'yo ay nakabakod.




Ilan lamang sila sa mga pangunahing hanay,
Ng ating mga kababayang inilalagay,
Ang isang paa sa hukay- nagsisilbing tulay,
Mga bayani na araw-araw sumasalakay sa kampo ng kaaway,
Na kaligtasan at serbisyo ang s'yang tangi lamang pakay.
Nang sa gayon, tayo ay mapanatiling buhay.




Kaya't kung hindi man sasapat, ang aming mga palakpak,
Bilang pantapat sa inyong namumukod-tanging pagsisikap.
Hayaan n'yong sa hangin at sa pamamagitan ng taimtim na panalangin,
Doon namin ilakip ang aming mga yakap,
Bilang pagtugon sa taos-puso naming pasasalamat.




Sa hindi masusukat ninyong katapangan, kadakilaan, at kabayanihan,
Isang pagpupugay... sa mga bayani ng modernong kasaysayan.

Mga Tula Ni Papa EranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon