Title: Hiraya Manawari
...
Nadaig pa 'ko ng bata.
Naalala n'yo ba kung pa'no tayo tanungin dati ng mga pangarap natin paglaki.
Ako gusto kong maging piloto, s'ya teacher, 'yung isa abugado.
Ay, sige hindi na lang pala piloto-
Gusto ko pa lang maging inhinyero, s'ya naman doktor, 'yung isa bumbero.
Hindi, bale pangarap ko pala talagang maging chef. S'ya housewife, 'yung isa arkitekto.
Magte-take ako ng biology dahil na-inspire ako sa teacher ko. S'ya seaman. 'Yung isa sundalo.
Ahh, 'eto final na siguro.
Magiging manunulat ako.
S'ya flight attendant, 'Yung isa pulis.
Ewan ko, kahit ano- basta maging milyonaryo.
Hanggang sa maging kolehiyo-
Teka, naliligaw na ata ako.
S'ya determinado, 'yung isa asensado.
Ako 'eto, parang loko-loko na hindi pa rin alam kung anong gusto.
"Buti pa 'yung bata!"
Bulong ng aking kaluluwa
Sa sarili kong nakasalta-
Sa mundo ng pakikibaka.
Hindi naman sa nakakahiya,
Ayoko lang mapahiya,
Na sa dami nang naisip kong maging,
Hindi ko naman talaga alam kung saan ba 'ko magaling.
Kaya Hiraya Manawari;
Sana mangyari...
Ang araw na kaya ko nang pumili,
Ng landas kung saan ba talaga ako bahagi.Nadaig nga ba ako ng bata?
O hindi ko lang namalayan,
Na habang tumatanda,
Mas akin lang napatutunayan
Ako ay na sa kabanata
Ng pagiging ligaw sa kawalan.
Ligaw sa kung anong direksyon ang dapat puntahan,
Dahil sa tanong na kung ano bang plano ko sa buhay?
Wala pa rin akong maibigay.
Hindi ako tambay-
Pero ako ay hindi umaalis ng bahay
Na gawa sa purong pagnilay-nilay
Kung saan ba 'ko magaling-
Ano bang talento ko?
Paano n'yo nakakayang alamin
Kung anong gusto n'yong maging?
Samantalang ako na marunong din namang bumasa at sumulat,
Pero gabi-gabing nakamulat
Sinisiyasat ang saliri na waring isang librong nakabuklat
Bakit ang buhay ko ay parang isang tambak ng kalat?
Hiraya Manawari;
Magkatotoong sanang Mangyari...
Na taas-noo kong maipagmamalaki:
Alam ko na ang landas na magbibigay sa akin ng tunay na ngiti.Pangarap kong magkaroon ng pangarap.
Dahil nais kong humarap,
Sa mundo, sa salamin, at sa sarili ko mismong hinaharap,
Na hindi ako 'yung batang basta na lang natambakan.
Nadaganan ng libu-libong mga alitaptap,
Hindi na nakalipad sa alapaap, natabunan na lang ng dilim mula akin mismong mga ulap.
Pilitin ko mang kumurap nang kumurap,
Baka sakaling may mahagilap;
Upang patuloy na maghanap,
Pero tila wala pa ring nagaganap.
Ang kagustuhan ko ay maagap, ngunit ang para sa akin ay totoong mailap.
Kaya Hiraya Manawari;
Nawa mangyari...
Na mula sa kadiliman ng aking guni-guni,
Sumibol ang tingkad ng pag-asa sa aking sarili.Sino nga bang kalaban ko?
Ang panghuhusga at pananaw ng mundo?
O ang sarili kong prinsipyo?
Ewan, hindi ko alam.
Para pala akong pagong-
Nagtatago sa loob ng akin mismong bubong.
Mabagal pa sa mabagal,
Pero ang katotonahan nitong kakambal:
Kahit gaano pa katagal;
Sisikapin kong umusad.
Kung ito man ay isang sugal,
Sa sandata ng panalangin ako nakasandal.
Hindi man magaling at tangi lamang marunong,
Lalaban pa rin ako at susulong;
Tiwala at pananampalataya ang s'ya sa akin ay mag-uusong.
Iiyak, mahihirapan, pero hinding-hindi uurong.
Panukalang sasagot sa ilang taon kong pagtatanong.May pangarap ka ba na gustong abutin?
May mithiin na nais marating?
Hinaharap na abot-kaya mo nang tanawin,
O kagaya kong hanggang ngayon ay naliligaw pa rin?
May nais ka bang makamtan?
Pero sobrang tagal na,
Ni hindi pa nga naisasakatuparan pero bakit parang nawala na naman?
Ayos lang. Ayos lang!
Hindi naman pala masama kahit hindi ko pa lubusang naayos...
Ang planong hindi ko matuos-tuos.
Hindi pala ibig-sabihin na dahil meron sila, sa atin, naubos na.
Ang mahalaga ay hindi tayo tumitigil na kumilos.
Dahil kakampi ang mas kailangan ng sarili mo at hindi pambabatikos.
Tiwala na kaya mong mairaos
Ang pag-asang tila naghihikaos-
Sa mga taong ika'y nakagapos,
Sa paniniwalang wala kang matatapos.
Hindi ka kinakapos. Hindi ka nagagapos.
May kan'ya-kan'ya tayong karerang tinatakbuhan,
Maaring nauna ang karamihan,
Ngunit hindi nangangahulugang tayo'y napag-iwanan.
Sakto lang. Sakto lang...
Dahil ang para sa atin... ay darating ng kusa.Hiraya Manawari.
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ni Papa Eran
PoetryEveryone has a story to tell. I may not know yours, but there will always be a poem brave enough to speak for your thoughts. - Mga Tula ni Papa Eran - A compilation of poems in different syles and genres written by yours truly.