Title: Sa Malayo Ako Nasasaktan
Wala ako sa gitna.
Sa gilid o sa harap.
Na sa likod ako, malayo.
At dito sa bandang kalayuan...
Dito ako nasasaktan.Mabigat pala sa pusong makita
Ang sayang kaya mong igawad sa piling ng iba.
Hindi ko lang mawari kung kanino ka ba mas maligaya,
Sa akin o kapag kasama s'ya?
Pero kung sakaling sa kaniya,
Edi sige, masasaktan akong mag-isa.Ang buhay ko ay napuno na ata ng inggit.
Gusto ko kase na kung paano ka sa kan'ya, ganoon ka rin sa'kin.
Pero hindi ko naman p'wedeng ipilit o ipagsiksikan ang sarili ko sa buhay mo.
Kagaya ng balandra ng mga kaaway sa pelikula, tapos na ang maliligayang araw ko.
Pero ang hindi ko mawari, k'wento ko ito, pero ako yata ang nagmimistulang kontrabida.Kung sa bawat paghalakhak mo kapiling s'ya ay may kirot sa aking sistema na parang sapilitan akong sinasakal kahit suwayin ko pa ang sarili na huwag nang madama,
wala naman atang makakaiwas talaga sa pighati na dulot ng pag-ibig na nagmumula lamang sa malayo.Sa malayo kung saan ang karapatan mo ay tanging sa hangin nakaukit.
Hindi p'wedeng ipaskil, hindi kayang ipakita. Hindi maaring magunita.Sa malayo kung saan tanaw na tamaw ng aking mga mata kung anong kaya mong ibigay sa kan'ya yayamang tila isa akong asong naghahabol kung saan ka man naroroon, sisikapin kong sumunod dahil baka sakali lang, kagiliwan mo ang hindi ko pagsuko sa'yo.
Tama, hindi ako sumusuko sa'yo.
Kung kababaan ito ng pagtingin ko sa aking sarili, patawarin ako ng mundo dahil kahit kailan naman ay hindi ko hinangad maging mapagmataas.Alipin ako ng mga 'baka sakali' o teoryang binuo, nilikha, at ipinakita ng malikot kong imahinasyon.
Sa makailang ulit na ako ay nasaktan ng pagmamahal sa malayo,
Ang hindi ko pagtalikod ang s'yang kasalanan ko.Alam ko na ang pagmamahal ay dapat marahan, pero pinili kong masaktan sa aking kinalalagayan.
Tanga at inutil.
Mahina, marupok, mapag-asam.
Pero sino, sa lahat ng nagmahal, ang kahit minsan ay hindi nagpakatanga?
Palagay ko'y wala pa...
O hindi lang kasing baba ko.Mabuti nang sa malayo ako nasasaktan dahil dito ko rin mapag-uugnay-ugnay ang talinhaga kung bakit nawalan ako ng halaga:
Hindi tayo mas mamahalin ng taong hindi tayo mahal, kung mas lalo natin silang mamahalin.
Pagsuko, pagtanggap, pagtalikod. Paghati sa pagitan ng narito at nand'yan.
Hindi kita kayang mahalin nang malapitan dahil ang taya ng damdamin ko'y iba ang nais mong mahagkan. Kung kaya't 'eto ako sa bandang kalayuan, tahimik lamang na nasasaktan.
_______
Date Finished: 19 Sept 2023 | Tuesday
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ni Papa Eran
PoetryEveryone has a story to tell. I may not know yours, but there will always be a poem brave enough to speak for your thoughts. - Mga Tula ni Papa Eran - A compilation of poems in different syles and genres written by yours truly.